DLSU Green at Lady Tankers, naghakot ng mga parangal sa huling araw ng UAAP Season 85 Swimming Championships!

Kuha ni Josh Chandler Velasco

NAGTAGUMPAY ang DLSU Green at Lady Tankers na makapag-uwi ng samu’t saring medalya sa huling araw ng UAAP Season 85 Swimming Championships, Nobyembre 27 sa Rizal Memorial Complex Teofilo Yldefonso Swimming Pool.

1

Masilakbong tinuldukan ng Lady Tankers ang 19 na taong pagkabigo sa pagkamit ng gintong medalya matapos hirangin bilang pangkahalatang kampeon sa women’s division ng torneo. Naibulsa naman ng Green Tankers ang pilak na medalya sa men’s division ng kampeonato.  

Muling paglasap ng titulo sa kampeonato

Umarangkada ang Lady Tankers sa huling araw ng torneo nang magawang ibulsa ang gintong medalya at wakasan ang kompetisyon bitbit ang nakagigimbal na 418 puntos. Hinirang din si Lady Tanker Xiandi Chua bilang most valuable player tangan ang kaniyang 102 puntos.

Hindi rin maikakaila ang husay ni Chua nang makapag-uwi siya ng limang ginto, isang pilak, at isang tansong medalya. Nagtala rin ang umaatikabong Lady Tanker ng limang panibagong rekord sa UAAP. 

Nagpakitang-gilas din si Lady Tanker Chloe Isleta matapos makamit ang dalawang gintong medalya sa women’s 50-meter backstroke at 50-meter freestyle. Bukod pa rito, naukit din ni Isleta ang panibagong rekord na 30.07 segundo sa women’s 50-meter backstroke.

Nakamit naman ni Lady Tanker Nikki Pamintuan ang tansong medalya sa women’s 50-meter backstroke habang nakamit ni Lady Tanker Raven Alcoseba ang pilak na medalya sa women’s 200-meter butterfly. Napasakamay rin nina Lady Tanker Arianna Carandang, Ysabella Alcazar, Aven Calvario, at Quntruelle Wangkay ang pilak na medalya sa women’s 4×100 medley.

Masayang ibinahagi ni UAAP Season 85 MVP Chua ang kaniyang pakiramdam matapos maibalik ng koponan ang korona sa Taft. Aniya, “The team, we were all very proud; we were all crying tears of joy, and really cheering our hearts out. So, we all felt like our hard work for the past months really paid off… and we’re very happy.”

Paglaban hanggang sa dulo

Kagila-gilalas na lumangoy ang Green Tankers sa huling araw ng torneo nang makamit ng koponan ang pangkalahatang pilak na medalya sa men’s division. Nakamamangha ring naibulsa ni Green Tanker EJ Jayme ang gintong medalya sa men’s 200-meter breaststroke matapos magtala ng 2:26.87 segundo. 

Hindi rin nagpahuli si Green Tanker Estifano Ramos nang masungkit ang tansong medalya sa  men’s 50-meter backstroke. Nakamit din ni Green Tanker Sacho Ilustre ang tansong medalya sa men’s 200-meter butterfly. Rumatsada rin si Green Tanker Christopher Wong matapos mapasakamay ang tansong medalya sa men’s 50-meter freestyle. 

Wagi ring maiuwi nina Green Tanker Jayme, Steven Ho, Jerome Lim, at Jarren Tan ang pilak na medalya sa 4×100 men’s medley. Naibulsa naman nina Green Tanker Gabriel Labasan, Ralph Del Rosario, Noah Labasan, at Alejandro Carandang ang tansong medalya sa parehong swimming event.