Ginambala ang mga Pilipino ng talamak na pagkalat ng scam text messages na kanilang natanggap nitong nakaraang mga buwan. Hindi mawari ang pinanggagalingan ng mga personal na impormasyong ginagamit sa mga iligal na aktibidad tulad nito. Bilang solusyon, isinulong ang SIM Card Registration Act (SCRA) na unang lumusot sa Kamara noong Abril. Gayunpaman, nilagdaan lamang ito nitong Oktubre nang tanggalin ang prohibisyong nagsasama ng mga social media account sa rehistrasyon. Layunin nitong mapuksa ang paglaganap ng mga krimeng gumagamit ng SIM card tulad ng scam messages, phishing, at trolling.
Seguridad ng personal na datos
Naging pangkaraniwan na ang paghingi ng personal na impormasyon sa publiko mula nang magkapandemya. Bagamat walang iisang sistema, kinolekta pa rin ito para sa contract tracing, pagtala ng bakuna, at pagdeklara ng estado ng kalusugan. Kaugnay nito, kinapanayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) si Miguel Kou, isang information technology professional, ukol sa pagpapaigting ng cybersecurity sa bansa,
Kaniyang inilahad na hindi sapat na batayan ng kaligtasan ang pinababang bilang ng hinihinging impormasyon sa ilalim ng bagong bersyon ng SCRA. Aniya, “Nagstart sa phone number ‘di ba, what’s stopping the government from extending that definition to going back to social media?”
Dagdag pa ni Kou, ipinasa sa taumbayan ang pasaning ito dahil nagmistulang isang risk reduction approach lamang ang SCRA sa pagpukso sa mga scam sa halip na direktang kitilin ang problema. “Okay kayo ‘yung nananakawan, so dapat mas mag-ingat kayo,” paglalarawan niya sa kasalukuyang estado ng pagpapatupad ng SCRA.
Kinakailangang maintindihan ng mas nakararami ang mga benepisyo at panganib sa paglikom ng kanilang datos. Sa isang lipunan, may mga suliraning direktang dama ng masa na dapat priyoridad ng mga kinauukulan. Samakatuwid, patuloy na hindi mapaiigting ang cybersecurity sapagkat iilan lamang ang nakauunawa.
Kahandaan ng Pilipinas sa SCRA
Dulot ng paglaganap ng mga scam, nangingibabaw ang pangamba ng mga mamamayan sa SCRA. Ibinahagi ng kasamang may-akda at Camarines Sur Representative Luis Raymund Villafuerte sa panayam ng Philippine News Agency, na ligtas na pagkolekta ng sensitibong datos ang kanilang priyoridad. Iminungkahi niya ring bigyan ng sapat na oras ang local public telecommunications entities upang paigtingin ang sistema. Gayundin, nababakas sa inilatag na implementing rules and regulations nitong Disyembre ang masusing pakikipagtulungan ng naturang sektor sa pagsasaayos ng rehistrasyon. Ayon sa opisyal na pahayag ng National Privacy Commission, makababawas ng panganib sa pagkakataon ng security breach ang pagbabawal sa paggamit ng centralized server.
“The law will be the first line of defense against scammers, con artists, and criminal elements who use cellphone and other electronic communication gadgets for nefarious activities,” wika ni Speaker Martin Romualdez, punong may-akda ng bersyon ng Mababang Kapulungan ng SCRA. Bagamat naglalayon ang naturang batas na magsilbing pangunahing depensa sa cybercrime, hindi maiwasan ang pangamba kaugnay ng pagpapanatili ng data privacy.
Kabilang sa karapatan ng mga mamamayan ang maitago ang kanilang pagkakakilanlan sa social media. Nakaangkla ang implementasyon ng SCRA sa pagprotekta ng pribadong impormasyon ng mga rehistrado. Gayunpaman, hindi pa rin matuldukan ang potensyal na magamit ang impormasyong makakalap upang labagin ang karapatan sa malayang pamamahayag. Inaasahang maisasaayos ang pagpapaigting sa sistema at ang mga hakbang sa tuwirang pangangasiwa ng sensitibong datos upang masabing handa ang Pilipinas sa SCRA.
Bagong ligalig
Sa paglalayag ng bansa tungo sa isang modernong lipunan, ibinahagi sa APP ni Reigne Ramirez, estudyante sa Pamantasang De La Salle, na kasalukuyang kaakibat ng makabagong moda ng komunikasyon ang panganib na hatid ng scam text messages sa kalagayan ng data privacy sa bansa. Dagdag pa niya, madalas siyang nakatatanggap nitong mga mensaheng may layuning manloko ng mga mamamayan. Inamin niyang delikado ang paglaganap ng scam text messages dahil pinahihina nito ang proteksyong dapat na hatid ng data privacy sa taumbayan.
Gayunpaman, nanindigan si Ramirez na hindi siya pabor sa SCRA dahil hindi nito matitiyak ang seguridad ng impormasyon ng bawat Pilipino. Hanggang hindi nasusugpo ang mga indibidwal na nakikinabang sa panlilinlang sa mamamayan, iginiit niyang mapuputol lamang nito ang mga sangay ng problema sa scam text messages ngunit hindi mabubunot ang tunay na ugat nito. Sa katunayan, ikinabahala rin ni Ramirez ang pang-aabusong maaaring mangyari sa ilalim ng batas na ito, gaya ng red-tagging at pambubusal sa boses ng mga mamamayan.
Samakatuwid, hindi pa rin maalis kay Ramirez ang kaniyang agam-agam sa nasabing batas. Sa halip na maging kasangkapan ito para sa isang malaya at mapagpalayang espasyo, nangangamba siyang baka ito pa ang maging sanhi ng panibagong ligalig sa lipunan. Aniya, “Hindi ako sang-ayon sa pagpapatupad ng naturang batas. . . Kung hindi man nila maitigil ang mga mensaheng ito, ano na lamang ang mangyayari sa ating mga ibinigay na pribadong impormasyon.”
Mula sa lawak ng impormasyon na nais nitong makuha, hanggang sa mga nakaantabay na parusa sa mga hindi rehistrado, patuloy ang pag-aalinlangan ng taumbayan sa SCRA. Kinakailangan ng pakikipagtulungan ng mga mamamayan at ng maayos na pangangasiwa para mapagtagumpayan ang implementasyon ng nasabing batas. Tungkulin ng kinauukulang pawiin ang mga pangangamba ng mamamayan lalo na sa mga paksang hindi patas ang kaalaman at kaligtasan ng bawat Pilipino.