NAMAYAGPAG ang DLSU Green Archers kontra UST Growling Tigers, 77-72, sa ikalawang yugto ng UAAP Season 85 Men’s Basketball Tournament, Nobyembre 30 sa Smart Araneta Coliseum.
Nagningning para sa Taft-based squad ang kanilang star-guard na si Evan Nelle matapos makapagtudla ng 25 puntos at apat na assist. Umalalay rin sa kaniya sa pagpuntos sina Raven Cortez at Mark Nonoy nang umukit ng pinagsamang 23 puntos.
Nanguna naman para sa Growling Tigers si Royce Mantua nang makapagtala ng 17 puntos kabilang ang game-high na limang three-pointers. Sumandal din ang UST sa kanilang rookie na si Nic Cabañero matapos maglista ng 16 na puntos at limang board.
Mahigpit ang naging kapit ng Growling Tigers sa Green Archers sa unang kwarter. Kabilaang transition layups at mid-range shots ang inihatid ng dalawang koponan upang maitabla ang laban sa kalagitnaan ng kwarter, 11-all. Napalitan man ang buong rotasyon ng DLSU, hindi pa rin nila napigilan ang fast-paced offense ng España-based squad matapos ang magkakasunod na corner-three ni Royce Mantua, 21-27.
Tinabunan ng pangmalakasang assist ni Nelle ang apat na puntos na bentahe ng Growling Tigers matapos ang matagumpay na alley-oop kay Cortez sa pagsisimula ng ikalawang kwarter, 29-32. Pinahirapan naman ng UST ang Green Archers na makapuntos muli nang humirit ng isang monster dunk si Adama Faye, 34-42. Bagamat mabalasik ang puwersa ng España, nanatiling matulis ang baong palaso ni Nelle nang makapagtala ng 11 puntos sa pagtatapos ng first half, 37-42.
Ipinagpatuloy ni Nelle ang kaniyang mainit na momentum matapos ilista ang unang limang puntos ng Green Archers sa ikatlong kwarter. Nakahabol man ang koponang Green and White, naging pangunahing sandata ng UST ang kanilang ball movement upang mapanatili ang kanilang kalamangan. Tila sumiklab ang diwa ni Nonoy nang makipagsagutan ng mga tres kay Jr Calimag, 45-47.
Naging dikdikan ang labanan matapos mapako ang iskor sa huling anim na minuto ng kwarter, 45-50. Bagamat nabasag ni Phillips ang kandado ng ring, nakabawi agad si Cabañero matapos magpakawala ng magkasunod na wing three-pointers, 51-56. Naidikit man ng Taft-based squad ang talaan sa tulong ng hussle plays ni Cortez, nabigo pa rin silang maagaw ang kalamangan nang makahirit pa ng isang corner three si Mantua, 55-59.
Mainit na sinimulan ng UST ang ikaapat na kwarter nang magpaulan ng sunod-sunod na dos si Cabañero, 58-66. Matapos matambakan ng siyam na puntos, 60-69, umariba sina Nelle at Nonoy upang makamit ang 14-0 run ng koponang Berde at Puti. Hindi na hinayaan ng Green Archers na maputol ang momentum at tuluyang sinelyuhan ang panalo sa tulong ng mga freethrow ni Nelle, 77-72.
Nakabawi ang DLSU Green Archers mula sa mapait na pagkatalo kontra UE Red Warriors noong Sabado upang makuha ang 7-7 panalo-talo kartada. Lumapag naman ang UST Growling Tigers sa ikawalong puwesto ng torneo bitbit ang rekord na 1-13.
Muling sasabak ang Green Archers kontra AdU Soaring Falcons upang makuha ang huling puwesto sa final four sa darating na Linggo, Disyembre 4 sa SM MOA Arena.
Mga iskor:
DLSU 77 – Nelle 25, Cortez 13, Nonoy 10, Phillips 8, Macalalag 6, Austria 5, Estacio 3, Buensalida 2, Abadam 2, Manuel 2, Nwankwo 1.
UST 72 – Mantua 17, Cabanero 16, Calimag 10, Faye 9, Pangilinan 5, Manalang 4, Laure 4, Manaytay 4, Lazarte 3.
Quarterscores: 21-27, 37-42, 55-59, 77-72.