BINUKSAN na ang Santuario de La Salle sa kampus ng Laguna ng Pamantasang De La Salle (DLSU) bilang pagdiriwang ng ika-500 anibersaryo ng Kristiyanismo sa Pilipinas at bilang pagbibigay-karangalan kay St. John Baptist De La Salle bilang patron ng mga guro, Nobyembre 21. Bunsod dito, hinati sa dalawang bahagi ang programa: pagtatalaga sa relikiya bilang peregrinasyon at pagdiriwang ng eukaristiya.
Matatandaang Shrine of St. John Baptist de La Salle ang dating pangalan ng kinatatayuan ng santuwaryo ngunit napagdesisyunang baguhin ito matapos konsultahin ang Diocese ng San Pablo, Laguna, mga miyembro ng kongregasyon, at mga donor. “After years of conceptualization, planning, and construction, the realization of a vision has finally come,” pagbati ni Buenaventura Famadico, obispo at diocese ng San Pablo, sa pagbubukas ng santuwaryo at pagbasbas sa carillon bells.
Pinaalalahanan din ni Famadico ang pamayanang Lasalyanong hindi sapat na makilala lamang ang pang-ekonomiya at sekular na mga tagumpay ng mga nagtapos sa Pamantasang De La Salle. Aniya, kapansin-pansing hindi napagtutuunan ng mga eskuwelahang La Salle ang misyon nito bilang isang relihiyosong paaralan. “After imparting knowledge to its students, it leaves it up to them how to use them without giving them as part of its educational system, [an] invitation to use their knowledge for service of God’s kingdom,” sermon ni Famadico.
Nagbigay rin ng mensahe si Br. Armin Luistro FSC, superior general of the brothers of the Christian schools, bago matapos ang misa. Ibinahagi niyang bukas ang santuwaryo sa publiko dahil itataguyod ng De La Salle Brothers ang pagkilala rito bilang isang pambansang dambana at lugar ng panalangin. “This sacred space is not exclusive to Lasallians. It will especially welcome young people, teachers and educators, catechists and formators, parents and pastors far and wide,” ani Luistro.
Malugod ding pinasalamatan ni Luistro ang mga guro para sa kanilang matatag na pagseserbisyo at paggagabay sa kanilang mga estudyante. Dagdag pa rito, binigyang-pansin niya ang nararamdamang pag-aalala ng mga magulang para sa landas ng kanilang mga anak. “Welcome parents, struggling with the difficult ministry walking with their children, the difficulty of understanding them, the fears and anxieties of what will be for the future,” pagsalubong niya.
Kinilala rin ang presensya nina Br. Ricky Laguda FSC, Br. Antonio Cubillas FSC, Brother Felipe Bellesa FSC, at Br. Bernard Oca FSC sa programa. Binigyang-pugay rin si Ramon “Chito” Villavicencio sa kaniyang malaking ambag bilang primary donor sa pagtatayo ng santuwaryo. Nagtapos siya ng kursong Commerce noong 1962 at Master of Business Administration naman noong 1964 sa DLSU na dating De La Salle College ng mga panahong iyon.
Gayundin, pinasalamatan sa donor recognition program ang pamilya ni Villavicencio at iba pang katuwang na Lasalyano sa pagtatayo ng santuwaryo.
Nagtapos ang pagdiriwang sa pagbabasbas ng Blessed Sacrament Chapel at paglulunsad ng prusisyon kasama ang mga De La Salle Brother. Inimbitahan din ang pamayanang Lasalyanong manatili sa loob ng simbahan sakaling nais makibahagi sa isasagawang Final Blessing.