MAGKAIBA ang sinapit ng kapalaran ng DLSU Green Shuttlers at Lady Shuttlers sa UAAP Season 85 Badminton Tournament, Nobyembre 12. Tinuldukan ng Green Shuttlers ang kanilang kampanya sa torneo mula sa pagkapanalo kontra AdU Soaring Falcons, 5-0, sa Centro Atletico Badminton Center, Quezon City. Yumuko naman ang Lady Shuttlers sa archrival na ADMU Blue Eagles, 1-4, sa parehong araw at lugar.
Matapos ang mga nakalipas na laro na dehado ang Green Shuttlers, tila humirit ang kalalakihan ng Taft nang solidong mawalis ang panalo sa men’s singles match. Sa unang laban, pinataob ni Bless Linaban si Harold Bonilla, 21-13, 19-21, 21-19. Umayon din ang ihip ng hangin kay James Estrada matapos payukuin si CL Garcia, 21-11, 21-16.
Sa pagdako ng huling singles match, tila nagdidikdikan sa pagbuno ng puntos sina Green Shuttler Jason Pajarillo at Soaring Falcon Nathaniel Acedillo nang naging dikit ang talaan. Sa huli, nanaig si Pajarillo, 21-19, 21-19.
Tuloy-tuloy ang pagkayod ng Green Shuttlers upang makabuno ng puntos tungo sa unang panalo. Dinomina ng tambalang Eljee Gavile at Yuan Tan sina Noel Hernandez at Gabriel Ganoy mula sa kanilang dikit na laban, 21-16, 22-20. Nagtuloy-tuloy ang mometum ng DLSU mula kina Pete Abellana at Joshua Morada na pinaguho ang tambalang Harold Bonilla at Christian Garcia, 21-18, 21-15.
Hindi naging maganda ang timpla ng raketa sa pagdako ng women’s division. Hindi umubra ang liksi at tikas ng Lady Shuttlers sa unang dalawang laro sa women’s singles. Dumulas si Mia Manguilimotan sa kamay ni Jochelle Alvarez, 19-21, 14-21.
Napuruhan din ni Blue Eagle Mikaela De Guzman si Lady Shuttler Katrina Togado, 7-21, 6-21. Sinalba naman ni Palma Cruz ang DLSU nang makalusot sa bagsik si Feeby Ferrer para sa huling singles match, 21-19, 21-18.
Para sa women’s doubles, dumausdos ang tandem nina Cruz at Shayne Boloron, 11-21, 17-21. Nabigo rin ang tambalang Jacqueline Pantoja at May Minuluan kina Gela De Vera at Maxene Olango, 11-21, 21-23.
Gumuhit man ng isang panalo ang Green Shuttlers, nagtapos naman ang kanilang pagratsada sa UAAP Season 85 sa tala na 1-4 panalo-talo kartada. Bumaba naman sa 2-3 ang rekord ng Lady Shuttlers at kasalakuyang nasa ikaapat na puwesto.
Subaybayan ang susunod na laban ng Lady Shuttlers kontra NU Lady Bulldogs para sa ikatlong puwesto mamaya, Nobyembre 13 sa ganap na ika-1 ng hapon sa Centro Atletico Badminton Center.