Pagpapatupad ng hybrid learning sa unang termino, sinuri sa Convention of Leaders 2022

mula DLSU USG

BINIGYANG-TUON sa isinagawang Convention of Leaders 2022 ang hinaing ng mga estudyanteng Lasalyano ukol sa pagpapatupad ng hybrid learning ngayong termino, Disyembre 1 sa ganap na ika-2 ng hapon. Dinaluhan ang pagtitipon ng mga pinuno ng iba’t ibang organisasyon sa Pamantasan katuwang ang University Student Government (USG).

Nahati naman sa iba’t ibang pangkat ang mga organisasyon upang masusing matalakay ang mga inihandang napapanahong paksa. Inanyayahan din silang magbigay ng mensahe ukol sa naging serbisyo ng USG sa mga nagdaang termino at inaasahang karanasan mula sa mga bagong halal na opisyal.

Hamon ng face-to-face

Kinahaharap ng Pamantasan sa kasalukuyan ang malaking populasyon ng mga estudyante sa kampus alinsunod ng suliranin sa mahahabang linya ng pila sa mga elevator at pagpapanatili ng kalinisan ng Gokongwei Hall. Maaaring isa sa mga sanhi nito ang mataas na bilang ng mga nakapasang aplikante noong nawala ang De La Salle University College Admission Test, ayon kay Jill Aycardo, pangulo ng La Salle Debate Society. 

Bunsod nito, iminungkahi ni Aycardo ang pagpapatupad ng mga alituntunin ukol sa bilang ng mga maaaring makapasok sa bawat gusali at pagpapahaba sa oras ng paggamit ng mga ito. Ilan na rito ang Don Enrique T. Yuchengco Hall at Henry Sy Sr. Hall na nagsasara pagsapit ng ika-10 ng gabi. Bukod pa rito, inalmahan din niya ang pagtanggal sa unlimited storage ng Google accounts ng Pamantasan dahil mananatili pa rin aniya ang mga mekanismong nakasanayan noong online na klase.

Matatandaang naglabas ng anunsyo ang Office of the Vice President for Information Technology nitong Nobyembre 28 ukol sa pagbabago ng storage limit ng Google accounts ng mga Lasalyano. Ibinaba sa 15GB ang storage limit mula sa orihinal na unlimited storage buhat ng mga pagbabago sa polisiya ng Google. “Storage is not being consumed equitably across —  nor within — institutions, and school leaders often don’t have the tools they need to manage this,” paliwanag ng Google.

Ibinahagi rin ni Lasallian Scholars Society Executive Vice President Kim Tolosa na naramdaman niyang hindi na nagiging priyoridad ng kaniyang mga propesor ang pagtuturo. “Pinili namin ang face-to-face setup kasi we want to learn sa campus, pero ginagawa ring online,” sambit niya ukol sa biglaang pagkakansela ng kanilang mga face-to-face na sesyon. Gayundin, ikinabahala ni Management of Financial Institutions Association President Mich Kohzai ang kalidad ng pagkatutong natatanggap ng mga pure online learner.

Kakailanganin na rin ng pamayanang Lasalyano mula Enero 1 ang pagkakaroon ng ID card upang makapasok sa kampus, ayon sa inilabas na anunsyo ng Office of the Vice President for Administration noong Oktubre 26. Kaugnay nito, hindi na kikilalanin bilang opisyal na dokumento para sa pagpasok sa kampus ang Enrollment Assessment Form at makikipag-ugnayan na ang mga estudyante sa Office of the University Registrar (OUR) sakaling mawala nila ang kanilang ID o hindi pa sila nakatatanggap nito.

Ikinaalarma ito ng mga dumalo dahil malaking bilang pa ng mga Lasalyano ang hindi pa nakatatanggap ng email mula sa OUR ukol sa petsa ng pagkuha ng kanilang ID. Naging usapin din ang walang batayang pagkakasunod-sunod ng pamamahagi nito. Tugon nina Karen Clarissa Domingo at Cheyanne Aryani Niesta ng USG, maaaring hindi pa lamang naipadadala ang mga ipinangakong email para sa pagkuha ng ID ngunit inaasahang makokompleto na ito pagsapit ng Disyembre 20. 

Tinukoy rin bilang pangunahing suliranin ng mga student organization ang pagkakaroon ng dakong pagdarausan ng mga programa,  pagproproseso ng medical certificates, at pagsasagawa ng aktibidad sa labas ng Pamantasan.

Estado ng kaligtasan 

Itinaas din sa sesyon ang usapin sa kaligtasan matapos ang paglaganap ng COVID-19 sa bansa at ang kamakailang insidente sa paligid ng Pamantasan. Ilan na rito ang magkasunod na sunog sa Taft Avenue noong Nobyembre 27 at 28.

Unang kinuwestyon ni Manuel Thomas Granada ng De La Salle University Chorale ang kaalaman ng mga awtoridad ukol sa mga indibidwal na kaso ng COVID-19 sa Pamantasan. Paglalahad niya, mayroong sariling panuntunan ang kanilang organisasyon para sa mga nagpositibo sa COVID-19 ngunit hindi na ito naipaaabot sa administrasyon dahil sa kawalan ng sapat na kaalaman ukol sa mga susunod na hakbang.

Pinahalagahan naman ni Tolosa ang gampanin ng Student Media Office sa agarang pagbabalita tungkol sa mga nagdaang sunog. Ayon kina Aycardo at Kohzai, nararapat na pagtibayin ng Pamantasan ang mga alituntunin pagdating sa mga sakuna at tiyaking batid ng mga estudyante ang lokasyon ng bawat emergency exit sa kampus.

Kinompirma ng USG na wala ring patakaran sa kasalukuyan ang nagmumulta para sa paggamit ng single-use na plastik sa loob ng Pamantasan. Matatandaang ipinagbawal ito simula ikalawang termino ng akademikong taon 2020-2021 alinsunod sa panibagong vision-mission ng Pamantasan at aprubadong polisiya ng Chancellor’s council para sa ecological management of solid waste. Malaking salik, giit ni Tolosa, ang mismong mga nagtitinda sa loob ng kampus na patuloy itong ginagawang pakete kahit na alam nila ang polisiya ng Pamantasan. 

Ayon kay Aycardo, istruktura mismo ang nagpapahirap sa matagumpay na pagsasakatuparan ng inisyatiba. Mas mahahalina rin aniya ang mga estudyante at kawaning sumunod kung magbibigay rin ng diskwento para sa mga may dalang reusable container.