IBINALIK ng DLSU Lady Paddlers ang korona sa Taft matapos pabagsakin ang defending champions na UST Tiger Paddlers, 2-0, sa best-of-three finals ng UAAP Season 85 Women’s Table Tennis Tournament, Nobyembre 26.
Naging susi sa kampanya ng Taft-based squad sina Lady Paddler Angel Laude, Kyla Bernaldez, Mariana Caoile, at Jhoana Go upang makamit ang gintong medalya. Bagamat hindi nakapaglaro sa finals, hinirang si Jannah Romero bilang most valuable player ng torneo.
Umarangkada si Lady Paddler Laude matapos patumbahin si Kay Encarnacion sa unang singles match, 11-6, 11-7, 11-4. Hindi naman nagpahuli si Lady Paddler Bernaldez sa kaniyang pagharap kay Tiger Paddler Julie Anne de Leon nang ipamalas niya ang kaniyang bagsik sa palo, 11-4, 11-4, 11-8.
Tila nagpatuloy ang pagliyab ng galamay nina Lady Paddler Laude at Bernaldez sa kanilang sumunod na laban. Pinabagsak ni Bernaldez si Leigh Villanueva sa kaniyang ikalawang singles match, 12-10, 10-12, 11-7, 11-8. Napuruhan din ni Laude si Tiger Paddler Emery Digamon sa kaniyang ikalawang pagtatapat kontra UST, 11-7, 8-11, 11-3, 11-3.
Tangan ang 1-0 na kalamangan sa serye, hindi na nagpatumpik-tumpik pa ang Lady Paddlers na tuldukan na ang bakbakan. Agarang nagpasiklab ang tambalang Caoile at Go sa kanilang doubles match matapos ungusan ang Tiger Paddler duo Ciara Derecho at Sherlyn Gabisay upang selyuhan ang gintong medalya, 11-4, 11-4, 10-12, 11-9.
Ibinahagi naman ni Lady Paddler Coach Lauro Crisostomo ang kaniyang saloobin matapos magwagi sa kampeonato. Aniya, “’Yung championship namin against UST is napakahirap. Alam naman natin na yung UST is malaking program and sila yung defending champion eh. So ginawa lang namin at sinabi sa players ko na focus lang, ilabas lang nila lahat ng pinractice namin. ‘Yung skills ilabas lang nila.”