NANAIG ang puwersa ng DLSU Green Archers kontra UP Fighting Maroons, 82-80, sa kanilang ikalawang pagtutuos sa UAAP Season 85 Men’s Basketball Tournament, Nobyembre 20 sa SM MOA Arena.
Iwinagayway ni Kevin Quiambao ang bandera ng Green Archers matapos pumukol ng 18 puntos, siyam na rebound, isang block, at isang steal. Umalalay naman sa kaniya si Mark Nonoy nang umukit ng 15 puntos, tatlong rebound, dalawang steal, at isang assist.
Nanguna naman para sa UP si Zavier Lucero nang makapag-ambag ng 15 puntos, anim na rebound, isang assist, at isang block. Umagapay naman sa pagpuntos si Gilas standout Carl Tamayo bitbit ang kaniyang 14 na puntos, pitong rebound, isang assist, at isang steal.
Maagang nagpakawala ng tres si Ben Phillips sa pagbubukas ng unang kwarter, 3-0. Naging dikdikan naman ang sagupaan nang ipamalas ng UP ang kanilang matinik na opensa. Gayunpaman, sumiklab ng isang matinding dunk si Michael Phillips na sinundan pa ng kaliwa’t kanang pagpuntos nina Earl Abadam at Evan Nelle bago matapos ang kwarter, 14-18.
Agad tumambad sa ikalawang kwarter sina M. Phillips at Jcee Macalalag matapos makapag-ambag ng pinagsamang apat na puntos, 20-all. Humigpit naman ang opensa ng dalawang koponan nang magkasagutan ng tirada sina James Spencer at Quiambao, 24-25. Sa natitirang dalawang minuto ng kwarter, hindi nagpaawat si Nelle matapos humirit ng nakagigimbal na tres, 35-41.
Bagamat matagal ang usad ng ikatlong kwarter, binasag nina Fighting Maroons Alarcon at Spencer ang katahimikan nang makapagsalaksak ng magkasunod na tres, 37-47. Tila nagbago ang timpla sa pagtapak ng apat na minutong marka ng laban matapos magpaulan ng tres si Nonoy, 51-58. Hindi na rin pinatagal pa ng tambalang Nonoy-Nelle ang makapigil-hiningang sagupaan nang tumikada ng sunod-sunod na puntos, 59-63.
Umarangkada ang Taft-based squad pagpasok ng ikaapat na kwarter nang mag-init ang galamay ni Quiambao, 63-65. Sa kabilang banda, nahirapang maka-iskor ang Fighting Maroons buhat ng bantay-saradong depensa ni M. Phillips sa ilalim ng rim. Kasabay nito, agad namang umeksena si Abadam sa kort matapos rumatsada ng tirada upang maagaw ang kalamangan sa UP, 67-65.
Inulan naman ng turnover ang Diliman-based squad sa huling bahagi ng laban. Sinamantala ito ng Green Archers matapos magpakawala ng sunod-sunod na tirada sina Quiambao at Nonoy, 79-69. Kayod-kalabaw na opensa ang ipinamalas ng Fighting Maroons matapos tumira ng clutch three-pointers sina Lucero at Cagulangan, 80-78. Gayunpaman, nanatiling matatag sa freethrow line si Quiambao upang tuluyang selyuhan ang panalo para sa DLSU, 82-80.
Buhat ng panalong ito, aakyat sa ikaapat na puwesto ang Green Archers bitbit ang 5-6 panalo-talo kartada. Mananatili naman sa unang puwesto ang Fighting Maroons tangan ang 10-2 rekord sa torneo.
Sunod namang haharapin ng Taft-based squad ang puwersa ng NU Bulldogs sa darating na Miyerkules, Nobyembre 23 sa ganap na ika-1 ng hapon sa SM MOA Arena.
Mga iskor:
DLSU 82 – Quiambao 18, Nonoy 15, Austria 10, Nelle 9, M. Phillips 8, Abadam 8, B. Phillips 5, Nwankwo 5, Macalalag 4
UP 80 – Lucero 15, Tamayo 14, Spencer 12, Diouf 11, Cagulangan 8, Alarcon 8, Gonzales 4, Galinato 4, Calimag 4
Quarterscores: 14-18, 41-35, 59-63, 82-80.