NAGPASIKLABAN ang mga independiyenteng kandidato at piling indibidwal mula sa mga koalisyon at Alyansang Tapat sa Lasallista (TAPAT) sa isinagawang Harapan 2022: Make-up Elections Debate na pinangunahan ng De La Salle University Commission on Elections, Nobyembre 9.
Nagwagi sa naturang debate sina Mikee Gadiana, tumatakbong EXCEL2024 batch legislator mula koalisyong Pulso ng Ekonomista (PULSO); Yanna Ilagan, tumatakbong pangulo ng College of Liberal Arts (CLA) mula TAPAT; at Jasmine Paras, independiyenteng kandidato at tumatakbong pangulo ng USG. Hinirang naman bilang overall best speaker si Alex Brotonel, tumatakbong pangulo ng USG mula TAPAT.
Pinangasiwaan naman ng La Salle Debate Society at University Student Government (USG) Judiciary ang debate, katuwang ang Archers Network sa pag-livestream.
Diskriminasyong nararanasan ng mga estudyante
Inusisa sa debate ang paninidigan ng mga kandidato ukol sa nararanasang diskriminasyon ng mga frosh at mga miyembro ng LGBTQIA+ sa loob ng Pamantasan.
Naniniwala si Sai Kabiling, tumatakbong CATCH2T26 batch legislator mula ANGAT Lasalyano (ANGAT), na kailangan nang wakasan ang tradisyon ng “frosh hate” o ang diskriminasyon sa mga bagong estudyante ng Pamantasan dahil maaari nitong mapahamak ang kalayaan ng mga estudyante.
Para naman kay Ela Tan, tumatakbong 75th ENG batch legislator mula TAPAT, nararapat lang na pagtibayin ang Safe Spaces Policy ng Pamantasan at bigyan ng karampatang parusa ang mga lalabag dito. Paglilinaw rin niya, “Holding them accountable does not mean we punish them.”
Sa pananaw naman ni Gadiana, “We have to understand that the times are changing. We have to adapt to new traditions.” Dagdag pa niya, kailangang suriing muli ang ipinatutupad na Safe Spaces Policy upang lalo itong mailatag sa Pamantasan. Sinang-ayunan din ito ni Tyler Pornan, tumatakbong BLAZE2024 batch legislator mula ANGAT.
Para kay Ashley Francisco, tumatakbong pangulo ng CLA mula koalisyong Tindig CLA, nararapat na malaman ang pinag-uugatan ng kulturang ito dahil taliwas ito sa ipinaglalaban niyang ligtas at inklusibong Pamantasan.
Naniniwala naman si Ilagan na walang basehan ang “frosh hate.” Bukod pa rito, pinaalala rin niyang parehong mayroong responsibilidad ang frosh at mga nakatatandang batch na panatilihing ligtas na espasyo ang Pamantasan.
Ineengganyo naman ni Rannah Sy, tumatakbong pangulo ng Gokongwei College of Engineering (GCOE) mula koalisyong GCOE LEAD, na unawain ng pamayanang Lasalyano ang mga frosh habang hindi pa nila gamay ang kampus at kultura bilang Lasalyano.
Kalagayan ng Pamantasan at lipunan
Inusisa rin sa debate ang mga polisiya sa kampus tungkol sa pagbabawas ng plastik na basura. Sang-ayon dito sina Francisco, Ilagan, at Sy. Tingin nila magandang inisyatiba ang pangangalaga ng kalikasan lalo pa na malala na ang krisis sa kalikasan ng bansa.
Ipinukol din sa mga kandidato aling mga usaping panlipunan ang marapat pagtuunang-pansin ng administrasyon. Wika ni Ilagan, “We still need to focus on the sociopolitical issue. There is a[n] education crisis here in our country. [We must lobby for] ligtas na balik-eskuwela [here] in our University.”
Pinasadahan din ang isyu ukol sa data privacy dahil sa mga dinanas na aberya ng Pamantasan sa kabila ng pagiging strikto ukol dito. Bunsod nito, ipinangako ni Brotonel na makikipag-ugnayan siya sa Data Privacy Office upang makita ang mga polisiyang kinakailangan pang pagbutihin. Samantala, binigyang-diin ni Paras na dapat magkaroon ng sistema ukol dito upang masigurong mapananagot ang mga nagkasala.
Sa huli, binigyan ng 30 segundo sina Brotonel at Paras upang iparating ang kanilang mensahe sa pamayanang Lasalyano. Ani Brotonel, “USG na hindi puro salita, USG na hindi puro pangako, pero USG na puro gawa at maaasahan. That is the USG that I will bring if I get the chance to become the President.”
“You deserve a student government that will stand with you, na sasamahan kayo at aabante nang kasama ninyo. Hopefully for this election, you vote for someone that will be able to help you and progress with you,” pangako naman ni Paras.