PAIT AT TAMIS ang nalasap ng dalawang koponan ng DLSU Green Booters sa kani-kanilang laro sa Ang Liga Season 18 kaninang umaga, Nobyembre 13 sa FEU Diliman Football Field.
Mapait na tadhana ang sinapit ng DLSU A kontra Philippine Army, 0-2, sa unang laban ng Taft mainstays kaninang ika-8 ng umaga. Sa kabila nito, dinomina ng DLSU B ang kanilang kauna-unahang laban sa torneo kontra Philippine Air Force Football Club, 9-0. Naganap ang ikalawang laro ng koponang Lasalyano kaninang ika-10 ng umaga.
Pait ng kauna-unahang talo
Sinubukang magpakitang-gilas ng starting eleven ng DLSU A sa half time ng torneo ngunit maagang humirit ng puntos ang Philippine Army sa ika-2:36 mark, 0-1. Pinaigting na depensa naman ang ikinasa ng koponang Lasalyano matapos bakuran ng kanilang goalkeeper ang tirada ng katunggali sa ika-4:34 minuto ng bakbakan.
Sa kabila nito, tuluyan nang winasak ng Philippine Army ang matatag na depensa ng DLSU A sa ika-45 mark ng sagupaan, 0-2. Nanatili namang tahimik ang talaan ng magkatunggali pagkatapos ng half time bunsod ng matinding depensa at mga mintis na tira ng dalawang koponan.
Pagdako ng full time, bigo pa ring makaukit ng puntos ang DLSU A at tuluyan nang yumuko sa puwersa ng Philippine Army, 0-2. Napasakamay ng DLSU A ang kanilang unang talo sa torneo tangan ang 1-1 panalo-talo kartada sa team standings. Samantala, back-to-back win naman ang natamasa ng Philippine Army sa kanilang mga naging laro buhat ang kanilang 2-0 rekord.
Abangan ang pagbawi ng DLSU Green Booters A kontra FEU Tamaraws sa darating na Sabado, Nobyembre 19, sa ganap na ika-8 ng umaga sa FEU Diliman Football Field.
Palasap sa tamis ng tagumpay
Matamis na buena manong laro ang nalasap ng DLSU B nang tambakan ang katunggaling Philippine Air Force Club. Kaakibat nito, tila sinalanta ng Green Booters ang naghihingalong depensa ng katunggali matapos tumikada ng 5-0 run sa pagtatapos ng half time.
Sinubukan mang makapuntos ng Philippine Air Force, umalab naman lalo ang opensa at depensa ng Taft-based squad matapos pumasok ang kanilang tira sa ika-59 minuto ng laban, 6-0. Sinundan naman ito kaagad ng ikapitong puntos ng DLSU B nang umiskor sa ika-70 mark, 7-0.
Hindi nagtagal, sunod-sunod na dinurog ng Green Booters B ang patay-sinding depensa ng katunggali sa ika-82 at ika-83 minuto ng laro, 9-0. Hindi naman umabot sa 10 ang iskor ng DLSU B sa pagtatapos ng laban ngunit hindi nila hinayaang sumabat ng isang puntos ang Philippine Air Force.
Kargado nito, nakamit ng DLSU B ang kanilang unang tagumpay sa torneo bitbit ang 1-0 rekord. Dumausdos naman ang talaan ng Philippine Air Force matapos makamit ang kanilang sunod-sunod na talo tangan ang 0-2 panalo-talo kartada.
#AnimoLaSalle—asahang patuloy na iwawagayway ng DLSU B ang banderang Berde at Puti sa kanilang susunod na laban kontra Tuloy Football Club sa Sabado, Nobyembre 19, sa ganap na ika-10 ng umaga sa parehong lugar.