IBINIDA ng mga independiyenteng kandidato kasama ang piling indibidwal mula sa mga koalisyon at Alyansang Tapat sa Lasallista (TAPAT) ang kani-kanilang mga plataporma sa harap ng mga Lasalyano sa ginanap na Miting de Avance, Nobyembre 9. Tinalakay ng mga kandidato ang ilan sa napapanahong isyu sa loob at labas ng Pamantasan.
Nakatuon ang kani-kanilang mga talumpati sa pag-agapay sa pamayanang Lasalyano sa gitna ng mga krisis na kinahaharap ng komunidad sa kasalukuyan. Inaasahan namang magtatapos ang botohan para sa Make-up Elections 2022 sa Nobyembre 20.
Pakikibaka para sa ligtas na balik-eskwela
Tinalakay ng mga kandidato ang pagtugon sa mga pangangailangan ng mga estudyante ngayong nanunumbalik na ang Pamantasan sa face-to-face na moda.
Pagpapaigting sa serbisyong pangmag-aaral ang nais ipaglaban ni Hannah Prado sa kaniyang pagtakbo bilang pangulo ng School of Economics (SOE) sa ilalim ng koalisyong Pulso ng Ekonomista. Samantala, inamin naman ni Lauren Morada, tumatakbong pangulo ng SOE mula sa TAPAT, na mayroong kulang sa natatamasa ng mga Lasalyano sa kasalukuyan. Bunsod nito, ipinangako niya sa kolehiyo, “I am ready to fight tooth and nail to forward our vision.”
Binigyang-diin naman ni Juliana Rebong, tumatakbong pangulo ng Ramon V. Del Rosario College of Business (RVRCOB) mula sa TAPAT, na mahalagang magkaroon ng maayos at kalidad na edukasyon sa kabila ng mga problemang kinahaharap ng lipunan. Samantala, paglaban para sa karapatan ng bawat estudyante na mapakinggan at makalahok sa mga mahahalagang proseso ng Pamantasan ang nais gawin ni Tiffany Chua, tumatakbong pangulo ng RVRCOB mula sa Angat Lasalyano.
Nananawagan din si Roxy Lucena, tumatakbong pangulo ng Gokongwei College of Engineering (GCOE) mula sa TAPAT, na paigtingin ang mga serbisyong pangmag-aaral bilang tugon sa mga hamong kinahaharap ng mga Lasalyano sa mga proseso sa loob ng Pamantasan.
Inilahad din ng mga kandidato mula sa koalisyong LEAD, sa pangunguna ni Rannah Sy, tumatakbong pangulo ng GCOE, ang kanilang mga platapormang tutugon sa pangangailangan ng mga estudyante sa larangan ng akademya tulad ng pagsasagawa ng webinar ukol sa pagsulat ng resume at thesis at pagpapahiram ng mga kagamitang kinakailangan ng mga estudyante sa GCOE.
Patuloy na paglaban para sa pagkakaroon ng kalidad na edukasyon sa Pamantasan naman ang ipinangako ni Clouie Astillo, tumatakbong pangulo ng Br. Andrew Gonzalez FSC College of Education mula sa TAPAT. Inilarawan din niyang hindi makatarungan ang kasalukuyang kalagayan ng edukasyon sa bansa.
Binigyang-tuon naman ni Yanna Ilagan, tumatakbong pangulo ng College of Liberal Arts (CLA), ang tungkulin ng USG na maglingkod at pangalagaan ang pamayanang Lasalyano. “We aspire for a College of Liberal Arts that we can rely on,” pahayag niya. Sa kabilang banda, isang mas inklusibo at ligtas na Pamantasan naman ang maaari aniyang maasahan sa pamumuno ni Ashley Francisco, kandidato ng Tindig CLA para sa pagkapangulo ng CLA. Wika niya, “There is a need to lobby for inclusive and safe programs and policies.”
Isusulong din ng mga kandidato ng TAPAT na sina Tracy Perez, tumatakbong pangulo ng College of Science, at Cid Gernandiso, tumatakbong Executive Treasurer, ang pantay na karapatan at akses sa kalidad na edukasyon.
“Competitions for quality education arise. A privilege that should not be,” pananaw ni Perez ukol sa kaniyang pagkadismaya sa hindi patas na akses sa kalidad na edukasyon. Samantala, naniniwala si Gernandiso na isang karapatan ang edukasyon na nararapat ipaglaban ng kabataan.
Tugon sa pangangailangan ng pamayanan
Nakatuon ang mga talumpating inihatid ng mga kandidatong naghahangad maupo bilang USG Executive Board, sa kani-kanilang mga plano sa pagtugon sa mga pangangailangan ng Lasalyano.
Pagkakaroon ng sapat na representasyon para sa mga estudyante ng kampus ng Laguna ang nais isulong ni Angel Lopez, tumatakbong campus secretary. Aniya, “We envision a Laguna Campus that is flourished and well-represented.”
Pinaplano ni Gernandiso na plantsahin ang ilan sa mga polisiyang may kaugnayan sa pagbabayad ng matrikula. Bahagi ng kaniyang plataporma ang pakikipagugnayan sa administrasyon upang luwagan ang pamantayan ukol sa auto-dropping. Inaasahan ding irerebisa ang mga polisiya ng Pamantasan at isasaayos ang pagpapatupad nito sa ilalim ng pamumuno ni Marco San Juan, tumatakbong Executive Secretary mula sa TAPAT.
Inilatag din ni Janine Siy, pambato ng TAPAT para sa posisyong vice president for internal affairs, ang planong magkaroon ng system-generated pre-enlistment upang mapabuti ang proseso ng enrollment. Samantala, pagsulong sa karapatan ng bawat Lasalyano sa larangan ng malayang pamamahayag ang pokus ni Arvin Ajesta, tumatakbong vice president for external affairs mula sa TAPAT.
Binigyang-diin naman ni Alex Brotonel, tumatakbong pangulo ng USG mula sa TAPAT, ang kahalagahan ng USG sa panahon ng pangangailangan. “Makasisiguro kayo na we will show up, ready to fight for a university we deserve,” pangako niya. Samantala, titiyakin naman ni Jasmine Paras, independiyenteng kandidato sa pagkapangulo ng USG, na itataguyod niya ang karapatan ng mga Lasalyano sa kalidad na edukasyon.