BIGONG MAKASUNGKIT ng puwesto sa podium ang Lady Shuttlers kontra NU Bulldogs, 1-3, sa UAAP Season 85 Women’s Badminton Tournament, Nobyembre 13 sa Centro Atletico Badminton Center, Quezon City.
Sa unang singles match, agad na inararo ni Bulldog Sarah Barredo si Lady Shuttler Mia Manguilimotan matapos angkinin ang unang set tangan ang walong puntos na bentahe, 13-21. Tila lalong humina ang depensa at opensa ni Manguilimotan sa ikalawang set nang solidong magapi ni Barredo, 9-21.
Taliwas naman sa unang singles match ang naging resulta ng laban ni Palma Cruz kay Karyl Rio. Dikit man ang pagbirada ng puntos ng dalawang manlalaro, nanaig pa rin sa huli ang pambato ng Taft, 21-19, 21-17.
Para sa women’s doubles, natamo nina Lady Shuttler Manguilimotan at Viana Antonio ang ikalawang talo ng koponan nang dumulas sa tambalang Sarah Barredo at Ysabel Amora, 16-21, 16-21.
Tila hindi sumuko ang kababaihan ng Taft sa huling doubles match. Umabot man ng tatlong set ang kanilang laban, bigong maungusan nina Cruz at May Minuluan ang mga alas ng NU na sina Jeya Pinlac at Gwyneth Desacola, 10-21, 21-17, 16-21.
Sa pagsasara ng torneo, nagtapos ang kampanya ng Lady Shuttlers sa ikaapat ng puwesto. Wagi namang madepensahan ng ADMU Blue Eagles ang kanilang titolo. Kaugnay nito, itinanghal na three-peat champion ang ADMU sa women’s badminton. Nasungkit ng UP Fighting Maroons ang pilak na medalya at naiuwi naman ng NU Bulldogs ang tansong medalya.