Isang malaking katanungan sa sambayanang Pilipino ang pagganap ni Ferdinand Marcos Jr. bilang Pangulo ng Pilipinas nang masaksihan ang naging daloy ng bansa sa nakalipas na unang 100 araw ng nasabing administrasyon. Sa pagkokompara sa unang 100 araw ng administrasyong Marcos Jr. at Duterte, halos walang pinagkaiba ang dalawa dahil namutawi pa rin sa social media ang mga salitang #NasaanAngPangulo. Bunsod nito, mapapatanong talaga, panibagong daloy ng bansa nga ba o umiikot lamang ang Pilipinas sa isang roleta?
Obhetibong pagsusuri
Kinapanayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) sina Gerardo Eusebio ng Departamento ng Agham Pampulitika at Araling Pangkaunlaran ng Pamantasang De La Salle at Ronald Castillo ng Departamento ng Agham Pampulitika ng Unibersidad ng Santo Tomas upang masusing masuri ang unang 100 araw ng panunungkulan ni Marcos Jr.
Panimula ni Eusebio, isang tradisyon na ginaya mula sa Amerika ang pagsusuri ng unang 100 araw ng mga pangulo. Bagamat nakasanayang gawin ng mga nagdaang lider, hindi aniya ito binigyang-priyoridad ni Marcos Jr. dahil hindi ito nakalahad sa batas. Samakatuwid, walang nilalabag na batas ang Pangulo. Bunsod nito, hindi obhetibong masuri ni Eusebio ang pagganap ni Marcos Jr. sa kaniyang unang 100 araw sa Malacañang.
“Sa pangako at sa first 100 days [nina] Duterte at Marcos Jr., wala tayong paghahambing dahil wala namang 100 days report [si Marcos Jr.]. . . pero kung tatanungin mo sa’kin kung natupad ang pangako ni Duterte tungkol doon sa drugs at korapsyon, eh palagay ko parehong bagsak,” giit ni Eusebio nang tanungin ang kaniyang pananaw sa unang 100 araw ng panunungkulan ng mga administrasyong Duterte at Marcos Jr.
Sa kabilang dako, binigyang-diin naman ni Castillo na halata ang pagkakaroon ng alyansa ng nakalipas at kasalukuyang pangulo dahil sa lantarang pagpapatuloy ng politikal na dinastiya. Hindi naman sumang-ayon dito si Eusebio dahil sa kaniyang pagsusuri, magkaiba ang sistemang pinaiiral ng dalawang administrasyon.
Nang talakayin ang islogan ng mga Marcos na “bagong lipunan,” idiniin ni Castillo na makikita ang naturang konsepto sa mga panatikong naniniwala sa pagbabaluktot ng kasaysayan. Dagdag ni Eusebio, branding ng kampanya ni Marcos Jr. ang naturang islogan upang pabanguhin ang pangalan ng yumaong diktador. Naniniwala rin siyang “Kapag may ‘bagong lipunan’ ka, mayroon ka ring dapat kaakibat na bagong proyekto para itaguyod ang ‘bagong lipunan.’ Hindi naman nating pwede sabihin na ‘ngayon ay bagong lipunan na tayo’ pero ’di mo naman feel.”
Parehong binigyan ng dalawang eksperto si Marcos Jr. ng markang 3 over 5. Ayon kay Castillo, isa itong hamon para sa Pangulo na mayroon namang nagawa ngunit marami pang dapat gawin.
Inabandonang mga salita
“Change is coming” at “unity”—ito ang mga ipinangakong salita nina Duterte at Marcos Jr. nang ilatag ang mga plano bilang tugon sa pag-ahon ng bansa sa krisis pang-ekonomiya at pangkalusugan. Magkaiba man ang pinakalayunin ng dalawang pangulo, inamin ni Alex*, isang mamamayan mula sa Boracay, Aklan sa panayam ng APP na mas malakas ang presensiya ni Duterte kompara kay Marcos Jr. sa kanilang unang 100 araw sa Palasyo.
“Noong panahon ni Duterte, ang bilis eh. . . bumaba ‘yung crime rate. . . Alam mo ‘yung moment na ‘yung mga promises ni Duterte, ’yung war on drugs, ginawa niya agad. So, feel na feel mo agad ‘yung leadership niya. Pero, ‘yung kay [Marcos Jr.] medyo parang lukewarm at best,” paliwanag ni Alex.
Bunsod ng umiiral na krisis pang-ekonomiya sa daigdig, aminado si Alex na hindi lubusang masisi si Marcos Jr. sa kasalukuyang estado ng bansa. Gayunpaman, nakukulangan si Alex sa tugon ng Pangulo ukol dito dahil wala aniyang inilalatag na konkretong plano ang kasalukuyang administrasyon. Masigla mang inilarawan ang kasalukuyang sitwasyon ng Boracay dahil sa panunumbalik ng dating anyo nito, bilang isang mamamayang mapagmasid, nangangamba si Alex sa kinabukasan ng bansa.
“Hindi na tayo bumuti. A bit worse than the previous administration in just the first 100 days. So parang, medyo nakakatakot. First year pa lang ‘to. Anong mangyayari sa next five years pa ‘di ba?” pag-aalala ni Alex.
Kabataang hindi magpapatinag
Mula sa mga pahayag nina Duterte at Marcos Jr. noong nangangampanya, pareho nilang binigyang-tuon ang karapatan ng kabataan. Gayunpaman, sa perspektiba nina Matthew Pacinos, estudyanteng mamamahayag sa UP Diliman (UPD), at Kristian Mendoza, secretary-general ng Anakbayan UPD, isiniwalat nilang nabigo at nabibigo ang parehong administrasyon na maisakatuparan ang kaniya-kaniyang pangarap para sa kanilang sektor.
Ayon kay Pacinos, parehong walang direksyon at nababalot ng pamumulitika ang pamumuno ng dalawang administrasyon. Pinanindigan din ni Mendoza na walang ipinagbago ang polisiya ng rehimeng Duterte at Marcos Jr. dahil sa presensya ng mga crony. Bukod pa rito, binigyang-diin nina Pacinos at Mendoza sa APP na walang naisakatuparan si Marcos Jr. sa kaniyang unang 100 araw na panunungkulan, partikular sa pagsasaayos sa sistema ng edukasyon, pagpapaigting sa ligtas na pamamahayag, at sa kaniyang ipinangakong kaginhawaang pang-ekonomiya.
“Imbes na bumagsak ang presyo ng mga bilihin, lalong nagsisitaasan ang mga ito. Imbes na sama-samang umangat ang buhay ng lahat, siya lamang ang tumaas. The rest of the population, except his cronies, ay nalugmok lalo,” pasaring ni Mendoza.
Bunsod ng mga karanasang napansin at napapansin ng kabataan, lalo na nina Pacinos at Mendoza, makikitang malaki ang pagkabigo ng kabataan sa rehimeng Duterte at sa unang 100 araw ni Marcos Jr. Gayunpaman, hindi pa huli ang lahat upang kumilos at manindigan sapagkat simula pa lamang ito ng laban para sa tunay na kalayaan. Para kina Pacinos at Mendoza, maliit man o malaki ang pagkilos, mahalaga ang pagtindig at pakikibaka ng kabataan para sa ikauunlad ng bayan.
Bagamat mahigit 100 na araw pa lamang ang nakalilipas, isang malaking hamon para sa administrasyong Marcos Jr. na tumugon sa pangangailangan ng kaniyang nasasakupan upang sa gayon, hindi masabing umiikot lamang ang bansa sa isang sistemang baliko at walang pagbabago. Sa isinusulong na “bagong lipunan,” bagong pag-asa ang kaakibat nito sa mga mamamayan.
* hindi tunay na pangalan