Pangarap na may kaakibat na pagsisikap kung ituring ang adhikain ng bawat estudyanteng makatungtong sa mga prestihiyosong unibersidad sa bansa. Gayunpaman, lingid sa kaalaman ng nakararami ang mga desisyong nagsisilbing hamon upang mapanindigan ang pagkatuto ng sarili, hindi lamang sa larangan ng akademiko, kundi maging sa pang-araw-araw na pamumuhay.
Mula noon, maraming estudyante na ang nangangailangang tumira nang mag-isa sa tuwing tutungtong ng kolehiyo ngunit nananatiling gutom sa suporta at nangungulila sa pamilya ang iba. Samu’t sari man ang karanasan, iba-iba man ang nakasanayan, mahalagang marinig ang kuwento ng mga estudyanteng nakikipagsapalaran sa buhay mag-isa habang nakikipagbakbakan sa giyera, makuha lamang ang inaasam na marka.
Pakikipagsapalaran sa bagong huwad na tahanan
Nakapanayam ng Ang Pahayagang Plaridel ang ilang estudyanteng kasalukuyang mag-isang naninirahan sa Maynila na sina Kryzzha Meijas at Aislinn Galpo, parehong 19 taong gulang, at Stiffany Lopez, 22 taong gulang. Sa kanilang sariwang edad, sari-saring paghahanda at paglilimi ang kanilang dinanas bago magpasiyang bumukod sa piling ng kinagisnang pamilya.
Inilahad ni Galpo na nahirapan siyang maghanap ng matitirhan noong una dahil wala siyang mahagilap na kasama sa condo. Tanging paanyaya ng kaniyang kaibigan ang nagbigay-daan upang matuloy ang hangaring manirahan sa Maynila. Aniya, “Since nag-start na ‘yung term at that point, mahirap na makahanap ng vacancy, pero nag-alok ‘yong kaibigan ng friend ko na kulang pa sila ng dalawang kasama so kinuha na namin.”
Ipinasilip din nila ang kaniya-kaniyang karanasan sa pagtahak at pagsuyod sa ilang sulok ng “adulting.” Pagbabahagi ni Galpo, kahit humigit-kumulang isang buwan pa lamang siyang naninirahan sa isang condo sa Taft, ora-orada niyang naramdaman ang bigat ng tungkuling kaakibat nito. Aniya, “’Di kasi ako masyado magaling mag-commute so mas okay rin talaga sa [akin] pati sa parents ko na mag-condo or mag-dorm [na lang] ako.” Gayunpaman, nananatili ang pag-asang mamimihasa rin siya sa pasikot-sikot ng siyudad balang araw.
Para kay Meijas, napagpasiyahan niyang manirahan nang mag-isa sa Maynila upang mapadali ang kaniyang pagpasok sa Pamantasang De La Salle. Pagpapaliwanag niya, “It’s not that I decided na mamuhay [nang] mag-isa but because I have to. As I wanted to study in DLSU, I needed to learn how to live alone [kasi hindi] naman puwede na my parents will stop working and move with me just because I don’t want to be alone.”
Kawangis nito ang pagbabahagi ni Lopez ukol sa kaniyang hangaring magkaroon ng mas mataas na edukasyon sa Maynila kahit nagmula pa siya sa malayong probinsya ng Cebu. “Una talaga ‘yung education ko, mas advanced dito sa Manila tapos gusto ko din [matuto]. . . maranasan na mag-isa [para handa] ako sa future na if mag work na gano’n,” dagdag pa niya.
Pagtungtong sa panibago at makabuluhang buhay
Ibinahagi ni Lopez na nahirapan siya noong bagong salta siya sa Maynila. Aniya, “Hirap noong una dahil need ko talaga mag-manage ng time. . . para maglinis at [mag-aral]. . . need din to consider different things like yung food, laundry, living expenses.” Nahirapan naman sina Galpo at Meijas sa paghahanda ng pagkaing madali nilang malasap sa kanilang tahanan. Bukod dito, naging hamon din kay Galpo ang pakikisama sa iba pang nakatira sa condo. Para naman kay Meijas, pagtitipid at pagtitimping magwaldas ang kasalukuyang hamong kaniyang kinahaharap dala ng pagkasabik sa bagong lugar.
Hindi rin maikakaila ang kanilang naramdamang lumbay sapagkat nalayo sila sa kanilang pamilya. Sa kabila nito, kanilang inihayag na ang kanilang pamilya ang tumatayong inspirasyon nila upang harapin ang pagbabago sa kanilang buhay. “[Naging inspirasyon ko] ang pangarap ko na maging doktor at. . . to make my family proud of me,” pagbabahagi ni Meijas.
Hudyat din ang buhay-kolehiyo sa paglawak at paglalim ng kamalayan tungkol sa sarili. Dagdag pa ni Meijas na naging bukas siya sa mga oportunidad at posibilidad na maaaring ibigay sa kaniya ng panahon. Binigyang-diin naman ni Galpo na kahit umaasa siya sa kaniyang magulang, dumami ang hawak niyang responsibilidad dahil malaya na siya kompara noong naninirahan pa siya kasama ang kaniyang pamilya.
Para naman kay Lopez, mas lumawak ang kaniyang kamalayan pagdating sa pamamahala sa sari-saring aspekto ng kaniyang buhay tulad ng pag-aaral, pamilya, mga kaibigan, at salapi. Inamin din niyang nagkaroon na siya ng mga maling desisyon sa buhay ngunit hindi siya nagpatinag sa mga iyon. Payo naman ni Meijas, kailangan ding pahalagahan ang tiwalang ibinigay ng kanilang mga magulang.
Nag-iisa sa pagpapatuloy ng pag-asa
Paalala nila sa mga estudyanteng nagbabalak manirahan nang mag-isa na mag-iiba ang daloy ng kanilang buhay at dadami rin ang responsibilidad na kanilang haharapin. Gayunpaman, kaakibat ng mga pagbabagong ito ang pagkatutong itaguyod ang sarili lalo na paglabas ng tarangkahan ng Pamantasan.
Masasabing mabigat na responsibilidad at pagbabago sa daloy ng buhay ang maaaring matamo ng mga estudyanteng nagnanais mamuhay nang mag-isa. Maaaring tila nambabanta, ngunit ito ang katotohanang dapat maidikta sa bawat isa. Kinakailangan ng masidhing pagtitiyaga at disiplina upang maipagpatuloy ang nasimulan at masanay sa buhay na tinatahak habang nakikipagsapalaran sa iba’t ibang uri ng problema. Mahirapan man sa napiling landas, baon naman nito ang pagkakaroon ng sariling kamay sa pag-aayos ng sariling kagamitan at paghahanda ng mga pagkaing isusubo at ilalaman sa kalamnan—aral na mapakikinabangan upang lalong maging komportable sa sariling kakayahan.