NAGLIWANAG muli ang christmas tree ng Pamantasang De La Salle (DLSU) sa kampus ng Laguna sa pagdaraos ng Anaya: Animo Christmas 2022 na may temang “Mabuhay Ka, Hesus,” Disyembre 2 sa Milagros R. del Rosario Building (MRR). Inorganisa ang unang pisikal na selebrasyon ng nasabing aktibidad ng College of Student Affairs at Lasallian Mission Office ng Laguna Campus matapos ang dalawang taong restriksyon sa pandemya.
Nagkaroon din ng munting salusalo sa One Mission Park matapos ang tradisyonal na pagpapailaw ng Animo Christmas Tree. Samantala, pinangunahan ni Fr. Ting Miciano, SDB ang idinaos na Banal na Misa ng Pasasalamat sa Santuario de La Salle sa ganap na ika-4 ng hapon bilang panimula ng programa. Kaugnay nito, pinaalalahanan niya ang mga Lasalyanong gunitain ang panahon ng adbiyento sa pananaw ni Hesus.
Binigyang-diin din sa kabuuan ng pagdiriwang ang kahalagahan ng diwa ng pagiging bahagi ng pamayanang Lasalyanong at konsepto ng pamilyang nabubuo sa Pamantasan. Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel kay Nelca Villarin, vice dean for student affairs ng Laguna, hiling niyang mamutawi sa pagdiriwang ang init ng samahan ng pamilya at komunidad sa DLSU.
“Mula sa amin siguro ang inaasahan namin ay maramdaman ng ating community higit lalo na ang ating mga estudyante na dito sa La Salle, ay mayroong tinatawag na talagang ‘pamilya.’ Ang Kapaskuhan ay after all, all about the family, o ang pagsilang ng ating Panginoong Hesus,” sambit ni Villarin.
Bukod dito, nagsaayos ang Council of Student Organizations ng bazaar sa paligid ng MRR mula ika-8 ng umaga upang alalahanin ang diwa ng Pasko ng pagkabuhay. Layunin ng proyektong patingkarin ang pagdiriwang ng Animo Christmas at hamunin ang bawat Lasalyanong katawanin ang diwa ng pagbibigayan. Nagkaroon din ng patimpalak na nagtampok ng mga pagtatanghal mula sa iba’t ibang sektor ng komunidad upang pasinayaan ang palatuntunan ng programa.
Inaasahan naman ng pamayanang Lasalyano sa Laguna ang paparating na finals week mula Disyembre 12 hanggang 17 bilang pagtatapos sa unang termino ng akademikong taong 2022-2023.