NAABOT ng DLSU Green at Lady Jins ang ikaapat na puwesto matapos mapasakamay ang isang pilak at tatlong tansong medalya sa UAAP Season 85 Taekwondo Poomsae Championships kahapon, Disyembre 13 sa Ateneo de Manila University Blue Eagle Gym.
Ibinandera nina Patrick Perez, Mikee Regala, Sofia Sarmiento, Zyka Santiago, at Daphne Ching ang DLSU sa entablado nang ipamalas ang kanilang estilo sa iba’t ibang martial arts event. Bagamat bigatin ang mga nakaharap, hindi nagpatinag ang mga atletang Lasalyano matapos mag-uwi ng samu’t saring medalya.
Maalab na hinarap ng tambalang Green Jin Patrick Perez at Lady Jin Mikee Regala ang mixed pair event nang maibulsa ang pilak na medalya sa tangan ang 8.215 puntos. Agaw-eksena namang bumulusok ang España duo Vincent Rodriguez at Chelsea Tacay bitbit ang kanilang clutch 8.230 puntos upang sungkitin ang gintong medalya mula sa Taft duo. Nakamit naman nina Blue Eagles Joaquin Tuzon at Elaine Borres ang tansong medalya matapos umukit ng 7.895 puntos.
Naibulsa naman ni Lady Jin Regala ang tansong medalya sa women’s individual category matapos tumikada ng 7.880 puntos. Sa kabilang banda, umarangkada si Season Most Valuable Player Laeia Soria matapos makaiskor ng nagbabagang 8.250 puntos upang mapasakamay ang gintong medalya para sa NU. Naiuwi naman ni Tiger Jin Aidaine Laxa ang pilak na medalya bitbit ang kaniyang 8.135 puntos.
Kabit-bisig na nasungkit nina Lady Jins trio Sarmiento, Santiago, at Ching ang tansong medalya sa women’s team event matapos makapagtala ng 8.005 iskor. Gintong medalya naman ang nakamit ng Tiger Jins trio Laxa, Jade Carno, at Stella Yape nang makaiskor ng 8.350 puntos. Naiuwi naman nina Soria, Abegail Pacificador, at Denise Alicis ang pilak na medalya para sa NU matapos pumukol ng 8.215 puntos.
Nadagdagan naman ang naiuwing medalya ni Green Jin Captain Perez matapos tumikada ng 8.115 puntos para masungkit ang tansong medalya. Samantala, masilakbong napasakamay ni Blue Eagle Tuzon ang gintong medalya nang makapagtala ng 8.195 iskor. Naibulsa naman ni Ceanne Rosquillo ang pilak na medalya para sa NU tangan ang kaniyang 8.170 puntos.
Hinirang na bagong kampeon ngayong Season 85 ang NU matapos makapag-uwi ng dalawang ginto at pilak na medalya. Lumapag naman sa ikalawang puwesto ang defending champions na UST bitbit ang kanilang dalawang gintong medalya, isang pilak, at isang tansong medalya. Nalasap naman sa kauna-unahang pagkakataon ng ADMU ang kanilang unang podium finish sa kasaysayan ng poomsae matapos masungkit ang isang ginto at isang tansong medalya sa torneo.