Hindi sambayanan ang priyoridad ng hinirang na bagong pangulo ng Pilipinas. Sa kailaliman ng malalabnaw na pangako at mabubulaklak na talumpati, tinatago ni Marcos Jr. dito ang pangunahing layunin niyang itulak ang naratibong gusto niyang paniwalaan ng mga Pilipino upang burahin ang umaalingawngaw na katotohanan: na hindi magnanakaw ang pamilya ng diktador. Ngunit, magnanakaw ng kaban at buhay ang pamilyang Marcos, at suportado ito ng mga numero at susulatin. Isa lamang ito sa mga katotohanang nakaangkla sa pangalang Marcos, at dahil nasa usapin na tayo ng pangalan, pag-usapan na rin natin ang pangalang “Maharlika” na sudlungan ng salitang kasinungalingan.
Si Marcos Sr., ginamit ang “Maharlika” bilang pangalan ng gawa-gawang gerilya yunit na pinamunuan niya umano noong World War II. Bukod sa mga dokumentong pangkasaysayan at sa National Historical Commission of the Philippines, US Army na mismo ang nagsabing walang grupong Maharlika ang nakipagsagupaan sa mga mananakop na Hapon, at wala rin silang inambag na anoman para masugpo ang kalaban. Si Marcos Jr. naman, isinusulong ang pondong “Maharlika Wealth Fund” na para umano sa kaunlarang pang-ekonomiya, ngunit halata namang magiging pugad lamang ito ng korapsyon.
Bubuo ng P275 bilyon ang isinusulong na Maharlika Wealth Fund, at manggagaling ito sa pondong naiipon ng Government Financial Institutions, katulad ng Government Service Insurance System (GSIS), Social Security System (SSS), Land Bank of the Philippines, Development Bank of the Philippines (DBP), at National budget. Bukod pa rito, mayroon ding kontribusyong inaasahan mula sa Bangko Sentral ng Pilipinas at Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR). Pangunahing mga tagapagsulong nito ang mga kadugo’t kaalyado ni Marcos Jr. na sina Speaker Ferdinand Martin Romualdez, Tingog Party List Representative Yedda Romualdez, at Senior Deputy Majority Leader Sandro Marcos, na anak mismo ni Marcos Jr. Hindi na nakagugulat na ‘full support’ si Marcos Jr. sa planong ito dahil utos niya ito.
Ilatag natin sa paraang swak sa mga katagang nauuso ngayon: “Syempre full support ka dyan, ikaw makikinabang dyan eh,” “Syempre madali sa’yong isugal ‘yan, hindi mo naman pera eh,” “Syempre kukunin mo ‘yung pera mula sa taumbayan, hindi naman ikaw ‘yung naghihirap maghanap-buhay sa araw-araw eh,” at “Syempre ipu-push mo ‘yan, magnanakaw ka eh.” At bilang sagot, sa paraang pasok din sa uso: “Let our response be: Huwag kami, Marcos Jr.” Huwag kami.
Sa puntong ito, hindi na ito matatawag na pagbubulag-bulagan sa lugmok na sitwasyon ng sambayanan— harap-harapang panlalapastangan na ito. Alam ng administrasyong Marcos Jr. ang lumalalang sitwasyon ng ekonomiya ng Pilipinas, ngunit pinipili nilang isawalang-bahala ito. Ang mahal na nga ng mga bilihin, gagamitin pa ang pondong itinabi ng mga mamamayan, para isugal sa mga proyektong kulang sa kalinawan at kasiguraduhan. Isa pa, isinusulong pa talaga ito kahit nakaangkla mismo ang salitang korapsyon sa pangalang Marcos na pangunahing nagsusulong nito. Muli, sa mga katagang nauuso ngayon, “Let our response be: Wow, coming from you ah.”
Mula sa nakaraang administrasyon hanggang ngayon, patuloy ang panawagan at pagtindig para ipaglaban ang karapatan at isulong ang kapakanan ng sambayanan. Tutulan natin ang kabalbalang isinusulong ng administrasyong Marcos Jr.— hindi ito para sa mga Pilipino. Alam naman natin kung sino ang magbubuhay-maharlika kung matuloy ang Maharlika Wealth Fund.