IPINAWALANG-BISA NA ang dress code sa Pamantasang De La Salle kasabay ng pagsasagawa ng mga hybrid na klase ngayong unang termino ng akademikong taong 2022-2023. Pinamunuan ni Dr. Leni Garcia ang binuong sub-committee ng Student Handbook Revisions Committee (SHRC) para sa mga pagbabago sa polisiya sa pananamit.
Matatandaang itinaas ng University Student Government sa SHRC noong Enero 2021 ang panukalang baguhin ang dress code ng Pamantasan. Inaprubahan naman ito ng SHRC at Academic Council at inaasahang pormal na masisilayan ng mga Lasalyano sa ilalabas na bagong kopya ng Student Handbook ayon sa Dean of Student Affairs.
Mga pagbabago sa dress code
Ibinahagi ni Garcia na layunin ng dress code na pataasin ang nibel ng moralidad ng mga Lasalyano noong binuo ito. Subalit, tinanggal na ito ngayon sa Student Handbook ng Pamantasan. “Iba ang konteksto noon at hindi ako sang-ayon doon. . . hindi na iyon nararapat sa panahon ngayon,” ani Garcia sa dahilan ng pagtanggal.
Binanggit din niya ang ilan sa mga pagbabago sa patakaran ng pananamit tulad ng pagkakaroon ng “university attire” ngayon mula sa orihinal na polisiyang nakatakdang kasuotan para sa mga lalaki at babae. Malaya nang magsuot ng anomang damit ang mga estudyante maliban sa nagpapakita ng pribadong bahagi at mayroong “offensive prints.”
Gayunpaman, maaaring mag-atas ng dress code ang mga propesor sa kaniya-kaniyang klase para sa kinakailangang kasuotan batay sa kanilang kurso, ngunit may karampatang kapaliwanagan dapat ito sa kanilang mga estudyante. Halimbawa nito ang kasuotang para sa kaligtasan sa mga laboratoryo. Kaugnay nito, hahatulan lamang ng dialogue at formation ang mga lalabag sa nasabing patakaran imbes na mabigat na parusa.
Binansagan namang “sexist” at “paternalistic” ni Garcia ang ipinatupad na dress code noon dahil mas kinokontrol ang pananamit ng kababaihan kaysa kalalakihan. “The way the dress code was implemented is humiliating and demeaning to people,” dismayadong pagsaad ni Garcia.
Hindi rin isinaalang-alang ng dress code ang gawi ng pananamit ng iba’t ibang tao katulad ng kasarian, pisikal na pangangailangan, at iba pang pagkakaiba-iba. Aniya, “It [dress code] was not compassionate, and it gave the message that women’s bodies are dangerous while men are natural harassers. It condones the latter and controls the former.”
Pinuri naman ni Garcia ang Pamantasan sa Laguna Campus dahil sa kanilang maunlad at progresibong pag-iisip. Ibinahagi niyang kasalukuyang bumubuo ng non-gender na uniporme ang Integrated School sa naturang kampus.
Karanasan sa dress code
Itinuturing nina Angel Serrano, ID120 mula Bachelor of Arts in Communication Arts at Huse Timbungco, ID118 mula sa programang Bachelor of Arts in Psychology na mabuting hakbang ang pagtanggal ng dress code dahil naging isa itong progresibong solusyon sa uri ng kaligiran na nais hulmahin ng Pamantasan.
Naniniwala si Timbungco na nagpapakita ng kagandahang-asal at pormalidad ang dress code. Gayunpaman, ipinarating niyang maituturing na hadlang pa rin sa malayang pagpapahayag ng sarili at pagkakapantay-pantay ng kasarian ang mga polisiya sa pananamit.
Nagbahagi rin sila ng kanilang mga karanasan kaugnay sa dress code noong unang pagtapak nila sa Pamantasan. Batay sa pinagdaanan ni Serrano noong senior high school pa lamang siya, tinataasan ng kilay ang mga estudyanteng nakasuot ng mga maiiksing palamuti at nakasandalyas. “Sinusukat ang kaangkupan ng haba ng aming mga palda gamit ang pinakamahabang daliri namin,” paliwanag niya.
Ikinababahala naman ni Timbungco noon ang patakaran ukol sa kulay ng buhok dahil sa dalas ng kaniyang pagpapalit ng kulay nito. Subalit, nilinaw sa kaniya ng mga guwardiyang maaaring magpalit ng kulay hanggang kita pa ang totoong kulay sa ugat ng buhok.
Ipinabatid din ni Serrano ang kaniyang disgusto sa kahulugan ng “disenteng pananamit” dahil mas pinagtitibay nito ang paniniwalang nakabatay sa paraan ng pananamit ang ipakikitang paggalang sa isang tao. “It felt more like a rule for us to follow when inside the campus,” pagbabahagi naman ni Timbungco.
Bunsod nito, naging positibo ang reaksiyon nina Serrano at Timbungco sa pagtanggal ng dress code sa Pamantasan. “It felt really nice because people get to wear what they want to school and nothing would bar them from entering,” masayang sambit ni Timbungco.
Ikinatuwa rin ni Serrano na nabibigyang-kalayaan ang mga miyembro mula sa komunidad ng LGBTQIA+ na ipahayag ang kanilang sarili dahil sa pagtanggal ng dress code. “Mas naging inclusive na ang ating unibersidad at mas naging ligtas itong avenue para sa mga nais makilala at mapagyaman ang kanilang mga sarili kahit sa simpleng pananamit lamang,” ani Serrano.