SINAWIMPALAD ang DLSU Green Spikers laban sa puwersa ng karibal na ADMU Blue Eagles, 23-25, 17-25, 25-27, sa quarterfinals ng V-League Collegiate Challenge Men’s Division, Nobyembre 16 sa Paco Arena.
Bagamat kinapos na masungkit ang panalo sa una at ikatlong set, umarangkada para sa Taft-based squad si John Mark Ronquillo matapos tumikada ng 18 puntos mula sa 16 na atake at dalawang block. Umagapay rin sa kaniya si star rookie Noel Kampton nang magtala ng 12 puntos mula sa 10 atake at dalawang service ace.
Nagpakitang-gilas naman sa hanay ng Blue Eagles si Canciano Llenos matapos pumundar ng 21 puntos mula sa 17 atake, tatlong block, at isang service ace. Hindi rin nagpahuli ang kanilang playmaker na si James Licauco nang umukit ng 17 excellent set at isang service ace.
Maalab na sinimulan ng Green Spikers ang unang set matapos ang kaliwa’t kanang pagratrat ng mga atletang Lasalyano ng puntos. Kapit-bisig na nagpakawala ng mga malakuryenteng tirada sina Ronquillo, Kampton, Joshua Rodriguez, at Vince Maglinao, 12-6. Buhat nito, naiwang naghihingalo ang depensa ng Loyola-based squad.
Nag-iba naman ang ihip ng hangin ng koponang Green and White matapos magtamo ng injury si kapitan Maglinao. Sinamantala naman ito ng Loyola-based squad nang mahabol ang talaan ng Green Spikers, 22-21. Sa huli, hindi na napigilan ng DLSU ang nagbabagang opensa ng katunggali at tuluyan na silang nabigo kontra Blue Eagles mula sa come-from-behind set win, 23-25.
Ipinagpatuloy ng mga agila ng Katipunan ang kanilang umaatikabong momentum sa pagpasok ng ikalawang set. Sa kabilang banda, tila nanghina ang opensa ng DLSU matapos maiwanan ng ADMU sa talaan, 10-14. Napurnada rin ang nabubuong scoring run ng Taft-based squad nang sunod-sunod itong mag-error. Buhat nito, tinuldukan na ni Llenos ang set matapos magpakawala ng malabombang tirada, 17-25.
Bitbit ang hangaring makabawi, agad na rumatsada sa ikatlong set si Kampton matapos magpakitang-gilas sa kaniyang strong kill, 4-1. Gayunpaman, hindi nagpatinag sina Llenos at Kennedy Batas nang sabayan ang init ng Green Spikers, 8-9. Pinaigting naman ng Taft-based squad ang kanilang net defense upang mabarikadahan ang atake ng Blue Eagles.
Tila nabuhay ang diwa ng kalalakihan ng Taft matapos lumustay ng magkakasunod na puntos si Ronquillo, 20-16. Samantala, sumiklab muli si Llenos nang itabla ang bakbakan, 24-all. Patuloy naman ang pagkapit ng DLSU ngunit hindi ito naging sapat nang makapiglas ang ADMU at maselyuhan ang panalo sa pamamagitan ng kill block, 25-27.
Buhat ng pagkatalong ito, nalaglag sa playoffs ng torneo ang Green Spikers habang uusad naman sa semifinals round ang Blue Eagles.
Mga iskor:
DLSU 65 – Ronquillo 18, Kampton 12, De Jesus 4, Espejo 3, Rodriguez 3, Del Pilar 3, Maglinao 2
ADMU 77 – Llenos 21, Gopio 9, Batas 8, Absin 7, Sendon 5, Blomstedt 2, Licauco 1