Bagamat hindi pa nalalampasan ng mga Pilipino ang suliranin sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin, kagyat na kinahaharap din ang mga epekto ng matinding pagbabago ng klima sa Pilipinas. Kamakailan lamang, humagupit ang ilang malalakas na bagyo tulad ng Super Typhoon Henry. Nagdulot ang mga ito ng malalang pagbaha, pagkasira ng mga istruktura, at pagkamatay ng daan-daang indibidwal.
Samakatuwid, inaasahang patuloy na magiging hamon sa Pilipinas ang kaliwa’t kanang delubyo hanggang hindi nasisipat ang mga implikasyon nito bilang suliraning nangangailangan ng maagap at konkretong pagtugon.
Sa mata ng mga eksperto
Kinapanayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) si Benison Estareja, Weather Specialist II mula Department of Science and Technology – Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (DOST-PAGASA), upang makita sa lente ng mga eksperto ang nakagigimbal na kalagayan ng klima. Ibinahagi ni Estareja na naobserbahan nila ang pagtaas ng temperatura at lebel ng tubig-dagat pati ang nag-iiba-ibang bilang ng mga bagyong pumapasok taon-taon mula pa noong 1951.
Binabantayan nila ang mga bagyo gamit ang satellite animation mula sa Japan Meteorological Agency, lalo na ang hanging pumapalibot dito upang maunawaan ang galaw, lakas, at ulang dala nito. Binanggit din ni Estareja na madalas na nakararanas ng bagyo sa bansa sapagkat napaliligiran ito ng karagatang pinagmumulan ng mga bagyo. Malaki ang epekto ng pagtaas ng lebel ng tubig-dagat sapagkat maaari itong magdulot ng paglubog ng mga lupain.
Gumagamit ng temperature forecast at persistence mula sa isang forecast model ang DOST-PAGASA upang makuha ang saklaw ng nararamdamang temperatura kada araw. Taon-taong tumataas ang temperatura sa bansa dahil sa masasamang kemikal mula sa usok ng mga pabrika, ayon kay Estareja. Maaaring maging sanhi ang mga ito sa pagkasira ng ating mga kagubatan at pagtaas ng lebel ng mga karagatan.
Samakatuwid, naninindigan si Estareja na hindi maitatanggi ang patuloy na pag-iral ng climate change sapagkat makikita ito saanmang panig ng mundo. Malaking pinsala ang maidudulot nito sa Pilipinas sakaling hindi matugunan kaya mainam na kumilos pati ang mga mamamayan ng bansa. Subalit, hindi dapat iwan sa kamay ng taumbayan ang solusyon sa kinahaharap nating krisis at kailangan pa rin ng katumbas na aksyon mula sa gobyerno.
Panawagan ng mga dehadong manggagawa
Bagamat hindi nabibigyan ng sapat na atensyon ang usaping klima sa bansa, kalakip nito ang malaking banta sa buhay ng bawat Pilipino. Sa panayam ng APP kay Mao Hermitanio, deputy secretary-general ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, ipinahayag niyang nangunguna sa world climate risk index ang Pilipinas gawa ng madalas na pagtama rito ng mga sakuna. Pagsisiwalat niya, isa rin sa mga salik na nagpatindi sa mga sakuna ang mga polisiyang ipinatutupad ng mga tao.
“Itong usapin sa klima, hindi ‘to paatras eh. Ibig sabihin, worsening ito, in the future, sa mga susunod na panahon. So kailangan talagang makahanap tayo ng paraan paano pa mababawasan. . . kung paano siya magiging hindi sobrang calamitous o catastrophic sa mamamayan lalo na sa mga magsasaka,” pagbibigay-babala ni Hermitanio.
Samantala, ibinahagi din niya ang pagtataka sa kamakailang pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tila itinatatwa ang paglakas ng bagyo. Puna niya, sumasalamin lamang ito sa kawalang-simbuyo ng Pangulo sa mga magsasaka at mangingisda ng bansa.
Isa sa mga pangunahing suliraning kinahaharap ng mga magsasaka ang pagkalugi sa tuwing nagkakaroon ng bagyo sa bansa. Inihayag ni Hermitanio na walang kasiguraduhang may pananim pa silang mababalikan matapos ang bawat unos. Bagamat patuloy ang pagsulong ng PAGASA sa naturang paksa, batid niyang kulang pa ang teknolohiya at kagamitan ng ahensya. Aniya, nabibigla ang mga probinsya sa pag-ulan sapagkat hindi pa rin natutukoy ng ahensya ang tunay na lakas na dala ng mga ito.
Sa huli, inilahad ni Hermitanio na ilan lamang ito sa mga nais nilang matugunan para sa kanilang sektor. Kabilang din dito ang pagresolba sa mga land dispute, pagbibigay-priyoridad sa produksyon ng pagkain, at pagpapataas ng sahod ng mga manggagawang nasa likod nito.
Katatagang pampamayanan
Sa kabila ng sunod-sunod na paghagupit ng delubyo sa bansa, lumikha ito ng kultura ng katatagan sa mga Pilipino upang malampasan ang mga hamong ito. Gayunpaman, mayroong tiyak na hangganan lamang ang pagtitiyagang ito. Habang patuloy na sumisidhi ang sosyo-ekonomikong mga suliranin, mahihinuha ng masa ang linyang naghihiwalay sa pagtitiyaga at pagtitiis.
Sa panayam ng APP kay Kia Ligaya, isang volunteer teacher mula sa Lambak ng Cagayan, ipinunto niyang dapat lusawin ang kaisipang indibidwalistiko sa konteksto ng paghahanda tuwing sasapit ang panahon ng sakuna. Sa katunayan, tinatawag ng kalagayan na harapin ang mga kagyat na paghahanda sa suliranin bilang isang komunidad.
“Bilang isang volunteer teacher ng isang community classroom sa isang bayan kung saan mailap ang hanapbuhay para sa mayorya, ang pangunahing inaalala ko sa panahon ng sakuna ay ang epekto nito sa pamilya ng aming mga estudyante,” marubdob na paglalahad ni Ligaya.
Bunsod nito, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pakikipagtalastasan sa mga magulang hinggil sa siyensya at politika ng sunod-sunod na kalamidad. Kinakailangang pagsikapan ang masusing pagpapamulat sa ibang kabataan hinggil sa kahalagahan ng sama-samang pagharap sa sakuna at pagpapataas ng kanilang determinasyong magtulungan sa pag-aksyon.
Mayroong mga umiiral na pampamayanang pagsisikap upang harapin ang malalalang epekto ng mga sakuna. Gayunpaman, mayroong mga pag-atake sa batayang karapatang pantao ng mga sibilyan na kumokontra sa mga pagsisikap na ito tulad ng red-tagging sa community pantries, militarisadong porma ng pagkakawanggawa, at pananakot sa mga volunteer. Nararapat lamang na tumbasan ng administrasyong Marcos Jr. ang pagsisikap ng mga komunidad na ibsan ang epekto ng mapipinsalang unos, at hindi maging karagdagang problema sa paghihirap ng mamamayang Pilipino.