IPINAMALAS ng DLSU Lady Spikers ang tulis ng kanilang palaso sa AdU Lady Falcons, 25-16, 18-25, 25-23, 22-25, 15-8, sa kanilang pagtatapat sa Shakey’s Super League Semifinals, Nobyembre 11 sa Rizal Memorial Coliseum.
Dominanteng opensa ang ibinida ng Lady Spikers na pinangunahan ni Thea Gagate nang tumikada ng 18 attack, limang block, at apat na service ace. Nakapag-ambag din ng kabuuang 32 puntos sina Angel Canino at Alleiah Malaluan upang bawian ang AdU mula sa kanilang unang laban sa playoffs.
Matatag na depensa sa net ang ipinalasap ng Lady Spikers kontra AdU sa unang set nang makapagtala ng kabuuang limang block. Pinagana rin ni Alba ang kaniyang middle hitters upang gulatin ang depensa ng katunggali mula sa quick attack ni Fifi Sharma, 23-16. Sinundan pa ito ng running attack ni Gagate at ng service ace ni Sharma upang isara ang unang set, 25-16.
Maagang regalo naman ang hatid ng Lady Spikers sa katunggali nang magpamigay ng mga libreng puntos sa pagpasok ng ikalawang set, 10-13. Sinubukan pang humabol ng Taft mainstays nang magpakawala ng rumaragasang quick attack at service ace si Gagate, 14-16. Gayunpaman, tuluyan nang ipinuslit ng Lady Falcons ang panalo sa set matapos magpakitang-gilas sa net ni Rizza Cruz, 18-25.
Bitbit ang hangaring makabawi sa AdU, nakagigimbal na opensa ang agarang ibinungad ng Taft-based squad sa ikatlong set. Umarangkada si star rookie Canino matapos ang kaniyang sunod-sunod na malakuryenteng spike, 17-14. Samantala, nagawang makahabol ng Lady Falcons nang magtala ng erros ang DLSU, 18-21. Naibalik naman ng Lady Spikers ang mabagsik nilang puwersa matapos kumamada ng sunod-sunod na puntos upang maagaw ang panalo sa set, 25-23.
Nagsagutan naman ng tirada ang dalawang koponan nang paigtingin nila ang kani-kanilang opensa at depensa sa ikaapat na set, 8-9. Gayunpaman, nanaig ang lakas ng Lady Falcons kontra DLSU matapos sunod-sunod na pumuntos bago ang ikalawang technical timeout, 13-16.
Umiba ang timpla ng bakbakan matapos ibalik ng Lady Spikers si middle blocker Gagate sa loob ng kort. Sinundan pa ito ng pagliyab ni Malaluan nang sabayan niya si Gagate sa pag-atake, 21-19. Mukha mang sumasara na ang laban, agad na kumamada ng clutch run ang Lady Falcons upang itulak sa deciding set ang labanan, 22-25.
Naging bentahe ng Lady Spikers ang kanilang mabibigat na serve sa ikalimang set kaya nangapa ang depensa ng San Marcelino-based squad, 9-5. Tila kumakapit pa rin ang Lady Falcons matapos magsumite ng puntos si Cruz gamit ang malabombang atake, 13-8. Sa huli, hindi na nagpatumpik pa ang kababaihan ng Taft nang tapusin ang laban matapos magliyab ang mga daliri ni Malaluan, 15-8.
Buhat ng makapigil-hiningang panalo, makahaharap ng Lady Spikers ang wala pang talo na puwersa ng NU Lady Bulldogs sa susunod na Sabado, Nobyembre 19, ika-4:30 ng hapon sa Rizal Memorial Coliseum.