MARILAG AT MATATAG kung maituturing ang karera ng mga atletang bahagi ng komunidad ng Lesbian, Gay, Bisexual, Transgender, Queer, Intersex, at Asexual (LGBTQIA+) sa hardcourt. Isa na rito ang star-studded libero ng De La Salle University (DLSU) Green Spiker na si Menard Guerrero. Hindi maikakaila ang tindi ng kaniyang laro pagdating sa larangan ng volleyball, lalo na sa nilalahukang torneong University Athletic Association of the Philippines (UAAP) matapos makamit ang parangal na best libero sa juniors division ng Seasons 79 at 82.
Kagila-gilalas namang iwinagayway ng LGBTQIA+ standout Nesthy Petecio ang bandera ng Pilipinas noong 2020 Tokyo Olympics matapos iparamdam ang bagsik ng kaniyang kamao nang harapin si Sena Irie sa finals ng women’s featherweight tournament. Bagamat nabigo sa huli, nakaukit si Petecio ng kasaysayan nang maging ikaapat na Pilipinong nakapag-uwi ng pilak na medalya para sa bansa.
Hindi naman nagpahuli sa pagbandera ng komunidad ng LGBTQIA+ si Johnmar “OhMyV33nus” Villaluna sa larangan ng Mobile Legends: Bang Bang (MLBB). Bilang support specialist, pinangunahan ni OhMyV33nus ang kampanya ng Blacklist International (BLCK) sa nakaraang MLBB Professional League (MPL) Season 10. Kaugnay nito, nagawang magreyna ni Villaluna matapos tanghaling regular season’s most valuable player mula sa kaniyang kabuuang 327 assist at 80 porsiyentong kill participation.
Pag-abot ng mga mithiin
Malaking bahagi sa karera ng isang atleta ang kaniyang karanasang makapag-uwi ng mga parangal sa napiling isport. Ibinahagi ni Guerrero sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel na hindi hadlang ang kaniyang kasarian upang maipakita sa kaniyang laro ang mga natutuhan niyang taktika tuwing nag-eensayo. Aniya, “Para sa akin, [ang] bawat individual kung ano man [ang] kasarian ay may potential na maglaro sa isports.”
Ibinahagi rin ni Villaluna na noong rookie pa lamang siya, naging pangarap na niyang makapaglaro para sa isang pampropesyonal na esports team. “Before, I just used to watch a lot of League of Legends international tournaments. Watching their struggles and winning moments motivated me to become who I am today and inspired me long before esports became popular in the Philippines,” saad niya sa panayam ng Manila Bulletin.
Danas sa likod ng tagumpay
Patuloy na nakatatanggap ang mga atletang miyembro ng LGBTQIA+ ng mga batikos patungkol sa kanilang kasarian sa kabila ng mga parangal na nakamit. Isa na rito si Villaluna nang makatanggap ng homophobic na mga komento mula sa mga tagahanga matapos mabasag ng Bren Esports ang 7-0 win streak ng BLCK. Kasunod nito, nabulabog ang komunidad ng MPL matapos magbitiw ng homophobic na komento si Grant “Kelra” Pillas, manlalaro ng Omega Esports, kontra sa mga manlalaro ng BLCK na sina Villaluna at Danerie “Wise” Rosario.
Ibinahagi ni Villaluna na mahirap makaiwas sa mga diskriminasyon ng lipunan lalo na kapag kinikilala ng isang tao ang kaniyang sarili bilang miyembro ng komunidad ng LGBTQIA+. “I will use any platforms that I can to spread awareness about how homophobic slurs affect a member of LGBTQ+ and how to turn that negativity into inspiration to keep moving forward,” saad ni Villaluna sa panayam ng Manila Bulletin.
Ninanais din ng kapwa miyembro ng LGBTQIA+ katulad ni Petecio ang pagkakaroon ng inklusibong espasyo para sa kanila. Sa pagtungtong niya sa mga internasyonal na entablado, nagawa ng manlalarong ipagmalaking miyembro siya ng LGBTQIA+. Bunsod nito, nagsisilbi siyang representasyon sa larangan ng isports na nakatutulong sa pagbibigay-inspirasyon sa iba pang miyembro ng LGBTQIA+.
“Sobrang proud ako na member ako ng LGBTQ [community], di ko po tinatanggi yun. Kahit ano gender natin, basta may pangarap tayo, laban tayo,” pagbibigay-diin ni Petecio sa panayam ng GMA News matapos niyang masungkit ang pilak na medalya sa women’s featherweight finals ng Tokyo Olympics.
Sinag ng pag-asa
Nananatili pa ring hamon para sa ibang miyembro ng LGBTQIA+ ang pagkakaroon ng inklusibong espasyo sapagkat hindi pa rin sapat ang representasyon nila sa ibang isports. Gayunpaman, ibinahagi ni Guerrero na hindi siya nakaranas ng hamon bilang isang atletang miyembro ng LGBTQIA+. Patunay itong unti-unting natatanggap sa ibang larangan ng isports, gaya ng volleyball, ang mga miyembro ng LGBTQIA+.
Kasabay ng kanilang paglaban sa kanilang mga isports, patuloy ring tumitindig ang mga miyembro ng LGBTQIA+ para sa pantay na pagtingin at inklusibong espasyo. Nabibigyang-representasyon ang kanilang komunidad sa pangunguna ng mga atletang nagpatunay na hindi hadlang ang kasarian upang magpakitang-gilas sa iba’t ibang isports.