NANAIG ang puwersa ng DLSU Green at Lady Tracksters matapos umukit ng isang gintong medalya at tatlong pilak na medalya sa ikalawang araw ng UAAP Season 85 Athletics Championships, Disyembre 1 sa Philsports Arena, Pasig City.
Hudyat ng pagbawi
Nanatili pa rin sa iskor na 15 puntos ang DLSU Green Tracksters matapos ang pagsabak ng koponan sa iba’t ibang athletics event sa pagbubukas ng ikalawang araw ng torneo. Ipinamalas ng Taft-based squad ang kanilang liksi at tatag ngunit umarangkada rin ang kanilang mga katunggali. Buhat nito, kasalukuyang nakatayo sa ikapitong puwesto ang Green Tracksters tangan ang parehong 15 puntos mula unang araw ng torneo.
Paghakot ng parangal
Tila lumiliyab pa rin ang diwa ng Lady Tracksters matapos makapag-uwi ng mga medalya sa kanilang muling pagsalang sa iba’t ibang athletics event. Rumatsada si Lady Trackster Jessel Lumalas matapos masungkit ang pilak na medalya nang makaukit ng 25.42 segundo sa women’s 200-meter run.
Bukod kay Lumalas, naabot din ni Lady Trackster Hannah Delotavo ang ikaanim na puwesto bitbit ang kaniyang 26.28 segundong bilis habang lumapag naman sa ikawalong puwesto si Lady Trackster Erica Ruto matapos umukit ng 26.48 segundo sa parehong event.
Nagpamalas naman ng angking liksi si Abcede Agamanos matapos mapasakamay ang pilak na medalya sa triple jump women’s division nang maabot ang 12.10 metrong layo.
Nasungkit din ni Lady Trackster Anne Quitoy ang pilak na medalya sa women’s javelin throw matapos magtala ng 41.72 metrong layo. Naabot naman ni Lady Trackster Rea Christine Rafanan ang ikalimang puwesto matapos umukit ng 11.26 na metrong layo sa parehong event.
Saksihan ang muling pagpapasiklab ng DLSU Green at Lady Tracksters sa ikaapat na araw ng torneo, Disyembre 4 sa ganap na ika-3 ng hapon sa Philsports Arena, Pasig City.