Hindi tumitigil sa pagtakbo ang oras; patuloy na gumagalaw ang orasan ng buhay na tumutulak sa ibang magtrabaho nang puspusan. Upang makasabay sa takbo ng mundo, malimit na hindi humihinto ang mga manggagawa sa pagkayod. Nagtatrabaho sila sa paniniwalang makakamit lamang ang tagumpay matapos ang walang katapusang pagsisikap. Subalit, hindi maitatangging may kaakibat na epekto sa katawan at isipan ang labis na pagtatrabaho.
Niyayakap sa hustle culture ang pagtatrabaho ng higit sa nararapat. Isinasantabi ng mga manggagawa ang kanilang personal na kaligayahan upang magampanan ang kanilang mga tungkulin. Dulot ito ng pananaw na madalas napag-iiwanan sa karera ang mga taong nagpapahinga. Sa kasamaang palad, hindi laging nasusuklian ang mga sakripisyo ng isang trabahador. Para sa ilan, hindi kayang tumbasan ng kinitang salapi at kasalukuyang posisyon sa trabaho ang kanilang kasipagan. Maraming trabahador ang sumusuko o umaatras na lamang sa mabibigat na tungkuling itinalaga sa kanila. Hindi tuloy maiwasang umikot ang isipan sa katanungang—sulit nga bang magsakripisyo para magtagumpay sa larangang tinatahak?
Alipin ng ambisyon
Hulog ng langit para sa mga fresh graduate ang makakuha ng trabaho sa kanilang hinahangad na larangan. Kaugnay ng kanilang mithiin ang pag-abot sa ligayang hindi matutumbasan. Subalit, malayo ito sa katotohanan sapagkat hindi parating kaakibat ng pangarap ang ligaya. Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP), isinalaysay ni Hannah Mallorca, isang freelance journalist, ang kaniyang karanasang masangkot sa hustle culture.
Bago magtapos sa kolehiyo, pangarap na ni Mallorca magtrabaho sa larangan ng media. Inamin niyang biktima siya ng katagang “Turn your passion into a career.” Aniya, “Even before graduating, I’ve always been dedicated to my career. So, working for me is about fulfilling my goals.” Gawa ng masidhing pagnanais, puspusan siyang nagsumikap at nag-aral upang makakuha ng internship at makapasok sa industriya. Kinalaunan napagtanto niyang napabayaan na niya ang kaniyang sariling kapakanan. Umabot na sa puntong hindi na siya natutulog at kumakain sa oras para sa kaniyang trabaho.
Iginiit ni Mallorca na hindi masamang magsikap upang maabot ang pangarap. Subalit, sinambit niyang hindi dapat ito sa paraan ng pagsasawalang-bahala sa sariling kalagayan. Nagbahagi siya sa kaniyang kapwa trabahador ng payong tutulong sa kanila upang maiwasan ito. “Know your limits and prioritize your sense of self. Employees are still humans with their own lives, goals, and dreams,” pagpapaalala niya.
Paglaya sa kadena ng pangarap
Nanlalata, natutumba, at napapagod—ilan lamang ito sa mga pagsubok na nararanasan sa patuloy na paghabol sa tagumpay. Bilang pakikisabay sa agos ng hustle culture, isinusugal ng mga tao ang kanilang pisikal at mental na kalusugan, gayundin ang oras sa pamilya at sarili. Sa kasamaang palad, kahit anong husay ang ipamalas, dadating pa rin ang panahong kailangang magpahinga ng mga katawang hapung-hapo sa walang tigil na pagkayod.
Nagbahagi sa APP sina Maina Co, isang talent acquisition manager sa Sun Life Asia Service Centre-Philippines, at Alessandra Arpon, propesor sa De La Salle University, ng mga kadalubhasaan tungkol sa quiet quitting. Ayon sa kanila, unti-unti nang naupos ang enerhiya ng mga manggagawa nitong pandemya dahil sa walang tigil na pagtatrabaho bunsod ng pagpapatupad ng work from home setup. Hindi nagtagal, naging matunog ang quiet quitting nitong mga nakaraang taon. “If you start doing the bare minimum, then that’s already the start of quiet quitting. Because you’re no longer motivated, or you’re no longer as engaged as before,” pagbibigay-kahulugan ni Co.
Mas binigyang-halaga ng mga tao ang kanilang kalusugan, pamilya, at libangan kaysa ang kanilang kahusayan sa trabaho noong kasagsagan ng pandemya. Bagkus, nawawalan sila ng ganang kumayod sa panahong hindi nila makamit ang kanilang priyoridad. Bunsod nito, naging popular na katangian ng quiet quitting ang pagtatrabaho ayon sa natamong sahod. Paliwanag ni Arpon, may magandang dulot ito dahil maiiwasan nilang mapundi at magagawa nitong balansehin ang kanilang trabaho at personal na buhay. Inilatag din ni Arpon na sanhi ng quiet quitting ang indoktrinasyong nakaankla ang halaga ng isang tao sa kanilang husay sa trabaho.
Bilang manager, binigyang-diin pa rin ni Co ang kahalagahan ng pagsisikap para sa mga umaasang makakuha ng promosyon sa kanilang trabaho. “Kung napunta ka doon sa mode ng quiet quitting, maa-affect ‘yung performance mo, which might affect a possible promotion. . . you didn’t go the extra mile,” aniya. Sa kabilang banda, ipinabatid naman ni Mallorca na nararapat ding mag-ingat sa pagtatrabaho ng higit pa sa inaasahan dahil sa posibilidad na mapagsamantalahan ng mga katrabaho, pinuno, o amo.
Pagtimbang sa bigat ng hangarin at sariling kapakanan
Malaya tayong lahat na mangarap nang mataas ngunit kinakailangang suportahan ito ng pagsisikap at determinasyon. Gayunpaman, walang sinoman ang ligtas sa quiet quitting dahil likas sa mga taong makaranas ng pagod. Makasasama man sa kanilang karera ang pag-iwas sa hustle culture subalit nararapat pa ring magpahinga upang makakuha ng panibagong lakas.
Bahagi ng propesyon at paggawa ang hustle culture at quiet quitting, lalo na sa mga hayok sa tagumpay. Sa gayon, kailangan itong matanggap at maunawaan upang mapagaan ang sitwasyong bumabalot sa mga trabahador. “Since we all know [quiet quitting is] not going to go away, I think we need to acknowledge na kapag kailangan natin ng help, we need to raise our hand and really say I need help,” giit ni Co.
Sa kabilang banda, bahagi rin ito ng proseso ng paglago. Nagsisilbi itong hamon upang matukoy ang tunay na pinahahalagahan ng sarili—ang kalusugan o tagumpay. Payo nga ni Mallorca, “It’s okay to strive for perfection. At some point, we all want to succeed. But our sanity matters above anything else.” Muli, hindi masama ang pagmamahal at paglalaan ng oras sa larangang tinatahak, subalit dapat pa ring pahalagahan ang sarili upang hindi umabot sa punto ng pagbitaw sa pangarap.