NAMAYAGPAG ang DLSU Green at Lady Tracksters matapos makapag-uwi ng dalawang gintong medalya at tatlong pilak na medalya sa unang araw ng UAAP Season 85 Athletics Championships, Nobyembre 30 sa Philsports Arena, Pasig City.
Muling pag-abot ng kampeonato
Sa pagbabalik ng athletics sa UAAP Season 85, nasilayang muli ang pag-alpas ni UAAP Season 81 gold medalist Francis Obiena sa entablado. Ipinamalas ng umaatikabong Green Trackster ang kaniyang taas ng pagtalon matapos mapasakamay ang gintong medalya sa pole vault men’s division bitbit ang nakamamanghang rekord na 4.10 metro.
Hakot-medalya ng Lady Tracksters
Naungusan ni Lady Trackster Bernalyn Bejoy ang mga kalahok sa 800-meter run sa loob ng 2:14.15 minuto upang maiuwi ang pangalawang gintong medalya ng DLSU. Nakapagtala naman siya ng 2:15.99 minuto sa unang heat ng laro.
Matinding ensayo sa gitna ng pandemya ang naging puhunan ni Bejoy upang maabot ang kampeonato. Aniya, “As a national team [member] po, continuous kasi ang training ko, bale six months ang preparation ko this UAAP ngayon.”
Dinomina rin ng Lady Tracksters ang 100-meter run sa pangunguna ni Jessel Lumapas nang ibulsa ang pilak matapos umukit ng 12.17 segundong rekord. Nakasabay sa pagkaripas tungo sa ikaapat hanggang ikaanim na puwesto ng finals sina Trexie De La Torre, Hannah Delotavo, at Erica Marie Ruto.
Rumatsada naman si Lady Trackster Jeante Laurize Wangkay sa 5000-meter walk women’s division. Bilis at tibay ang naging susi ni Wangkay upang masungkit ang pilak na medalya nang makaukit ng kagila-gilalas na 28:35.46 minutong rekord.
Samantala, nakalundag ng 1.53 metro si Princess Desepeda tungo sa pilak na medalya sa high jump women’s division. Nasungkit din nina Abcd Agamanos ang ikalimang puwesto at Rea Christine Rafanan ang ikasiyam na puwesto sa parehong event.
Ipinamalas naman ni Lady Trackster Daniella Daynata ang kaniyang lakas sa paghagis sa hammer throw event. Naabot ni Daynata ang ikalimang puwesto matapos makaukit ng 35.82 na metrong layo ng bato.
Abangan ang muling pag-arangkada ng DLSU Green at Lady Tracksters sa pangalawang araw ng torneo bukas, Disyembre 1 sa ganap na ika-2 ng hapon sa Philsports Arena, Pasig City.