HINARAP nang buong tapang ng DLSU Green at Lady Judokas ang mga katunggali sa UAAP Season 85 Judo Championships kahapon, Disyembre 18 sa Ateneo de Manila University Blue Eagle Gym.
Naiuwi ng Green Judokas ang ikatlong puwesto sa torneo matapos magtala ng kabuuang 15 puntos. Nagpasiklab din si Green Judoka Eivan Jim Donaire matapos makamit ang ginto sa men’s extra lightweight event. Hindi naman nagpahuli si Ron Royce Novino nang maibulsa ang pilak na medalya sa men’s featherweight event. Nasungkit din ni Angelo Nicolo Saria ang tansong medalya sa men’s lightweight event.
Hindi rin maikakaila ang kanilang galing matapos makamit ni Green Judoka Ethan Quach ang tansong medalya sa men’s half heavyweight sa unang araw ng torneo. Rumatsada rin si Green Judoka John Hernandez nang maibulsa ang tansong medalya sa men’s half middleweight event. Hindi naman din nagpatinag si Green Judoka Ezra Malanos matapos mapasakamay ang tansong medalya sa men’s middleweight event.
Bagamat bigong makaabot sa podium finish, nagpakitang-gilas pa rin ang Lady Judokas matapos maibulsa ni Andrea Villena ang tansong medalya sa women’s middleweight event. Kaugnay nito, naitala ng kanilang koponan ang kanilang unang puntos.
Sa pagtatapos ng torneo, masilakbong naibulsa ng Green Judokas ang tansong medalya tangan ang kanilang 15 puntos. Nagningning naman ang UST Tiger Judokas sa men’s division matapos makamit ang gintong medalya bitbit ang umaatikabong 48 puntos. Hindi naman nagpahuli ang UP Fighting Maroons matapos magtala ng 26 na puntos para maiuwi ang pilak na medalya.
Nanatili naman sa ibaba ng standings sa ikalimang puwesto ang Lady Judokas bitbit ang kanilang isang puntos. Tila umalab ang kababaihan ng UE nang makapagtala ng 37 puntos upang makamit ang gintong medalya. Nakamit naman ng UST Tiger Judokas ang pilak na medalya sa women’s division matapos tumikada ng 34 na puntos. Naabot naman ng UP Fighting Maroons ang tansong medalya matapos humulma ng 19 na puntos.