IPINALASAP ng DLSU B ang talas ng kanilang palaso matapos tibagin ang DLSU A, 4-0, sa quarterfinals ng Ang Liga kahapon, Disyembre 4 sa FEU Diliman Football Field.
Maagang namukadkad sa bakbakan ang puwersa ng DLSU B matapos ipamalas ang kanilang malapader na depensa. Buhat nito, nahirapang makaporma ang DLSU A na nagresulta upang agarang makuha ng DLSU B ang kanilang unang puntos, 1-0. Tila hindi pa rito nakontento ang DLSU B nang rumatsadang muli ang kanilang strikers sa goal ng DLSU A, 2-0.
Mahusay na ball movement at pinaigting na depensa ang naging susi ng DLSU B pagdating ng ikalawang yugto. Sinubukan mang makaiskor ng DLSU A ngunit patuloy pa rin ang pagsangga ng DLSU B sa kanilang mga shot attempt. Sa huli, hindi na nagpatumpik-tumpik pa ang DLSU B sa laban matapos rumatsada ng dalawang nakamamanghang strike upang selyuhan ang panalo, 4-0.
Abangan ang muling pagsalang ng DLSU B sa semifinals ng torneo kontra sa puwersa ng FEU Tamaraws sa darating na Huwebes, Disyembre 8 ika-12:30 ng tanghali sa FEU Diliman Football Field. Makatatapat naman ng DLSU A ang Tuloy FC sa ganap na ika-7 ng umaga sa parehong araw at lugar.