BAGUHAN man ang tunog ng pangalan sa entablado, tila batikan naman kung ituring ang kalidad ng laruan ni Green Booter Enrico Mangaoang sa larangan ng football. Patunay rito ang pagsungkit ni Mangaoang ng bigating parangal bilang most valuable player award sa Pilipinas Cup Under-16 noong 2018.
Bitbit ang lumalagong kredensyal bilang maaasahang goalkeeper, patuloy na pinatutunayan ng defensive specialist ang kaniyang husay at kaalaman sa pagdepensa ng mga tirada ng katunggali. Kaakibat nito, hinirang na best goalkeeper noong University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 82 si Mangaoang at inaasahang lubos siyang makatutulong sa pag-angat ng De La Salle University (DLSU) Green Booters sa tugatog ng tagumpay sa darating na torneo ng Season 85.
Pag-usbong ng potensyal
Nagsimula si Mangaoang bilang midfielder dahil sa taglay na liksi sa pagtakbo at husay sa pagkumpas ng bola. Gayunpaman, bukas-palad na iniwan ng Green Booter ang nasimulang posisyon upang yakapin ang bagong responsibilidad bilang goalkeeper ng koponan. “My coach insisted that I play goalkeeper because I was really tall,” wika ni Mangaoang.
Bago pa man makatungtong sa mga prestihiyosong torneo sa loob at labas ng bansa, nananatiling malinaw sa alaala ni Mangaoang ang simula ng pamumukadkad ng kaniyang karera sa football. Sa edad na apat na taon, maagang nalinang ang kaniyang talento nang isali siya ng kaniyang magulang sa iba’t ibang sports program tulad ng Team Socceroo Football Club. Bunsod nito, lalong pinaigting ni Mangaoang ang kalidad ng kaniyang laro hanggang sa makasipat siya ng puwesto sa De La Salle-Zobel Football Team noong high school.
Mula sa simpleng libangan, nasaksihan ng dekalibreng goalkeeper ang masigasig na manlalaro sa koponang Green Archers United na nagsindi ng apoy sa kaniyang determinasyon upang tahakin ang karera sa internasyonal na paligsahan. “I think I genuinely just enjoyed playing football but then I also like seeing how the older people play like in Zobel. I see [them] play and I was like ‘I just wanna be like that.’ You can see everyone playing internationally of course, I wanted to be like that also,” pagbabahagi niya.
Ipinagpatuloy ni Mangaoang ang paglahok sa iba’t ibang propesyonal na torneo na nagsilbing daan upang lumawig ang kaniyang koneksyon at karanasan sa larong football. Kaakibat nito, nilahukan ng atleta ang mga patimpalak gaya ng Stallion Laguna FC at Copa Paulino Alcantara Tournament.
Pagsasakatuparan ng mithiin
Matapos ang walang patid na pakikilahok sa iba’t ibang torneo, napili si Mangaoang na maging kinatawan ng Pilipinas sa 31st Southeast Asian (SEA) Games Men’s Under-23 Football Competition nitong Mayo 6. Namutawi ang umaatikabong laro ng bagong saltang atleta nang buong lakas niyang sagutin ang tawag ng serbisyo para sa bansa kontra sa malalakas na koponan gaya ng Indonesia, Thailand, at Vietnam.
Agad mang natalo sa group stage ng SEA Games, naging susi naman ito upang lalong lumago ang karera ni Mangaoang sa football. Isang patunay na rito ang kaniyang pagsalang bilang goalkeeper ng Azkals Development Team (ADT) sa Philippines Football League kasama ang batikang midfielder ng Azkals na si Stephan Schrock.
Sinag ng hinaharap
Kasalukuyang namang nakapokus si Mangaoang sa pag-eensayo para sa Green Booters tuwing umaga sa DLSU Laguna Campus. Maliban dito, nag-eensayo sa hapon ang atleta para sa ADT. Sa kabila ng halos walang hintong pagsasanay, dumadalo pa rin si Mangaoang sa kaniyang mga klase online sa tulong at suporta ng mga coach.
Sa loob ng dalawang buwang pag-eensayo kasama ang Green Booters, mataas ang kompiyansa ni Mangaoang na makinang ang magiging ratsada ng koponan sa darating na UAAP Season 85 Football Tournament. “Our game plan honestly is looking good… when it comes to attacking I think everyone is well-coordinated. When it comes to defending, everyone is well-coordinated,” ani Mangaoang.
Kahanga-hanga ang ipinakikitang pagsusumikap ni Mangaoang para sa Green Booters at sa kaniyang football club bilang estudyanteng atleta. Maliban sa kaniyang talento, pinatutunayan lamang ng dekalibreng atleta na determinasyon ang susi upang maabot ang pangarap na makalahok sa mga pampropesyonal at pankolehiyong lokal at internasyonal na torneo.