PATULOY NA IKINAKASA ng administrasyon ng Pamantasang De La Salle ang mga karagdagang paghahanda para sa nalalapit na pagpapatupad ng mas pinalawak na pagsasagawa ng face-to-face na klase at aktibidad sa susunod na termino.
Kaugnay nito, kinapanayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) sina Dr. Christine Ballada, dekana ng Student Affairs (OSA), at Christopher Villanueva, direktor ng Student Leadership, Involvement, Formation and Empowerment (SLIFE), upang bigyang-linaw ang mga paghahandang isinasagawa ng kanilang mga opisina kaugnay ng mga face-to-face na aktibidad sa Pamantasan.
Transisyon mula online tungong hybrid
Ipinaliwanag ni Ballada na isinaayos ng Pamantasan ang ipinatutupad nitong student activity guidelines alinsunod sa mga pagbabagong dulot ng pandemya. Aniya, nakaangkla sa mga panuntunang pankalusugang inilabas ng Vice President for Administration, Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) at Commission on Higher Education (CHED) ang mga alituntuning kanilang sinusunod sa kasalukuyan.
Nilinaw ni Ballada na maaari nang isagawa ng student organizations ang lahat ng uri ng extracurricular na aktibidad sa Pamantasan tulad ng munting pagtitipon at pag-iimbita ng mga panauhin. Pinahihintulutan na rin ang pagsasagawa ng mga malaking aktibidad gaya ng Lasallian Personal Effectiveness Program (LPEP) at Confluence Luncheon 2022 na pinangunahan ng OSA at Office of Counseling and Career Services.
Pagpapatuloy ni Ballada, sinusuri rin ang kalidad ng karanasang makukuha ng mga Lasalyano upang matukoy ang modang dapat gamitin sa aktibidad. “Ang rule of thumb is kung kailangan talaga siyang in person or mas magiging beneficial siya to students, we try as much as we can to make it in person,” ani Ballada.
Sa kabilang banda, pangunahing ikinokonsidera naman ng opisina ni Villanueva ang bilang ng lalahok, dako, badyet, at pagsunod sa alituntuning pankalusugan. Kaugnay nito, layon ni Villanueva na maisagawa nang face-to-face ang ilang programa ng SLIFE tulad ng leadership trainings, spiritual trainings, at organizational development activities. “Feeling namin kasi hindi siya gaanong effective kung online,” pananaw ni Villanueva.
Pag-alpas sa mga hamon ng pandemya
Iginiit ni Villanueva na malaking hamon pa rin ang pagsasagawa ng mga aktibidad sa labas ng Pamantasan dahil sa patuloy na pagdami ng mga kaso ng COVID-19. Bagamat nagdudulot ng pagkaantala sa proseso, priyoridad ni Villanueva ang masusing pagsusuri sa mga proyekto upang masiguro ang kaligtasan ng mga Lasalyano.
Napuna ni Villanueva ang mababang antas ng pakikibahagi ng mga estudyante sa mga gawain ng mga organisasyong nasa ilalim ng SLIFE. Tinukoy niya ang pagkatakot sa pandemya at pananatili ng online na opsyon ng pag-aaral bilang pangunahing dahilan nito.
Kaugnay nito, binigyang-diin ni Ballada ang kahalagahan ng pagkonsulta sa mga apektadong kawani at estudyante. “Kailangan [mayroong] consultation lagi. Kailangan pag-uusapan siya. [Hindi] pwedeng magdecide nang hindi mo kinakausap ‘yung team na nag-implement,” paliwanag ni Ballada.
Itinuturing ni Ballada na pasakit ang matinding trapikong nararanasan ng mga Lasalyano. “Mahirap, magastos, mataas presyo ng gasolina. Challenge din ‘yun,” wika niya. Kaugnay nito, ipinatupad ang flexible work arrangement upang maibsan ang naturang suliranin habang tinitiyak na mayroon pa ring sapat na bilang ng kawaning tutugon sa mga pangangailangan ng mga estudyante sa loob ng kampus.
Gayunpaman, pinaalalahanan ni Ballada ang pamayanang Lasalyano na malaki pa rin ang kapakinabangang hatid ng mga face-to-face na aktibidad sa kabila ng mga kinahaharap na suliranin. “It helps build our greater sense of association with each other. It builds a sense of belonging, connectedness, and that’s important,” wika ni Ballada. Inaasahan naman ang patuloy na pagdami ng mga organisasyong magsasagawa ng face-to-face na aktibidad sa loob ng Pamantasan kaugnay ng mas pinaluwag na pagpapatupad ng mga alituntuning pankalusugan.