MAPAIT ang kapalarang sinapit ng DLSU Lady Spikers matapos dumapa sa powerhouse NU Lady Bulldogs, 17-21, 14-21, sa kanilang pagtutuos sa semifinals ng UAAP Season 85 Women’s Beach Volleyball Tournament, Nobyembre 27 sa Sands SM By the Bay. Nabigo rin ang DLSU Lady Spikers sa kanilang unang laban nang matalisod kontra UST Lady Spikers, 21-23, 14-21, sa parehong araw at lugar.
Unang nakaharap nina Lady Spiker Jolina Dela Cruz at Justine Jazareno ang UST duo na sina Gen Esplanor at Babylove Barbon sa buhangin. Dikdikan ang naging unang set ngunit nagawang makapiglas ng UST sa kapit ng Lady Spikers, 21-23. Tila hindi na nagpatumpik-tumpik pa ang tambalan nina Esplanor at Barbon sa ikalawang set nang ipamalas nila ang bagsik ng kanilang opensa, 14-21.
Sa sumunod na laro, nakatapat muli ng kababaihan ng DLSU ang power duo ng Lady Bulldogs sa semifinals ng torneo. Agarang nagpasiklab sina Lady Bulldog Honey Grace Cordero at Kly Orillaneda matapos magpaulan ng mga nagbabagang tirada, 17-21. Hindi naman nagpadaig ang tambalang Dela Cruz at Jazareno nang sabayan ang porma ng NU ngunit hindi ito naging sapat matapos wakasan ng Lady Bulldogs ang bakbakan, 14-21.
Bagamat natalisod sa semifinals ng torneo, sasalang muli ang Taft-based squad kontra UP Fighting Maroons para sa tansong medalya sa darating na Martes, Nobyembre 29 sa Sands SM By the Bay.