IPINATUPAD ang hybrid setup sa unang termino ng akademikong taong 2022-2023 ng Pamantasang De La Salle (DLSU) alinsunod sa planong unti-unting pagbabalik ng mga face-to-face na klase at aktibidad sa kampus.
Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP), ibinahagi nina Provost Dr. Robert Roleda, isang propesor ng hybrid setup, at mga piling estudyante ang mga kinahaharap na suliranin ng Pamantasan at kani-kanilang mga karanasan ngayong termino.
Pag-usisa sa setup ngayong akademikong taon
Kasalukuyang isinasagawa ng Pamantasan ang mga klase sa tatlong paraan: hybrid para sa majors at foundational na kurso, pure face-to-face para sa physical education at mga kursong panlaboratoryo, at pure online para sa mga kursong general education (GE). Hinati rin ang mga kolehiyo sa iba’t ibang hanay upang maiwasan ang siksikan sa loob ng kampus.
Ibinahagi ni Roleda na isa sa mga kinaharap na suliranin ng Pamantasan ang siksikan ng mga estudyante sa Learning Commons, Yuchengco Study Area, at Gokongwei Study Hall. Paniniwala niya, tanging ang mga nabanggit lamang ang mapupuntahan ng mga estudyante upang makapag-aral sa loob ng kampus at makadalo sa kani-kanilang mga online na klase. Gayunpaman, luluwag din aniya ito kalaunan dahil magagamit na ang iba’t ibang silid-aralan sa pagbabalik ng mga face-to-face na klase sa ikalawang termino.
Binanggit din ni Roleda na nagkaroon ng pagkukulang sa paghahanda ng mga silid-aralan matapos matuklasang mayroong problema ang mga projector. Bunsod nito, magkakaroon ng mga pagbabago sa moda ng pag-aaral simula ikalawang termino. Kabilang dito ang pagsasagawa ng mga kursong GE at Lasallian Core Curriculum nang hybrid mula sa orihinal nitong pure online na setup. Maaaring magkaroon ng in-person na klase ang mga seksyong Y tuwing Lunes, Martes, o Miyerkules habang tuwing Huwebes, Biyernes, o Sabado naman ang mga seksyong Z.
Tatanggalin na rin ang alternatibang pure online learning dahil inaasahang muling magbabalik face-to-face ang mga klase sa Pamantasan. Gayunpaman, makatitiyak ang mga Lasalyanong pag-aaralan ito nang mabuti ng mga dekano upang matugunan ang pangamba ng mga piling estudyanteng hindi makadalo nang face-to-face. “Naiiwasan naman natin ‘yung laganap na pagkakalat ng COVID sa loob ng campus. . . at ito ay hindi naman tumataas sa tinatawag nating threshold,” paalala ni Roleda.
Hahatiin din ang pagpasok ng ilang kolehiyo upang maiwasan ang siksikan sa kampus. Dadalo ng klase sa Pamantasan ang mga estudyanteng mula Gokongwei College of Engineering, Ramon V. del Rosario College of Business, at School of Economics mula Lunes hanggang Miyerkules, habang papasok naman ang Br. Andrew Gonzalez College of Education, College of Liberal Arts, at College of Science mula Huwebes hanggang Sabado.
Sususpindihin naman ang mga klase sakaling tumaas muli ang bilang ng mga kaso ng COVID sa Pamantasan alinsunod sa inilatag na Learning and Work Continuity Plan. Maaari ring kumuha ng excused absence ang mga estudyante at propesor na makararanas ng sintomas ng COVID upang maiwasan ang pagtaas ng bilang ng mga kaso. Kaugnay nito, maaaring isagawa ng mga propesor ang kanilang mga klase nang online.
Pagtitiyak niya, “Sa lahat ng mga mag-aaral na may agam-agam pa sa kaligtasan sa face-to-face classes, ang masasabi ko, ang karanasan natin ngayong termino ay ang basehan ng desisyon natin. Ang Pamantasan ay naniniwala na kayang-kaya natin na magsagawa ng face-to-face na hybrid na safe.”
Karanasan at perspektiba ng propesor
Sa naging panayam ng APP kay Riel*, propesor mula sa Departamento ng Sikolohiya ng Pamantasan, inamin niyang naging mahirap ang pagtuturo ngayong hybrid setup dahil sa teknikal na mga problema tulad ng aberya sa kompyuter at kakulangan ng kagamitan sa ilang mga silid. Nagkakaroon din ng problema sa pagdalo sa klase ng mga estudyante at sa kanilang paraan ng pag-aaral sa face-to-face na moda bunsod ng deadlines at komunikasyon sa mga pure online learner (POL).
Gayunpaman, ipinabatid ni Riel* na nakatulong pa rin sa kanilang mga propesor ang kasalukuyang setup sa kabila ng mga suliraning kinahaharap dahil mas naiaangkop nila ang kanilang pagtuturo sa moda ng pag-aaral. Nagagabayan din niya ang kaniyang mga estudyante at natitiyak ang pansariling kalusugan dahil hindi na niya kinakailangang araw-araw na pumasok sa kampus.
Ipinahayag din niyang nagkaroon siya ng makabuluhang karanasan bunsod ng mabilis na pagtugon ng Pamantasan sa mga teknikal na problema. Nabigyan silang mga propesor ng pagkakataong sumali sa mga pagsasanay at magkaroon ng akses sa isang kurso sa Canvas ukol sa tamang paggamit ng mga silid na nagkaroon ng pagbabago sa teknolohiya.
Para kay Riel*, pipiliin pa rin niya ang hybrid setup dahil sa handog nitong makabuluhang interaksyon sa mga estudyante. Nais muna niyang manatili sa hybrid setup kaysa full face-to-face bilang konsiderasyon sa pandemya at mga problema sa transportasyon. Gayunpaman, iminungkahi pa rin ni Riel* na tingnang muli ng Pamantasan ang mga kagamitan lalong-lalo na sa mga laboratoryo at balikang muli ang mahigpit na polisiya nitong failure due to absences para sa mga estudyante.
Hinaing ng mga Lasalyano
Nakapanayam ng APP si Chanel Jordan, ID 121 ng kursong BS Psychology, hinggil sa kaniyang karanasan ngayong unang termino bilang isang POL. Ibinahagi niyang isa sa pinakamalaking problemang kinahaharap ng mga POL ang mabagal na WiFi tuwing masama ang panahon, subalit gumagawa naman ng paraan ang kanilang mga propesor upang hindi sila mapag-iwanan.
Nagagalak naman si Michael Philip Tan, ID 119 ng kursong AB Communication Arts minor in Digital Marketing, sa pagbabalik niya sa kampus dahil nagkakaroon siya ng pagkakataong isagawa ang mga kursong panlaboratoryo nang face-to-face. Subalit, sa kaniyang palagay, hindi mahigpit ang pagpapatupad ng Pamantasan ng ilang minimum health and safety protocol sa kabila ng pagtaas ng bilang ng mga estudyante.
Ibinahagi rin ni Patricia Isabel Soriano, ID 120 ng kursong BS Chemical Engineering, na nagkaroon siya ng parehong pananaw ukol sa kaniyang karanasan bilang isang hybrid learner. Subalit, iginiit niyang mabigat ang pagbabalik sa face-to-face na setup dahil sa oras at perang kinakailangang ilaan para sa transportasyon.
Gayunpaman, ninanais nina Jordan, Tan, at Soriano, na manatili pa ring inklusibo ang Pamantasan upang hindi mapag-iwanan ang mga POL sa kasalukuyang hybrid setup. Iminungkahi nilang ipagpatuloy pa rin ang pagtanggap ng pure online learning setup para sa mga estudyanteng walang kakayahang ipagpatuloy ang pag-aaral sa hybrid setup.
*hindi tunay na pangalan