INILISTA ng DLSU Lady Archers ang kanilang ikasiyam na panalo matapos manaig kontra AdU Lady Falcons, 54-48 sa ikalawang yugto ng UAAP Season 85 Women’s Basketball Tournament, Nobyembre 13 sa UST Quadricentennial Pavilion.
Patuloy ang pag-arangkada ng batikang Lady Archer Charmaine Torres nang makapagtala ng 14 na puntos at pitong rebound. Kaagapay niya si Fina Niantcho matapos umukit ng 11 puntos at 13 rebound.
Bumida naman para sa Lady Falcons si Victoria Adeshina nang makasalaksak ng 20 puntos at rebound. Nakapag-ambag naman sina Cris Padilla at Angela Alaba ng pinagsamang 17 puntos.
Naging matumal ang takbo ng laban sa unang kwarter matapos magbalikan ng tirada ang parehong koponan. Sa kabila nito, nagawang humirit ni Marga Jimenez ng floater sa huling segundo upang angkinin ang kalamangan sa unang kwarter, 12-11.
Nanatili ang liksi ni Jimenez papasok ng ikalawang kwarter nang sundan niya ito ng turn-around jumper, 14-11. Hirap pa ring makapagsalpak ng tres ang Lady Archers kaya naghiganti na lamang sa loob ng paint si Lee Sario, 16-11. Tumikada naman ng dos para sa Lady Falcons si Agojo, 25-19. Gayunpaman, nanatili pa rin ang 6-point lead ng Green-and-White squad sa pagtatapos ng ikalawang kwarter, 25-19.
Tumindi ang bakbakan matapos magsalitan ng puntos ang dalawang koponan sa ikatlong kwarter. Matapos ang pananalasa sa opensa ni Victoria Adeshina, 35-27, sumagot naman ng dalawang magkasunod na tirada si Ahmed, 27-28. Nagsimula namang uminit ang opensa ng Lady Falcons sa huling bahagi ng kwarter nang magpasok ng tres si Padilla mula sa magandang pasa ni Leslie Flor, 41-33.
Tangan man ng Lady Archers ang 8-point lead sa simula ng huling kwarter, mabilis itong nahabol ng Lady Falcons at hindi na naawat ang kanilang opensa nang makapaglista ng three-point shot si Padilla, 43-40. Bunsod nito, pahirapang inalagaan ng Green-and-White Squad ang kanilang naipundar na puntos na sinundan pa ng mintis na tirada ni Sario, 47-46.
Sa kabila ng dikit na laban, pumabor pa rin sa Lady Archers ang kalamangan sa huling dalawang minuto. Naisalpak nina Torres at Niantcho ang sumatotal apat na free throw upang itulak ang koponan sa kanilang panalo, 54-48.
Tuloy-tuloy pa rin ang winning streak ng Lady Archers at kasalukuyang tangan ang solong ikalawang puwesto sa team standings mula sa kanilang 9-2 rekord. Samantala, nanatiling lumapag sa ikaanim na puwesto ang AdU Lady Falcons na may 3-8 panalo-talo kartada.
Tunghayan ang susunod na laban ng DLSU Lady Archers kontra UP Lady Maroons sa Sabado, Nobyembre 19, ika-3 ng hapon sa UST Quadricentennial Pavilion.
Mga iskor
DLSU 54 – Torres 14, Niantcho 10, Sario 7, Ahmed 6, Jimenez 5, Espinas 4, Binaohan 4, Dalisay 2, De La Paz 2
AdU 48 – Adeshina 20, Padilla 11, Alaba 6, Flor 5, Agojo 4, Catulong 2
Quarterscores: 12-11, 25-19, 41-33, 54-48