MAPUPUROL NA PANA ang pinaulan ng DLSU Lady Archers sa kampo ng NU Lady Bulldogs, 61-93, matapos nilang pumalya sa Game 1 ng UAAP Season 85 Women’s Basketball Tournament Best-of-Three Finals kahapon, Disyembre 7 sa Smart Araneta Coliseum.
Bagamat bigong mapasakamay ang panalo, kapansin-pansing umangat sa pagpuntos ang tatlong scoring machine ng Lady Archers. Hindi nagpatinag ang best scorer ng laro Fina Niantcho Tchuido nang magsalansan ng 18 puntos at 15 rebound. Dugo at pawis din ang inialay nina Charmine Torres at Bettina Binaohan para sa koponang Berde at Puti matapos sumindak ng pinagsamang 25 puntos.
Makapanindig-balahibong pagkakaisa naman ang naging tugon ng six-time defending champions matapos makapag-ambag ng mga iskor ang kanilang 13 manlalaro. Kaakibat nito, buena manong panalo sa finals at matagumpay na paghihiganti kontra DLSU ang natamasa ng NU sa pangunguna ng player of the game Mikka Cacho.
Tangan ang hangaring depensahan ang titulo bilang kampeon, waging tumikada ng 16 na puntos, apat na rebound, at tatlong assist si NU main gun Cacho. Kumislap din ang kinang ng laro ni Angel Surada nang pumukol ng 10 puntos at pitong rebound. Hindi rin nagpahuli si Rhocel Bartolo nang makapagtala ng 12 puntos na nagsilbing mahalagang alas ng NU sa unang kalahati ng bakbakan.
Tumambad sa inaabangang salpukan sa finals ang kagila-gilalas na laro ng magkatunggali matapos nilang humulma ng dikit na iskor sa ika-7 minuto pa lamang ng unang kwarter, 14-15. Sunod nito, tila natahimik sa pagbuno ng puntos ang DLSU at NU bunsod ng kani-kanilang malapader na depensa.
Gayunpaman, naunang nagkaaberya ang pader ng Lady Archers matapos sumalanta ng 7-0 run ang Lady Bulldogs. Matapos maghingalo ang depensa ng Taft-based squad, matagumpay na nalasap ng mga taga-Sampaloc ang siyam na kalamangan sa unang kwarter sa tulong ng kanilang disiplinadong pagkakaisa at malakuryenteng opensa, 15-24.
Tila nahimbing na diwa at kompiyansa naman ang umiral sa laro ng Lady Archers sa pagbubukas ng ikalawang kwarter matapos paralisahin ng mga tirada ni Annik Ticky ang kanilang paghahabol, 18-30. Agaw-pansin din ang alalay na hatid ng nagkakaisang Lady Bulldogs scoring machines Bartolo, Cacho, at Tin Cayabyab kay Ticky na tumuldok sa unang kalahati ng labanan, 32-46.
Bumabagyong three-pointers naman ang naging tema sa ikatlong kwarter matapos lunurin ni NU main gun Jayda Villareal ang nagbabadyang pagbawi ng DLSU. Bunga nito, matagumpay na nilito ni Villareal ang mga guwardiya ng Taft mainstays matapos magsalaksak ng limang kabuuang three-point shot sa naturang kwarter, 47-69.
Matuling nakasikmat ng 8-0 run ang mababangis na Lady Bulldogs sa ika-2 minuto pa lamang ng huling kwarter. Pilit namang kumayod si Lady Archer Lee Sario sa labas ng arko matapos itudla ang kaniyang kauna-unahang three-pointer sa laro. Gayunpaman, malakalbaryong napasakamay ng mga taga-Taft ang pait ng pagkatalo sa Game 1 ng finals nang pinaigting lalo ng NU ang kanilang defensive at offensive prowess, 61-93.
Matatandaang yumuko ang DLSU Lady Archers sa pangil ng NU Lady Bulldogs nitong unang yugto ng torneo sa iskor na 72-93. Sa kabila nito, nagbabagang kampanya ang ipinakitang-gilas ng Taft mainstays sa ikalawang yugto nang sinira nila ang 108-game winning streak ng NU, 61-57.
Kaakibat nito, aminado si DLSU head coach Cholo Villanueva na kailangan ng Lady Archers na paigtingin ang kanilang laro at motibasyon sa Game 2 ng finals, tulad ng ginawa nila noong ikalawang yugto ng elimination round. “We just need to want it more because they are a very gritty and strong team,” pagbabahagi ni Villanueva.
Abangan ang kapana-panabik na ikalawang laro sa finals ng torneo sa darating na Linggo, Disyembre 11 sa SM Mall of Asia Arena. Kailangang magwagi ng Lady Archers sa kanilang susunod na laro upang magkaroon ng do-or-die match sa finals kontra Lady Bulldogs. Sakaling bigong magpunyagi, tuluyan nang lalapag bilang first-runners up ang naturang koponang Lasalyano.
Mga Iskor:
DLSU 61 – Niantcho Tchuido 18, Torres 14, Binaohan 11, Sario 9, De La Paz 4, Jimenez 2, Ahmed 2, Arciga 1.
NU 93 – Cacho 16, Bartolo 12, Surada 10, Clarin 8, Edimo Tiky 8, Cayabyab 7, Pingol 6, Villareal 6, Betanio 5, Solis 5, Fabruada 4, Canuto 3, Dimaunahan 3.
Quarterscores: 15-24, 32-46, 47-69, 61-93.