UMARANGKADA na ang DLSU Lady Spikers tungong final four matapos daigin ang UP Fighting Maroons, 22-20, 17-21,15-13, sa UAAP Season 85 Women’s Beach Volleyball Tournament, Nobyembre 26 sa Sands SM By the Bay.
Bahagyang nahirapan sa depensa ang Lady Spikers duo na sina Jolina Dela Cruz at Justine Jazareno sa mga atake nina Lady Maroons Alyssa Bertolano at Euri Eslapor sa pagsisimula ng unang set. Gayunpaman, nakahirit ng mga tirada si Dela Cruz at nagpakawala pa ng nakagigimbal na service ace upang daigin ang katunggali, 22-20.
Tila naapula ang ningas ng Lady Spikers matapos ang mga pinakawalang tirada ng tambalang Eslapor at Bertolano. Sa kabila ng nagbabagang bakbakan, tinuldukan ni Dela Cruz ang long rally sa pamamagitan ng drop ball, 16-11. Subalit, hindi na napigilan ng Taft-based duo ang mga ipinadadalang atake ng kalaban, 21-17.
Nagpatuloy pa rin ang pag-arangkada sa opensa ni Bertolano para sa Lady Maroons sa huling set. Kaya naman maiging binantayan ito ni Dela Cruz, 6-all. Bagamat naging dikit ang laban sa huling bahagi, nanaig ang puwersa ng Taft mainstays at tuluyang naselyuhan ang panalo, 15-13.
Buhat ng nakapapasong panalo, lulusot ang Lady Spikers sa final four ng torneo bitbit ang 5-1 panalo-talo kartada. Nanatili naman ang Fighting Maroons sa ikaapat na puwesto tangan ang 3-3 rekord.
Abangan ang inihandang lakas ng Lady Spikers para sa tapatan kontra sa four-time defending champions UST Golden Tigresses bukas, Nobyembre 27 sa ganap na ika-8 ng umaga sa Sands SM By the Bay.