NANINDIGAN ang mga student leader at kabataang Kristiyano ng Student Christian Movement of the Philippines (SCMP) sa kanilang pagtutol sa posibleng panunumbalik ng mandatoryong Reserve Officers’ Training Corps (ROTC). Bilang pagkondena sa nagbabadyang panganib, isinagawa ang isang malalim na talakayang pinamagatang “NO FAITH IN MANDATORY ROTC: A forum on the dangers of reimposition of mandatory ROTC,” Nobyembre 11. Layunin ng SCMP na mapalawak ang kaalaman ng sambayanan ukol sa naturang paksa, pati ang mga rason sa marahang pagtutol ng mga institusyong pang-edukasyon sa pagbabalik nito.
Pinangunahan nina Josh Valentin, miyembro ng SCMP, Kej Andrés, spokesperson ng SCMP, at Yoshi-Aki Liongson, Deputy Secretary General ng National Union of Students of the Philippines, ang talakayan ukol sa paksa. Gayundin, inilahad nila ang panghihimok sa mga pananaw o katanungan ng iba’t ibang estudyanteng dumalo tungkol sa muling pagpataw ng sapilitang pakikilahok sa ROTC.
Militar, mersenaryo ng estado at dayuhan
Karaniwang ginagamit na panakot sa kabataan ang presensya ng kapulisan o ibang awtoridad. Nakagawiang kultura man ito ng masa, nagsisilbing katibayan pa rin ito sa panganib na dulot ng mga indibidwal na nagtatanggol dapat sa mga natatakot at inaapi. Sa kaniyang pambungad na pananalita, isiniwalat ni Andrés ang mga pangunahing rason ng pagkontra sa pagpataw ng mandatoryong ROTC. Iniulat din niya ang mga dasal ng estudyante at gurong kontra sa pagsasakatuparan nito. “Ang dasal ko ay hindi maituloy ang mandatory ROTC dahil magiging dahilan lamang iyo ng korapsyon ng morals at values ng mga kabataan ng henerasyong ito,” panalangin ng isang guro.
Sinimulan ang forum sa pagsaad na mula sa paglikha ng Panginoon sa sangkatauhan, pinagkalooban na ng karapatang mamili ang bawat isa, partikular sa pananatili sa Hardin ng Eden o pagpili sa landas ng kasalanan. Ngunit sa kasalukuyang panahon, sinusubukan ng estadong hadlangan ang karapatang ito sa pamamagitan ng pilit na pagbabalik sa mandatoryong ROTC. Ipinaliwanag ni Liongson na may karapatan ang mamamayang mamili ng paraan upang pagsilbihan ang bayan.
“If you teach the youth to love their country, you won’t need them to undergo mandatory ROTC,” sambit ni Liongson.
Nabuwag ang pagiging mandatoryo ng ROTC nang isabatas ang National Service Training Program (NSTP) Act of 2001 bunsod ng karumal-dumal na kaso ng pagpaslang sa estudyanteng si Mark Welson Chua. Patuloy pang inilahad ni Liongson ang mga kuwentong umiikot sa kapulisan o militar na naninindak, lalo na sa kabataan. Paglilinaw niya, nakaugat ang takot sa tradisyon ng militar na maging mersenaryo—mga armadong indibidwal o grupo na palihim na naglilingkod sa mga pribadong mamamayan kapalit ng pera at karangalan.
Nang dumako sa paksa ng dayuhang pananalakay, iginiit niyang noon pa man namamalagi na ang mga dayuhan sa ating teritoryo bagkus sa pangambang paparating pa lamang ito. Patuloy nang nanlulupig ang mga dayuhang ito, at matagal nang sunud-sunuran ang militar dito, partikular na sa Estados Unidos. “Natatakot tayo na masakop, eh yung military natin ay nakikipagapid na dito [palang] sa militar ng United States,” paglalarawan ni Liongson. Idiniin niya na sa kabila ng lahat, mananaig pa rin ang kapangyarihan ng kolektibong mamamayan kaysa sa kapangyarihan ng militar.
Hinaing ng malawakang masa
Sa diskurso ng pagbabalik ng mandatoryong ROTC, nararapat na pagtuunan ng pansin ang mga dahilan ng mariing pagkondena ng mga progresibong grupo at ng Kristiyanong kabataan. Binanggit ni Liongson na daragdag lamang ang mandatoryong ROTC sa gastusin ng mga mag-aaral, magulang, at eskwelahan. Binigyang-diin pa niya na matindi ang epekto ng ROTC sa mental at pisikal na kalusugan ng mga mag-aaral, lalo na kapag isinasabay ito sa akademikong gawain at NSTP.
Isiniwalat din ni Liongson ang paglaganap ng kultura ng karahasan bunsod ng ROTC. Sa pagiging isang citizen army training officer pa lamang noong high school, ikinuwento ni Liongson ang nasaksihang parusang pag-iipit ng rifle sa binti ng isang kadete habang naka-squat sa loob ng sampung minuto. Malakas na ebidensya rin ang mga naiulat na kaso ng pang-aabuso mula pa noong dekada ‘90, mula sa pangbubugbog, sekswal na pang-aabuso, hanggang sa pagpaslang sa mga inosenteng indibidwal.
Samantala, kinuwestiyon pa ni Liongson ang layunin ng mandatoryong ROTC na payabungin ang nasyonalismo ng mga kabataan. Iginiit niyang wala namang nagsisilbing huwaran at magandang ehemplo sa militar at pamahalaan sapagkat ang mga ito pa ang nagsisilbing tuta ng mga imperyalistang bansa.
“Ang nationalism, hindi ‘yan pinipilit. Dapat, binibigyan mo sila ng reason para maging nationalistic. Role model mo [ang] AFP? Eh ‘yung AFP nakikipag abet sa U.S. military tapos duwag pa pagdating sa pagtataboy sa mga Chinese military sa West Philippine Sea,” pasaring ni Liongson.
Inilarawan din ni Liongson ang pagkakaroon ng mandatoryong ROTC bilang banta sa akademikong kalayaan. Sa kaniyang pagpapaliwanag, ipinunto niyang kapag pumasok ang militar sa mga pamantasan, maglalaho ang kalayaan ng mga mag-aaral na mamahayag at mapapalitan ito ng takot dahil sa posibilidad na makaranas ng red-tagging. Isiniwalat din niyang ginagawang palusot ng estado ang kanilang rason na kapayapaan at kaayusan laban sa mga indibidwal na ipinaglalaban ang kanilang karapatan.
Inilahad din ni Liongson ang mga politikong pasimuno sa pagbabalik ng mandatoryong ROTC. Kabilang sina Paolo Duterte, Gloria Macapagal-Arroyo, Joey Salceda, at Tonypet Albano sa hanay ng mga nangunguna sa muling pagsasabatas nito. Dismayado man sa mga iminungkahing panukalang batas, binigyang-diin pa rin ni Liongson na huwag nang dagdagan ang pahirap sa mga estudyante. Panawagan niya, “Edukasyon dapat hindi militarisasyon. Bring back Philippine History, not mandatory ROTC.”
Nang magwakas ang talakayan, hinimok ng SCMP ang mga mag-aaral na makiisa sa kanilang panawagan at tutulan ang mandatoryong ROTC upang mabigyang-proteksyon ang bawat kabataang Pilipino. Pagpirma sa online na petisyon, pakikibahagi sa mga progresibong grupo, at pag-organisa ng sariling talakayan ang ilan sa mga suhestiyong nabanggit. Sa inisiyatibang ito, pinatunayang malalim ang diwang makabayan ng kabataan. Patuloy na ipinamamalas ng masang api ang kanilang kagitingan at walang dudang ipinaglalaban ang mga yumuyurak sa kanilang karapatan.