SUMIBOL ang karera ni Raven Faith Alcoseba nang pasukin niya ang larangan ng paglangoy. Sa edad na 13, nakapag-uwi ang naturang manlalangoy ng apat na gintong medalya mula sa torneong Batang Pinoy sa Cebu. Nagpatuloy pang umusbong ang karera ni Alcoseba bilang manlalangoy pagdako ng kolehiyo matapos mapabilang sa koponang De La Salle University (DLSU) Lady Tankers.
Subalit, pansamantala munang isinantabi ni Alcoseba ang paglangoy dahil sa pagkansela ng swimming event sa mga nakaraang University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season. Sa kabila nito, inaasahang babalik muli sa paligsahan si Alcoseba matapos buksan ang UAAP Season 85 para sa iba’t ibang isports kabilang na ang swimming.
Pag-arangkada tungo sa pangarap
Masilakbong pinasok ni Alcoseba ang pagbibisikleta at pagtakbo dahil sa payo ng kaniyang ama na makabubuti ito sa kaniyang kalusugan. Kalakip ng kaniyang pagtahak sa mundo ng triathlon ang hamong magpursigi at magpalakas sa tatlong disiplina: paglangoy, pagbisikleta, at pagtakbo.
Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP), ibinahagi ni Alcoseba ang kaniyang mga pagsubok bilang manlalangoy noong rookie pa lamang siya. “Noong una parang nape-pressure ako kapag humihina yung isa kunyari yung swim ko humihina. Nanibago lang ako na parang hindi consistent yung lakas ko sa [paglangoy],” saad ng atletang Lasalyano.
Hindi naman maiiwasan ang mga pagsubok sa loob ng dalawang taong pag-eensayo ni Alcoseba para mapaigting ang kaniyang husay sa triathlon. “Kapag nagpo-focus ka sa isang discipline, parang naaapektuhan ‘yung iba kunyari mag-focus ka masyado sa swim, magla-lay low naman ‘yung bike and run mo,” ani Alcoseba ukol sa kaniyang naging suliranin sa pagbalanse ng talento niya sa tatlong isports.
Bagamat naging hamon kay Alcoseba ang transisyon mula sa pagiging manlalangoy hanggang sa pagiging triathlete, patuloy na nagsumikap ang atleta hanggang sa nabigyan siya ng pagkakataong makalaro sa 31st Southeast Asian (SEA) Games. Kaakibat nito, matagumpay na umukit ng parangal para sa Pilipinas si Alcoseba nang maiuwi niya ang tansong medalya sa women’s division ng triathlon. “Hindi ko talaga inexpect na makakaabot ako ng SEA games so for me ‘yung bronze medal na ‘yun as in sobrang ano talaga siya like yung hardwork ko talaga,” reaksyon ng dekalibreng manlalangoy sa nakamtan niyang parangal.
Patuloy na paghakot ng karangalan
Hindi naman bibitawan ni Alcoseba ang kaniyang karera bilang triathlete kahit kasalukuyan siyang miyembro ng DLSU Swimming Team. “For me naman, gusto ko na ‘yung dalawang sport ko ‘yung nag-eexcel kahit na mahirap i-balance ‘yung dalawa. . . ‘Yung triathlon naman for the country talaga, and then ‘yung swimming is for my school na gusto ko rin mag-champion kami,” pagbabahagi ni Alcoseba.
Bunsod nito, masugid na pinaghandaan ng Lady Tanker ang katatapos lamang na UAAP Season 85 Swimming Tournament. Bilang paghahanda, pansamantala munang itinigil ni Alcoseba ang pagtakbo at pagbibisikleta upang mas pagtuunan niya ng atensyon ang paglangoy. Ayon kay Alcoseba, hangad niyang makapag-ambag sa kaniyang koponan gamit ang kaniyang husay sa paglangoy upang makamit ang inaasam na panalo sa kampeonato.
Nagbunga naman ang ginawang paghahanda ni Alcoseba para sa UAAP nang tanghaling kampeon ang DLSU Lady Tankers matapos ang 19 na taon. Kaakibat nito, nakapag-uwi ng apat na pilak na medalya si Alcoseba matapos magpakitang-gilas sa 200-meter at 100-meter butterfly, 100-meter backstroke, at 400-meter freestyle. Bitbit din ng atleta ang tatlong tansong medalya mula sa 200-meter at 800-meter freestyle, at 200-meter freestyle relay ng kompetisyon.
Kasabay ng mga parangal na natanggap ni Alcoseba, asahang patuloy na susuungin nang walang takot ng triathlete-swimmer ang bawat pagsubok ng kaniyang karera. Tangan ang kaniyang determinasyon bilang atleta, hindi malayong mas mapabubuti pa ni Alcoseba ang kaniyang husay sa larangan ng triathlon at swimming upang magtagumpay sa mga sinasalihang pankolehiyo at pampropesyonal na kompetisyon.