IPINAMALAS ng DLSU Green at Lady Tankers ang kanilang bilis sa paglangoy matapos makapag-uwi ng samu’t saring parangal sa unang araw ng UAAP Season 85 Swimming Championships, Nobyembre 24 sa Rizal Memorial Sports Complex Teofilo Yldefonso Swimming Pool.
Pag-ahon ng karangalan
Nagpasiklab ang DLSU Green Tankers sa unang araw ng torneo. Ipinamalas nina Jaren Tan, Alexander Chu, Mikhail Ramones, at Reiniel Lagman ang kanilang kumpas sa tubig matapos masungkit ang gintong medalya at magtala ng panibagong rekord na 8:03.47 minuto sa 4×200-meter freestyle relay. Kaugnay nito, nagawang mabasag ng kalalakihan ng Taft ang solidong rekord ng UP Fighting Maroons noong 2016 na 8:06.50 minuto.
Hindi pa rito nakuntento ang Taft-based squad nang makamit nina Estifano Ramos, Earl Jay Jayme, Christopher Wong, at Josemaria Roldan ang pilak na medalya sa 800-meter freestyle relay sa bilis na 1:48.76 minuto.
Rumatsada rin si Green Tanker Sacho Illustre matapos maibulsa ang pilak na medalya nang magtala ng 53.06 segundo sa 100-meter freestyle. Bukod pa rito, nasungkit ni Ted Laminta ang pilak na medalya bitbit ang kaniyang 2:11.47 minuto sa 200-meter individual medley. Nagawa namang maiuwi ni Steven Ho ang tansong medalya nang umukit ng 2:11.86 minuto sa parehong event.
Kasalukuyang nakatungtong sa ikalawang puwesto ang DLSU bitbit ang 85 puntos sa pagtatapos ng unang araw.
Abangan ang muling pagsisid ng Green Tankers ngayong araw, Nobyembre 25 mula ika-8:30 ng umaga sa Teofilo Yldefonso Swimming Pool.
Pag-ukit ng kasaysayan
Pinatunayan ni Lady Tanker Xiandi Chua na sulit ang hype sa kaniya matapos magtagumpay sa pagsungkit ng tatlong gintong medalya. Kagila-gilalas na ibinulsa ni star studded swimmer Chua ang gintong medalya sa women’s 100-meter freestyle matapos maitala ang panibagong rekord na 57.48 segundo. Nakamamangha ring naiuwi ng Lady Tanker ang gintong medalya sa women’s 200-meter individual medley nang umukit muli ng panibagong rekord na 2:20.33 minuto.
Tila hindi pa ito naging sapat nang magawa ring maiuwi ni Chua ang gintong medalya sa 800-meter freestyle matapos magtala ng 9:26.53 minutong bilis sa paglangoy. Sinundan pa ito ng pag-arangkada ni Lady Tanker Chloe Isleta nang masungkit niya ang pilak na medalya sa 100-meter freestyle tangan ang kaniyang 57.53 segundong rekord.
Nakamit naman nina Lady Tanker Nichole Evangelista, Audrey Chua, Samantha Banas, at Raven Alcoseba ang tansong medalya sa 200-meter freestyle relay matapos magtala ng 9:19.25 minuto. Samantala, naibulsa rin nina Lady Tanker Robin Tolentino, Milcah Mina, Kayleen Keh, at Zandria Olazo ang tansong medalya sa 800-meter freestyle relay nang umukit ng 2:06.37 minutong rekord.
Buhat ng mga tagumpay na ito, naabot ng Lady Tankers ang unang puwesto sa torneo tangan ang 106 puntos.
Tunghayan ang kapana-panabik na muling pagsalang ng Lady Tankers ngayong araw, Nobyembre 25 mula ika-8:42 ng umaga sa parehong lugar.