HUMATAW muli ang Green at Lady Tankers sa paghakot ng mga parangal sa ikatlong araw ng UAAP Season 85 Swimming Championships, Nobyembre 26 sa Rizal Memorial Sports Complex Teofilo Yldefonso Swimming Pool.
Mabusilak na karera
Agad na lumitaw ang Green Tankers sa kanilang bilis sa paglangoy sa ikatlong araw ng torneo. Nakamit ni Green Tanker Ted Laminta ang pilak na medalya sa men’s 100-meter backstroke. Bukod dito, nakapagtala ng panibagong rekord si Green Tanker Steven Ho na 59.27 segundo upang masungkit ang gintong medalya sa parehong swimming event.
Hindi rin nagpahuli sina Green Tanker Josemaria Roldan, Jaren Tan, Sean Cruz, at Seb Wong matapos kolektahin ang titulo bilang kampeon sa men’s 200-meter freestyle relay na 1:37.53 minuto.
Sa pagtatapos ng ikatlong araw ng torneo, nanatili pa rin sa ikalawang puwesto ang Green Tankers tangan ang 279 puntos.
Subaybayan ang muling pagsisid ng Green Tankers ngayong araw, Nobyembre 27 mula ika-8 ng umaga sa Teofilo Yldefonso Swimming Pool.
Pagsungkit ng parangal
Napasakamay ni Lady Tanker Xiandi Chua ang kaniyang ikalimang gintong medalya nang makapagtala ng 2:06.73 minuto sa women’s 200-meter freestyle. Maliban dito, waging sumabak si Chua sa women’s 400-meter individual medley matapos maibulsa ang kampeonato nang umukit ng panibagong rekord na 5:00.43 minuto.
Sinundan naman ito ni Lady Tanker Chloe Isleta nang magwagi ng gintong medalya sa dalawang kampeonato matapos ang kagila-gilalas na paglangoy sa women’s 100-meter backstroke na 1:04.13 minuto at women’s 50-meter butterfly. Tinatayang nabawasan din ang kaniyang preliminary na oras na 1:04.35 minutong rekord.
Buhat ng mga tagumpay ng Taft-based squad, namalagi ang Lady Tankers sa unang puwesto tangan ang 336 puntos.
Tunghayan ang pagsalang ng Lady Tankers ngayong araw, Nobyembre 27 mula ika-8 ng umaga sa parehong lugar.