Sisidlan ng lahat ng tawa at iyak, tagumpay at kabiguan, pamamalagi at pagbabago, ang ating tahanan. Hindi nagalaw at naimik na saksi ang mga muwebles sa bawat hantong ng ating buhay. Mula sa pagsilang sa mundo, pagmulat sa realidad, at pagtayo sa sariling paa—mapagtatantong hindi lamang bakas ng pag-upo ang naiiwan sa mga muwebles. Kalakip din ng samu’t saring alaala ng paglaki ang mga istorya ng pagsibol ng ating pagkakakilanlan bilang Pilipino.
Alintana nating may taglay tayong likas na katatagang magbayanihan tuwing humaharap sa pagsubok—isa itong katangiang Pilipino na ating ipinagmamalaki at pinagtitibay. Upang buhayin ang diwa ng ating kababayan sa kabila ng nakalulugmok na pandemya, inihandog ng mga estudyante ng interior design mula sa De La Salle-College of Saint Benilde (DLS-CSB) ang isang furniture exhibit. Pinamagatan itong “Value+Able: Exalting Filipino Values through Furniture” na itinampok mula Nobyembre 22 hanggang 28 sa SM Aura Premier. Saklaw ng mga orihinal na likhang sining ang iba-ibang kategorya: komunidad, kabuhayan, paglinang, budhi, at kapakanan. Inilahad din ng mga obra ang mga istoryang humulma sa indibidwalismo at bukluran ng mga mamamayan.
Pagpapasigla sa inanay na kalooban
Pagmamalasakit at pakikiramay sa kapwa Pilipino ang ilan sa isinaalang-alang ng mga katuwang na propesor ng furniture design upang mapagpasyahan ang konsepto para sa nakapagbibigay-buhay na furniture exhibit. Naisakatuparan ito sa patnubay nina IDr. Regina Cello, IDr. Randy Pabona, IDr. Chelsea Rimando, at IDr. Romulo Suyom sa mga estudyanteng manlilikha. Sinubukan nilang bihagin at kubkubin ang kahanga-hangang testamento ng katiyagaan at katatagan ng ating kalooban sa pamamagitan ng kanilang kasiningan.
Kasalukuyang nahaharap ang sambayanang Pilipino sa mga patong-patong na pagdarahop sa kanilang kabuhayan habang unti-unti rin nitong inuubos ang natitirang simbuyo ng damdamin. Gayunpaman, hangad ng mga naturang alagad ng sining na kahalumigmigan ang nanunuyong sigla ng madla. Pagsasalaysay pa ni IDr. Cello, “It should not be something na medyo depressing. . . I was hoping that it would feel for the Filipino people.” Nagmistulang paghahandog ng kanilang mahabaging kahduwa ang pag-antig muli sa kumupas na kumpiyansa para saklutin ang palakol at gamitin ito upang tagain ang nakaharang na troso sa pagsulong.
Isiniwalat naman ni IDr. Pabona sa kaniyang talumpating kahit mapanglaw man ang sinapit ng ilan nating kababayan dahil sa kaliwa’t kanang suliranin, magsisilbing uliran ng kagitingan ang kasiningan. Sa gitna ng unos, tumatayong bantayog ng pag-asa at pagpupursigi ang bawat muwebles na likha ng mga mag-aaral ng DLS-CSB. “Sometimes it only takes one person who dares not to surrender. . . and reminds us of our value,” nagtitiwalang tinig niya.
Sa kaibuturan ng paghabi at pag-ukit
Sa pagmamasid sa kapaligiran at pagsisid sa kaibuturan ng diwa, nabuo ang mga disenyong sumasalamin sa mga natatanging katangiang Pilipino. Tangan ang layuning makabuo ng mga muwebles na marikit at makabuluhan, ginamit na musa ng mga manlilikha ang kulturang kinagisnan. Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel kina Jhanil Ong Bantigue at Sheina Balayo, ilan sa mga estudyanteng kabilang sa exhibit, ibinahagi nila ang naging proseso ng pagyari sa mga obrang kumakatawan sa kanilang walang humpay na pagpapagal at pagsusumikap.
Hango sa imahen ng iskala ng hustisya ang upuang dinisenyo ni Bantigue na pinamagatang “Karayagan Likmuan.” Paglalahad niya, hindi naging madali ang proseso ng pagsasabuhay ng kaniyang obra lalo pa dahil layon nitong ilarawan ang temang “human rights.” Maliban sa isang buwang pagguhit ng disenyo, kinailangan din niyang isaalang-alang ang mga gastusin at humanap ng tagayaring kayang gawing realidad ang nabuong ideya. “Design itself, mayroon akong imagination, kung ano ‘yung gusto kong mangyari, gusto kong makita, pero mahirap siya pagdating doon sa technical aspects niya,” ani Bantigue.
Paglalahad naman ni Balayo, “life and purpose” ang tema ng kaniyang 3-piece furniture set na pinangalanan niyang “Bu-Ko.” Nagsilbing inspirasyon ang pagiging kapaki-pakinabang ng bawat bahagi ng puno ng buko upang bumuo siya ng disenyong may katuturan na magagamit sa iba’t ibang paraan. Mayroon itong upuan, side table, at isang detachable table na nagpahihiwatig din ng kahulugan ng buhay. Aniya, “If we look at life kasi, basically life is a mixture of reflection, but also action.” Pagpapalawig niya, simbolo ng mga sandaling nilaan sa pagninilay ang pag-ugong ng duyan, habang nagsisilbing repleksiyon naman ng pagkilos para sa kinabukasan ang mekanismo ng mga lamesa sa kaniyang obra.
Pag-aani ng bungang-kahoy
Walang nasayang na dugo, pawis, at luha dahil matagumpay na naipamalas ng mga estudyanteng manlilikha ang kanilang husay sa pagdisenyo ng mga muwebles. Naiparating nila ang sari-saring pamamaraan ng pamumuhay ng mga Pilipino lalo na sa panahong nilalamon tayo ng lugmok at nalilimutan nating lumingon sa ating pinanggalingan. Gaya ng Value+Able, dapat patuloy na linangin at tangkilikin ang mga kasiningang may layong gunitain ang ating kahalagahan bilang isang indibidwal at nasyon.
Hindi maiwawaksi at maitatangging lagi’t lagi nating dala-dala ang ating pagka-Pilipino. Malipasan man ng taon, maabutan ng susunod na henerasyon, at malampasan ang iba’t ibang klase ng hamon, gaya ng naiwang bakas ng mga alaala sa mga obra, mananatiling nakaukit sa ating pagkatao ang kultura at katangiang Pilipino.