“It’s a you problem.” Naririnig ito bilang biro sa iba ngunit nagpapahiwatig ito ng pagpapawalang-bahala ng nararamdaman ng isang tao na nangyayari talaga sa realidad natin.
Galak at pagkasabik ang nadama ng karamihan sa balitang panunumbalik ng face-to-face na klase matapos ang higit dalawang taong pagkakakulong dulot ng pandemya. Ngayong nakahaharap na ang face-to-face setup, hindi naging pare-pareho ang sentimyento ng mga estudyante. Subalit, hindi porke hindi nararamdaman ng iba, hindi na totoo o balido ang nararamdamang hirap. Iba-iba lamang ang pagdanas ng bawat isa kaya hindi dapat na husgahan, maliitin, o ipagpawalang-bahala ninoman ang paghihirap na ito.
Ibinahagi ni OCCS Counselor Bon Torres na bukod sa mga estudyanteng pumapabor sa face-to-face na klase, marami ring nagpapakonsultang may pangamba at stress sa pagpasok sa naturang setup. Nabanggit niyang pagod sa biyahe, adjustment concerns, at pangambang hindi gaanong kilala ang mga kaklase bilang ilan sa sanhi nito.
Naging mahirap sa akin ang pumasok ng Pamantasan sa kabila ng malapit na distansya rito. Mula sa online na nakaririnig ng masasakit na salita at nag-uumapaw na pressure, hindi ko magawang harapin ang propesor nang face-to-face sa pangambang hindi ko ito makayanan. Nakaani ako ng mga komentong “Ano ba ‘yan, ang lapit-lapit mo lang sa school” at “Kami rin naman nararamdaman ‘yon pero pumapasok pa rin kami.” Masakit at nakakadismayang marinig ito mula sa mga kaklase kahit naipaliwanag ko naman sa iba ang bigat ng aking dibdib hinggil sa isyu. Hindi lang ba nila naiintindihan o pilit nilang tinatakpan ang mga tainga sa naiiba kong pagdanas? Kailangan bang maliitin ang bigat nito dahil lang hindi pareho ang nararamdaman nila?
Sa mga nahihirapan ngayon, balido ang nararamdaman mo anoman ang sabihin ng iba. Mismong si Torres na ang nagsabing normal ang makaramdam ng stress sa pagbabago at iba-iba ang epekto at tagal nito sa bawat estudyante.
Hinahamon ko naman ang ibang buksan ang puso’t isipan na hindi lamang ang inyong danas ang natatanging paraan, hindi lang iyang nararamdaman ninyo ang “tama,” dahil totoo at balido ang hirap ng bawat isa sadyang iba-iba lamang tayo ng personalidad, sitwasyon, at pagdanas. Hindi dapat kailanman maliitin, balewalain, o ipagpilitan ang “dapat” na maramdaman ninoman. Hirap na tayo sa pandemya at transisyon kaya sa halip na dagdagan ang hirap ng kapwa estudyante, bakit hindi na lang akayin at suportahan ang isa’t isa?