NILIGPIT ng ECHO Loud Aura Philippines ang hanay ng ONIC Esports, 3-1, sa ikaanim na araw ng knockout stage ng M4 World Championships Mobile Legends: Bang Bang kagabi, Enero 12 sa Tennis Indoor Stadium Senayan.
Hindi nagpaawat si ONIC Kairi sa pagbubukas ng unang laban nang gamitin niya si Granger at maantak na ginapas ang Kaja ni ECHO Yawi. Gigil na maibawi ang dalawang kill, hindi na nagsayang pa ng oras ang koponang Pilipino nang parusahan ang puwersa ng Indonesia sa pangunguna ni Sanford “Sanford” Vinuya na dumiskarga ng apat na kill at sampung assist. Buhat nito, matagumpay na napasakamay ng ECHO ang unang laban, 1-0.
Sa pagpasok ng ikalawang laro, dinomina ni ONIC Kairi “Kairi” Rayosdelsol ang sagupaan gamit si Hayabusa nang ipamalas ang kaniyang nakamamanghang pagmamaniobra matapos sabay-sabay lagasin ang ECHO. Tila uhaw na makabawi ang Indonesia-based squad nang kapit-bisig na pagkaisahan ang ECHO sa huling clash ng laro. Bumulsa ng walong kill at apat na assist ang Pinoy import na nagbigay daan upang maitabla ang serye, 1-all.
Agresibong sinumulan ng ECHO ang ikatlong laban nang ipamalas ang kanilang nagbabagang opensa sa ONIC. Tinapatan ito ng ONIC matapos mapabagsak si ECHO Sanford ngunit agad bumawi si ECHO Yawi nang mangalabaw sa sagupaan. Tumibay man ang depensa ng ONIC, hindi pa rin ito naging sapat upang pigilan ang rumaragasang opensa ng ECHO, 2-1.
Tangan ang hangaring tapusin ang serye, agad sumiklab ang ECHO pagdako ng ikaapat na laban matapos ipagpatuloy ang kanilang umaatikabong momentum. Tila ayaw pang sumuko ng ONIC nang mangibabaw sa unang limang minuto na nagpahirap sa koponang Pilipino. Gayunpaman, hindi na nagpatumpik-tumpik pa ang ECHO matapos tuluyang ipinamalas ang nakamamanghang rotasyon at ang clutch kill ng Lord, 3-1.
Buhat ng kagila-gilalas na panalo, waging uusad ang ECHO sa upper bracket finals ng torneo. Haharapin ng ECHO ang kapwa koponang Pilipino at defending champions na Blacklist International mamayang gabi, Enero 13 sa ganap na ika-7 ng gabi sa Tennis Indoor Stadium Senayan.