MAAASAHANG MAGLILIYAB ang mga bolang paliliparin ng De La Salle University (DLSU) Green Batters sa kanilang mainit na pagbabalik sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 85 matapos ang mahigit apat na taong paghihintay. Bitbit ang kanilang pagkapanalo bilang kampeon noong UAAP Season 81 Men’s Baseball Tournament, inaasahang maibubulsang muli ng Taft-based squad ang gintong medalya.
Mataas ang kompiyansa ng Green Batters na maiuuwi nila ang back-to-back na championship win para sa DLSU bagamat maraming bagong kasapi sa koponan. Sa kabila ng kanilang pagpupunyagi noong nakaraang torneo, dalawang miyembro na lamang mula sa championship lineup noong 2019 ang natira. Kaakibat nito, nakapanayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) ang mga manlalaro ng Green Batters kabilang ang kapitan ng koponang si Joshua Pineda at rookie na si Jay-R Alcontin hinggil sa dapat asahan sa kanila ngayong UAAP Season 85.
Paghasa sa mga panibagong sandata
Hindi natitinag ang Green Batters sa magiging resulta ng UAAP Season 85, bagamat puno ng rookie ang kanilang koponan. “Sa tingin ko wala namang balakid sa pagkakaroon ng maraming rookies [sa koponan] kasi sinasabihan naman namin sila kung ano ‘yung mga kailangan nilang gawin. Alam naming makakatulong sila para makamit ang inaasam naming tagumpay sa paparating na torneo,” pananaw ni Pineda.
Mayroon ding mga kailangang bantayang rookie sa Green Batters tulad ng slugger na si Lord Aragon De Vera, isa sa mga pinakabatang miyembro ng national team. Gayunpaman, malaki ang tiwala ni Pineda sa kaniyang mga kasamahan, baguhan man o beterano, basta nakikita niyang nagsusumikap upang makatulong sa kampanya ng Green Batters.
Maliban kay De Vera, malaki rin ang tungkulin ni Alcontin bilang isang baguhang manlalaro sa koponan. Rookie man sa grupo, mayroon siyang lakas ng loob na hikayatin ang buong koponan upang magkaroon ng masaganang ensayo. “Ako ‘yung naghahamon kahit sa mga seniors para maitaas lang ‘yung sense of urgency sa team. Para lahat magstep up, walang maiiwan sa baba,” pagbabahagi niya.
Hindi naging hadlang ang pagkakaroon ng maraming bagong mukha sa koponan. Mistulang malaking oportunidad ang pasan ng bawat manlalaro upang mapatunayan na karapat-dapat silang mapabilang sa koponan. Kaugnay nito, itinuturing din na bentahe ng Green Batters ang pagkakaroon ng rookies dahil mas tumatag ang kanilang mithiing mapasakamay muli ang titulo. “Expect the unexpected, kasi bilog ang bola marami kaming rookies ngayon. Expect the gold,” wika ni rookie Alcontin.
Pagdepensa sa inuupuang trono
Matapos ang dalawang taong pagsasanay online, tila balik sa umpisa ang koponang Berde at Puti sa kanilang muling pagtapak sa diamond. Bunsod nito, binigyang-diin ni Pineda na magkaroon ng karagdagang pagsasanay ang bawat miyembro maliban sa kanilang karaniwang pag-eensayo upang masigurong humusay ang koponan. Sa ganitong estratehiya rin mas nahasa ng Green Batters ang kanilang sariling mga kasanayan.
Mahalaga para sa bawat koponan ang pagkakaroon ng malinaw na komunikasyon sa loob at labas ng field. Hindi lamang nasusukat sa pisikal na pag-eensayo ang lakas ng isang pangkat. Ito ang paniniwala ng Green Batters na pinakamahalagang sandata nila noong sumabak sila sa UAAP Season 81. “Kung wala kayong communication, uuwi lang sa error ‘yung play na ‘yon eh sayang din. Isang team factor ‘yung communication sa field saka unity sa loob,” giit ni Pineda.
Hindi naging balakid ang ilang taong pagkaantala upang hasain ang pagsasanay ng Green Batters. Bunsod nito, naging sandigan ng Berde at Puti ang mga patnubay ng kanilang tagapagsanay sa kabuuang pagpapakondisyon. “Ginagawa rin namin ‘yung pinapagawa ng coach na preparation sa laro more on mental game ‘di lang puro pisikal na palakasan,” pagbabahagi ni Alcontin.
Higit pa sa mga talentong pampisikal, hindi maaaring isantabi ang mental na kalusugan ng mga manlalaro. Tila malaki ang naging bahagi nito bilang preparasyon ng koponan. Payo ni kapitan Pineda sa kaniyang mga kasamahan, “Kung pagod ka, [mag]pahinga ka lang, pero huwag kang susuko.” Bukod dito, inaanyayahan din niya ang kaniyang mga kasama na lubos na magpursigi at huwag makontento sa taglay nilang husay sa kasalukuyan.
Inaasahang magsisimula ang UAAP Season 85 Men’s Baseball Tournament sa Pebrero ng susunod na taon. Sa muling pagsalang ng Green Batters, puspusan ang naging paghahanda ng koponan sa kanilang pagbabalik sa torneo. Hinihiling naman ni Pineda ang dasal, tiwala, at malugod na suporta ng pamayanang Lasalyano sa kanilang nalalapit na pagsugod sa entablado ng UAAP upang masungkit ang inaasam-asam na gintong medalya.
Suot ang mga jersey na kulay Berde at Puti, tiyak na magiging kaabang-abang ang muling pagsalang ng Green Batters sa entablado ng UAAP. Masisilayan ng mga manonood ang katas ng panibagong puwersa ng koponan kasama na rin ang mga sariwang armas nito. Nakaranas man ng ilang taong pagkawala ng torneo, hindi tumigil ang koponan sa kanilang lubos na pinaghandaang pag-eensayo upang patunayan na kaya nilang maiangat muli ang bandera ng DLSU sa entablado ng UAAP Men’s Baseball Tournament.