Umalingawngaw ang nakabibinging daing ng mamamayang Pilipino dahil sa pag-akyat sa 7.7% ng naitalang inflation rate sa National Capital Region nitong Oktubre 2022–mas mataas ng 1.2% kompara sa 6.5% nitong Setyembre. Buhat ng lumalalang problema ng ekonomiya sa pagkaluklok ng bagong administrasyon, namutawing muli ang pangakong pagpapataas ng lokal na produksyon na itinuturing na solusyon sa pagpapababa ng presyo ng mga bilihin.
Bagamat malinaw na ito ang pinakaepektibong solusyon sa suliraning kinahaharap sa presyo ng mga bilihin, ikinabahala ng mga kritiko at ekonomista ang kawalang-aksyon ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ukol sa pangakong binitiwan sa kaniyang State of the Nation Address. Nananatiling nakapako ang pangakong paglago sapagkat walang aksyon ang pamahalaan sa pagpapaigting ng lokal na produksyon.
Pangakong inaasam-asam
Bakas sa mga kamay ng nakararami ang mapaniil na kumpas ng panahon dahil sa tila usad-pagong na implementasyon mula sa Department of Agriculture. Sa talumpati ni Pangulong Marcos Jr. sa Agrilink/Foodlink/Aqualink 2022, binanggit niyang nakahanay na ang mga inisyatiba at programang inilulunsad ng pamahalaan upang payabungin ang sektor ng agrikultura sa bansa. Gayundin, inumpisahan na ng ahensya ang pamamahagi ng tulong upang tugunan ang pangangailangan ng mga magsasaka at mangingisda.
Sa kabila nito, mistulang nagpapapantig sa mga tainga ng mga kritiko ang mga iminungkahing solusyon ng pamahalaan sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Ayon sa opisyal na pahayag ng Pamalakaya, isang kilusang binubuo ng mga Pilipinong mangingisda, walang pakinabang ang farm-to-market road network plan ni Marcos Jr. sa patuloy na pagtaas ng presyo ng paggawa ng mga produkto sapagkat walang produkto ang kayang ibiyahe dulot ng pagtaas ng gastusin na kinahaharap ng sektor.
Hindi rin nalalayo ang pagpapawari ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas sa panukalang Masagana 150. Ayon sa kanilang panayam sa Rappler, kinakailangan pa rin ng subsidiya sa produksyon, ayuda sa postharvest, at pagtaas ng presyo ng palay. Nananawagan din ang naturang alyansa na magtalaga ang ahensya ng bagong kalihim na mas may kakayahang pagtuunan ng pansin ang mga rekomendasyong inilalatag ng mga magsasaka.
Maliwanag ang adhikain ng administrasyong Marcos Jr. na mapababa ang presyo ng bigas sa Php20 kada kilo mula pa noong panahon ng kaniyang pangangampanya. Habang patuloy na itinutulak ng krisis ang nakararami sa pagkakasadlak, masugid na nagmamatyag ang ilang progresibong grupo sa mga programang ilalatag pa ng ahensya.
Daing ng mamamayan
Patuloy ang paglakas ng daing ng mga mamamayan alinsunod sa mga tumataas na presyo ng bilihin. Kasabay nito, mas umiigting ang unti-unting pagtaas ng bilang ng mga taong kumakalam ang sikmura. Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) kay Brochet Pamrocia Cuevas, isang mamamayang direktang nakararanas ng epekto ng krisis sa agrikultura, binigyang-diin niyang marapat na gawing priyoridad ng pamahalaan ang pagpapaunlad ng naturang sektor sapagkat maituturing na kabilang ang pagkain sa mga pangunahing pangangailangan ng sangkatauhan.
“Sa aking palagay, hindi binibigyan ng sapat na atensyon at pondo ang mga pag-aaral at teknolohiya sa sektor ng agrikultura at pagsasaka para sa ikauunlad nito,” paglalahad ni Cuevas.
Sa kabilang banda, masasabing naaapektuhan din ang Pilipinas sa kasalukuyang sigalot sa pagitan ng Ukraine at Russia. Ayon kay Cuevas, nakikita niya ang posibleng masamang epekto nito sa bansa sa pamamagitan ng labis na pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Bunsod nito, patuloy rin ang pagtaas ng bilang ng mga taong nagugutom habang nagbubulag-bulagan pa rin ang nakaupong administrasyon sa suliraning ito.
“Ako ay apektado sa tumataas na presyo ng gasolina nang dahil dito, tumaas rin ang presyo ng pamasahe kasabay ng presyo ng mga pagkain. Maliban dito, bumabagsak din ang ekonomiya sanhi sa pagtaas ng inflation rate,” panawagan ni Cuevas.
Nananawagan si Cuevas sa gobyerno na maglatag ng mas mabisang solusyon ukol sa suliraning ito sapagkat nakikita niya ang masidhing epekto nito sa mga Pilipino. Sa halip na makaahon mula sa pagkakasadlak, lumalala pa ang krisis sa supply at demand ng pagkain sapagkat hindi nabibigyang-priyoridad ang pagpapayabong ng sistema ng lokal na produksyon.
Salpok sa ekonomiya
Bukod sa kalbaryong dala sa sikmura ng milyon-milyong Pilipino, namumutawi rin ang malubhang epekto ng kakulangan sa lokal na produksyon sa kabuuang ekonomiya ng bansa. Sa panayam ng APP kay Dr. Mitzie Conchada, propesor mula sa School of Economics ng Pamantasang De La Salle, ibinahagi niyang kabilang sa mga sanhi ng krisis sa naturang sektor ang kawalan ng maayos na imprastraktura para sa mga magsasaka at kakulangan ng pamumuhunan sa pananaliksik pati na rin sa pakikipagkalakalan, promosyon, at lohistika. Kasama rin dito ang pagtaas ng presyo ng petrolyo at bilihin bunsod ng pag-atake ng Russia sa Ukraine.
“We have also lost our competitiveness in producing some agricultural products such as rice. Other countries are more cost-effective in producing rice that is why it’s better for us to import from them,” paglalarawan ni Conchada sa estado ng lokal na produksyon sa bansa.
Panawagan naman ni Conchada, dapat isaalang-alang ang pagpapatupad ng National Agriculture and Fisheries Modernization Plan (NAFMP) 2021-2030 na nagtatakdang iwasto ang polisiya sa paggamit ng lupa at paigtingin ang pangangalaga sa mga yamang tubig ng Pilipinas. Kasama rin dito ang pagtutulungan ng mga ahensya ng gobyerno na palawigin ang mga proyekto tungo sa modernisasyon ng agri-food industry. Dagdag pa niya, nilalayon ng NAFMP na makamit ang seguridad sa pagkain at matukoy ang ilang mga produktong pang-agrikultura at pangisdaan na kilala sa buong daigdig.
Maituturing na malaking pagsubok sa administrasyong Marcos Jr. ang pagharap sa lumalalang krisis pang-ekonomiya. Hindi maikakailang mas ramdam ng mga mamamayang Pilipino ang bigat ng pasanin sa tumataas na bilihin at seguridad sa pagkain. Muling ikinadismaya ng nakararami ang pagtatanim ng mga pangako ukol sa lokal na produksyon na hindi malinaw kailan aanihin. Hanggang walang aksyon at kongkretong plano ukol sa nasabing solusyon, patuloy na maghihigpit ng sinturon ang buong populasyon upang maiwasan ang gutom.