NASUNGKIT ng DLSU Green at Lady Jins ang tansong medalya sa huling araw ng UAAP Season 85 Taekwondo Kyorugi Championships kahapon, Disyembre 15 sa Ateneo de Manila University Blue Eagle Gym.
Muling pagsalang
Agad na umarangkada ang Green Jins sa ikalawang araw matapos harapin ang kanilang archrivals na ADMU Blue Eagles. Ipinamalas ng Taft-based squad ang kanilang bagsik nang lampasuhin ang mga karibal sa bakbakan, 6-1. Sa kabilang banda, natalisod ang koponang Green and White kontra sa nagbabagang puwersa ng NU Bulldogs, 3-4.
Tila napahirapan naman ng UST Tiger Jins ang Lady Jins matapos ipamalas ang kanilang bangis sa entablado, 0-7. Gayunpaman, tiniyak ng kababaihan ng Taft na makabawi mula sa masakit na pagkatalo nang magwagi kontra FEU Lady Jins, 6-1.
Hagupit ng mga alas
Sa pagtatapos ng torneo, hinirang bilang Rookie of the Year si Green Jin Einz Aricayos kabilang na ang pagbulsa ng gintong medalya sa welterweight event, 5-0. Hindi naman nagpatinag ang kapitan ng koponan nang maibulsa ni Carlo Dionisio ang gintong medalya sa bantamweight event, 5-0. Sinundan pa ito ng gintong medalya ni Marc Gasilos sa middle/heavyweight event, 5-0.
Tila nanumbalik ang kumpiyansa ng mga pambato ng Taft matapos masungkit ni Lady Jins Allyah Eusalan ang pilak na medalya sa middle/heavyweight event, 4-1. Hindi rin nagpahuli si Purcia Ang bitbit ang pilak na medalya sa bantamweight event, 3-2.
Nadagdagan naman ang naiuwing medalya ng koponan matapos makapag-uwi ng tansong medalya ni Argie Lamasan sa welterweight event, 3-2. Nasungkit din ni Jade Papa ang tansong medalya sa welterweight event, 3-2.
Tumungtong sa ikatlong puwesto ang Green Jins tangan ang 3-2 panalo-talo kartada sa huling araw ng torneo. Samantala, naabot din ng Lady Jins ang ikatlong puwesto buhat ng naitalang 3-2 rekord.