PUMIGLAS ang defending champions Blacklist International (BLCK) sa mahigpit na kapit ng Rex Regum Qeon Hoshi (RRQ), 3-2, sa upper bracket semifinals ng M4 World Championships Mobile Legends: Bang Bang kagabi, Enero 11 sa Tennis Indoor Stadium Senayan.
Agarang sumiklab sa pagbubukas ng unang laban si RRQ Alberttt gamit si Fanny matapos mapaslang ang Estes ni BLCK OhMyV33nus. Tila nagising ang diwa ni BLCK Wise matapos ipamalas ang kaniyang bagsik nang balikatin ang opensa at magtala ng nakagigimbal na walong kill. Dikdikan man ang naging sagupaan, kapit-bisig na umarangkada sa late game clash sina RRQ Alberttt at R7 upang maibulsa ang kalamangan sa serye, 0-1.
Kumpletong dominasyon naman ang ipinamalas ng BLCK pagdako ng ikalawang laban matapos ang kaliwa’t kanang pagkumpleto ng objectives at pag-arangkada nina BLCK Wise, Edward, at Oheb ng umaatikabong mga killstreak. Halos walang nagawa ang Indonesia-based squad sa ipinakitang ragasa ng opensa at crowd control ng koponang Pilipino. Buhat nito, tuluyang nakadena ang RRQ at masilakbong naitabla ng defending champions ang serye, 1-all.
Nagpatuloy pa rin sa ikatlong laban ang malasiling momentum ng BLCK. Ginamit mang muli ni RRQ Alberttt si Fanny, hindi ito naging sapat upang pigilan ang pagkamtan ni BLCK Wise ng objectives at killstreak. Kagila-gilalas naman naagaw ni RRQ R7 ang Lord ngunit pinawalang-bisa agad ito ng defending champions matapos lagasin ang mga katunggali, 2-1.
Sa pagpasok ng ikaapat na laban, maagang naging agresibo ang Indonesia-based squad nang magawang masira ang rotasyon ng BLCK. Umalab naman ang diwa ng mga Pilipino matapos bumulusok ang BLCK nang mamukadkad muli ang UBE strategy. Tila ayaw pang umuwi ni RRQ Alberttti nang umeksena sa late game gamit si Ling upang lagasin ang BLCK at itulak sa do-or-die round ang bakbakan, 2-all.
Dikdikan naman ang naging tema sa ikalimang laban nang ipamalas ng dalawang koponan ang kanilang matinik na estratehiya. Bagamat patuloy na kumamada si RRQ Alberttt, nabigyang sagot ito ng BLCK matapos paganahin muli ang UBE strategy at magpakitang-gilas si BLCK OhMyV33nus gamit ang signature support na si Estes. Hindi na nagpatumpik-tumpik pa ang BLCK nang samantalahin ang natitirang katunggali upang tuldukan ang bakbakan, 3-2.
Matapos ang makapigil-hinigang tagumpay, ibinahagi ni BLCK Oheb ang naging plano ng koponan sa huling sandali ng ikalimang laban. Aniya, “hindi na namin inisip ‘yung naagaw ‘yung Lord. Inisip na namin agad ‘yung magandang magagawa namin which is ‘yung patayin na lang ‘yung mga natirang hero dun. Tapos ‘nung may mga napatay kami, nagdesisyon kami na i-go na lang sila kaysa mag-def sa Lord.”
Buhat ng panalong ito, waging papasok sa upper bracket finals ang BLCK. Hihintayin na lamang ng koponang Pilipino ang mananalo sa pagitan ng ECHO at ONIC upang malaman ang kanilang makakalaban.