NAKAMIT ng DLSU Lady Archers ang twice-to-beat advantage sa Final Four matapos pabagsakin ang UE Lady Warriors, 66-41, sa kanilang ikalawang tapatan sa UAAP Season 85 Women’s Basketball Tournament, Nobyembre 26 sa UST Quadricentennial Pavilion.
Bumida para sa Lady Archers si Lee Sario matapos humulma ng 18 puntos, limang rebound at isang assist. Naging kasangga rin niya sa pagpuntos si Bettina Binaohan nang makapag-ambag ng 14 na puntos, 17 rebound, at dalawang assist.
Nanguna naman para sa Lady Warriors si Joyce Terrinal matapos umukit ng 15 puntos, siyam na rebound, at dalawang assist. Hindi rin nagpahuli si Minslie Paule matapos makapagtala ng 10 puntos, limang rebound, at tatlong assist.
Naging mabagal ang usad ng sagupaan sa pagbubukas ng unang kwarter ngunit bininyagan ng maagang tres ni Bea Dalisay ang talaan para sa koponang Berde at Puti, 3-0. Naging bentahe rin para sa Lady Archers ang kanilang rumaragasang opensa, 13-5.
Nagpatuloy naman ang umaatikabong momentum ng Taft-based squad sa ikalawang kwarter matapos ang sunod-sunod na pagtirada ni Fina Niantcho, 23-5. Hindi nagtagal, bumuwelo ang Lady Warriors at agad na nagpakawala ng mga tikada mula sa arko, 32-15.
Tila nagbago ang kapalaran ng Recto-based squad matapos ang unang kalahati ng sagupaan, nang pagsumikapan nina Terrinal, Paule, at Kamba Kone ang bawat puntos. Nagawang mabawasan ng UE ang bentahe ng Lady Archers sa nalalabing tatlong minuto ng ikatlong kwarter, 48-35.
Nanaig naman ang kagustuhan ng dalawang koponang manatiling dikit ang laban sa pagbubukas ng ikaapat na kwarter. Sa kabila nito, hindi na nagpaawat pa ang kababaihan ng Taft na tapusin ang laban. Tila lumagablab ang mga daliri nina Binaohan, Sario, at Ameng Torres upang tuldukan ang bakbakan para sa DLSU, 66-41.
Ibinahagi naman ni Lady Archers Coach Jay-R Aquino ang kanilang naging estratehiya sa ikalawang yugto ng elimination round. Aniya, “Gusto namin is to make them turn the ball over, pressure the ball, but hindi namin ginawa ‘yun nung naghahabol sila. We didn’t make them uncomfortable during the game. That’s why this thing happened.”
Nanatili sa ikalawang puwesto ang Lady Archers bitbit ang 12-2 panalo-talo kartada bunsod ng walong sunod-sunod na panalo sa ikalawang yugto ng torneo. Sa kabilang banda, pumirmi naman ang Lady Warriors sa huling puwesto tangan ang 0-14 rekord.
Mga Iskor:
DLSU 66 – Sario 18, Binaohan 14, Torres 8, Jimenez 6, Arciga 4, De La Paz 4, Niantcho Tchuido 4, Dalisay 4, Camba 2, Ahmed 2.
UE 41– Terrinal 15, Paule 10, Kone 8, Delig 6, Caraig 2.
Quarterscores: 13-5, 32-15, 48-35, 66-41