YUMUKO ang DLSU Green Archers kontra UE Red Warriors, 72-80, sa kanilang ikalawang paghaharap sa UAAP Season 85 Men’s Basketball Tournament, Nobyembre 26 sa Smart Araneta Coliseum.
Nagpakitang-gilas para sa Green Archers si Mark Nonoy tangan ang kaniyang 14 na puntos, anim na rebound, apat na assist, at tatlong steal. Umalalay naman sa kaniya sina Bright Nwankwo at CJ Austria matapos magtala ng tig-10 puntos.
Bumida naman para sa Recto-based squad si Rey Remogat bitbit ang kaniyang 24 na puntos, apat na rebound, tatlong assist, at isang steal. Naging katuwang din niya si Kyle Paranada sa opensa matapos humakot ng 13 puntos, limang rebound, tatlong assist, at isang steal.
Agad na ipinaramdam ng Green Archers ang kanilang matinding opensa matapos humakot ng puntos nina Austria at Ben Phillips, 8-2. Sinubukan pang paigtingin ng Red Warriors ang kanilang depensa ngunit nagpatuloy ang momentum sa panig ng Taft-based squad. Buhat nito, tinapos na ni Kevin Quiambao ang unang kwarter sa pamamagitan ng kaniyang tirada sa labas ng arko, 27-16.
Nagpasiklab naman si Evan Nelle sa pagpasok ng ikalawang kwarter nang makipagsagutan ng tres kay Nick Paranada, 32-20. Gayunpaman, tila nahirapang buwagin ng Green Archers ang matinding depensa ng Red Warriors matapos malimitahan ang pag-ukit nila ng puntos sa talaan. Nagawang tapyasan ng UE ang kalamangan ng DLSU bago matapos ang ikalawang kwarter, 36-33.
Naitulak pa ng Green Archers ang kanilang talaan matapos ang kaliwa’t kanang tirada sa loob ng arko sa ikatlong kwarter, 42-35. Subalit, tila lumiyab ang galamay nina Red Warrior Remogat at Jalen Stevens matapos magpakawala ng sunod-sunod na tirada, 49-48. Hindi pa nakontento si Red Warrior Luis Villegas nang pinanatili niyang dikit ang talaan matapos umamba ng tira sa huling segundo ng ikatlong kwarter, 51-50.
Nagbago naman ang ihip ng hangin sa ikaapat na kwarter matapos umukit ng 8-0 run ang Red Warriors, 55-60. Hindi naman nagpatinag si Nonoy matapos magpaulan ng sunod-sunod na tres upang ibalik muli sa kampo ng Berde at Puti ang kalamangan, 68-64. Gayunpaman, humirit pa ng magkasunod na tirada ang Red Warriors upang itulak sa overtime period ang laban, 68-all.
Matindi pa rin ang kapit ng Green Archers nang manguna sina Raven Cortez at Nelle sa pagtikada, 72-68. Subalit, bumida naman si K. Paranada matapos pumukol ng limang puntos, 72-73.