PAPASOK sa finals ang DLSU Green Booters B matapos apulahin ang umaalab na koponan ng FEU Tamaraws sa kanilang homecourt, 2-0, sa semifinals ng Ang Liga kahapon, Disyembre 8 sa FEU Diliman Football Field.
Bilis at liksi ang agad na ibinungad ng Morayta-based squad sa pagsisimula ng bakbakan. Nakamamanghang ball movement at fast plays ang naging sandata ng FEU upang mapahirapang makaporma ang Taft-based squad. Bilang tugon, ipinamalas ng koponang Green and White ang kanilang matatag na depensa upang mabarikadahan ang bawat shot attempt ng Tamaraws.
Matapos ang ilang sandali, nagawang makabuwelo ng Green Booters nang mabasag ng koponan ang nagkakaisang galaw ng FEU. Tila nalipat ang umaatikabong momentum sa Taft-based squad matapos ang nakakapanindig-balahibong pag-iskor sa katunggali, 1-0.
Sinubukan pang bumawi ng FEU ngunit umaalab ang dugong berde at puti nang pagtibayin ng koponan ang kanilang midfield anchor at goal defense. Matapos nito, hindi na nagpatumpik-tumpik pa ang kalalakihan ng Taft na tuldukan ang laban matapos ang kagila-gilalas na strong finish sa goal ng Tamaraws, 2-0.
Buhat ng panalong ito, lalaban sa championship round ng first division ang DLSU B habang sasabak sa battle for third ang FEU.
Abangan ang kapana-panabik na paghaharap ng DLSU B at Air Force para sa gintong medalya sa darating Linggo, Disyembre 11 sa ganap na ika-2 ng hapon sa DLSU Canlubang Football Pitch.