BINASAG ng DLSU Lady Archers ang 108 win streak ng NU Lady Bulldogs, 61-57, sa kanilang ikalawang tapatan sa UAAP Season 85 Women’s Basketball Tournament, Nobyembre 23 sa UST Quadricentennial Pavilion.
Umalab ang mga galamay ni Fina Niantcho para sa Lady Archers matapos humakot ng 14 na puntos at 19 na rebound. Naging kaagapay naman niya si Charmaine Torres na umukit ng 13 puntos, anim na rebound, limang assist at dalawang steal.
Bumida naman para sa Lady Bulldogs si Mikka Cacho tangan ang 12 puntos at 15 rebound. Hindi rin nagpahuli si Angel Surada matapos makapag-ambag ng 11 puntos at siyam na rebound.
Sinunggaban agad ng Lady Archers ang mababangis na Lady Bulldogs sa simula ng unang kwarter. Nakipagpalitan ng tirada ang DLSU habang sinubukan naman patatagin ng Lady Bulldogs ang kanilang depensa. Gayunpaman, hindi ito umubra nang makapuslit pa ng isang tirada mula sa loob ng arko ang Taft-based squad upang selyuhan ang unang kwarter, 14-12.
Nagpatuloy ang umaatikabong momentum ng Lady Archers sa ikalawang kwarter matapos magpakitang-gilas nina Torres at Lee Sario. Bagamat pinilit pang habulin nina Lady Bulldog Tin Cayabyab at Camille Clarin ang kalamangan, hindi na nila nagawang basagin ang malatoreng depensa ng kababaihan ng Taft, 32-25.
Sa pagbubukas ng ikatlong kwarter, tila naapula ang pagliyab ng mga galamay ng Lady Archers matapos ang sunod-sunod na pagmintis ng tirada. Bunsod nito, agarang binaliktad ng Lady Bulldogs ang timpla ng laban sa pangunguna ni Cacho nang tapalin niya ang mga tirada ng Taft-based squad, 32-36.
Nanaig naman ang opensa ng Lady Archers matapos masungkit ang kalamangan sa huling sampung segundo ng ikaapat na kwarter, 49-46. Gayunpaman, nadulas mula sa palad ng Lady Archers ang panalo matapos dumakma pabalik ang Lady Bulldogs. Nakabuslo pa ng clutch three-pointer si Cacho upang itulak ang bakbakan sa overtime period, 49-all.
Tila umalab ang Animo Spirit ng Lady Archers sa overtime period matapos ang pagbida ni Sario sa pagpuntos. Kasabay nito, hindi naging hadlang ang bagsik ng Lady Bulldogs nang ipamalas nina Lady Archer Sario at Binaohan ang matinding panapos sa pamamagitan ng kanilang pagliyab sa labas ng arko, 61-57.
Isinaad ni Coach Cholo Villanueva ang kaniyang pagkasabik sa nakamamanghang panalo ng Lady Archers. “Every time they shoot their shot, they shoot it with confidence. So, credit goes to my girls for playing one heck of a game,” ani Villanueva.
Nanatili sa ikalawang puwesto ang Lady Archers bitbit ang 11-2 panalo-talo kartada bunsod ng pagkapanalo kontra NU. Pumirmi naman sa unang puwesto ang Lady Bulldogs tangan ang 12-1 rekord.
Subaybayan ang tapatan ng Lady Archers at UE Lady Warriors sa darating na Sabado, Nobyembre 26 sa ganap na ika-1 ng hapon sa UST Quadricentennial Pavilion.
Mga iskor:
DLSU 61 – Niantcho Tchuido 14, Torres 13, Sario 10, Binaohan 10, De La Paz 7, Jimenez 5, Arciga 2, Ahmed 0.
NU 57 – Cacho 12, Surada 11, Cayabyab 7, Clarin 7, Edimo Tiky 6, Pingol 6, Canuto 3, Solis 3, Fabruada 2, Bartolo 0, Betanio 0.
Quarterscores: 14-12, 32-25, 32-36, 49-49, 61-57