LUMAPAG sa ikalawang puwesto ang DLSU Lady Archers matapos masibak ng NU Lady Bulldogs, 64-76, sa Game 2 ng UAAP Season 85 Women’s Basketball Tournament Best-of-Three Finals, Disyembre 11 sa SM MOA Arena.
Nagningning para sa Lady Archers ang beteranong manlalaro na si Charmine Torres matapos maitala ang kaniyang career-high na 29 na puntos at pitong rebound sa kaniyang huling laro para sa Green-and-White squad. Bagamat bigong higitan ni Fina Niantcho ang kaniyang nakaraang laro, malaking tulong pa rin ang kaniyang opensa at depensa nang makalikom ng 13 puntos, 22 rebound, apat na assist, at tatlong block.
Bitbit ang hangaring maiuwi ang kampeonato, nagpakitang-gilas ang finals most valuable player na si Tin Cayabyab nang makapag-ambag ng 18 puntos, limang rebound, dalawang assist, dalawang steal, at isang block. Naging daan din ang nakamamanghang laro ni Angel Surada nang umukit ng 10 puntos, siyam na rebound, at tatlong assist upang dalhin ang koponan sa gintong medalya.
Mula sa buena manong panalo sa finals game 1, napanatili ng Lady Bulldogs ang kanilang matinding opensa habang walang-awang biniyak ang depensa ng Lady Archers na nagbunsod ng maagang pag-arangkada sa unang kwarter. Sanib-puwersang nagtulungang makabuo ng momentum ang NU sa unang limang minuto ng laro na nagresulta ng mataas na porsiyento ng field goal. Sa kabilang banda, mag-isang pinundar ni Torres ang siyam na puntos na hawak ng Lady Archers, 9-12.
Tila umurong ang puwersa ng DLSU sa depensa ng Lady Bulldogs matapos makalikom ng pitong turnover na humantong sa bahagyang paglayo ng iskor. Humirit pa ng tres si Cayabyab at sinundan pa ng tirada ni Mikka Cacho, 11-27. Dahil sa pagkakaisa ng Lady Bulldogs, nakalikom ang koponan ng sumatotal na 18 puntos sa loob ng paint sa kabuuang 27 na puntos sa unang kwarter upang iangat sa 16 puntos ang kanilang bentahe, 11-27.
Nagsimula namang magliyab ang kamay ni Cayabyab papasok ng ikalawang kwarter matapos makapagsalaksak ng 14 na puntos sa unang yugto. Bunsod nito, sinikap nina Joehanna Arciga at Luisa Dela Paz na tulungan sa opensa si Torres sa pamamagitan ng kanilang fastbreak points, 22-37.
Gayunpaman, bigo pa rin ang Lady Archers na patibayin ang kanilang natatarantang depensa lalo na hindi nito nagawang pigilan ang jumper ni Cayabyab, 22-39. Sinara naman ni Torres ang unang kalahati ng laro sa pamamagitan ng nakamamanghang tres, 27-42. Tanging si Torres lamang ang may double-digit na puntos sa Lady Archers sa unang kalahati ng laro tangan ang 14 na puntos.
Patuloy na ipinaramdam ng katunggali ang kanilang matatag na opensa sa ikatlong kwarter nang sabayan pa ito ni Camille Clarin ng kaniyang kauna-unahang three-point shot sa laro, 27-45. Kahit na walang-takot na isinalpak ni Lady Archer Torres ang kaniyang tirada, lumawak nang husto ang kalamangan matapos dominahin nina Lady Bulldogs Aloha Betanio, Gypsy Canuto, at Cayabyab ang opensa ng koponan, 38-61.
Sa kabila ng 18 puntos na kalamangan, umayon sa Lady Archers ang momentum sa unang apat na minuto ng huling kwarter nang makalikom ng siyam na pinagsamang puntos sina Torres, Arciga, at Niantcho, 47-65. Tinangkang pumuntos ni Cayabyab ngunit sinupalpal ni Binaohan ang kaniyang tirada at sinamantala ni Arciga ang pagkakataong makatikada, 47-65. Gayunpaman, kinapos sa pagbantay ng bola ang koponan matapos sumagot ng tres sina Clarin at Cayabyab, 52-72.
Sinikap pa rin ni Torres na palapitin ang iskor habang itinudla naman ni Sario ang kaniyang kauna-unahang triple shot sa huling kwarter, 58-75. Natapos ang nakamamanghang kampanya ng Lady Archers at tuluyan nang yumuko sa defending champions Lady Bulldogs sa iskor na 64-76.
Mga Iskor:
DLSU 64 — Torres 29, Niantcho Tchuido 13, Arciga 8, Sario 7, Binaohan 5, De La Paz 2, Jimenez 2, Ahmed 2.
NU 76 — Cayabyab 18, Surada 10, Edimo Tiky 9, Clarin 8, Cacho 6, Pingol 6, Bartolo 5, Canuto 4, Fabruada 4, Villareal 4, Betanio 2.
Quarterscores: 11-27, 27-42, 40-61, 64-76.